• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NPD, may tinutugis ng mga suspek sa pagpaslang sa vlogger sa Caloocan

MAY hinahanting ng mga suspek ang Northern Police District (NPD) sa nangyaring pamamaslang sa isang babaeng pro-administration vlogger sa Caloocan City.

Gayunman, nakiusap ang NPD na hindi muna sila magbibigay ng detalyadong impormasyon sa pagkakilanlan ng mga suspek habang patuloy pa silang nangangalap ng matibay na ebidensiyang mag-uugnay sa mga ito.

Ayon sa NPD, ibinatay ang pagkakakilanlan sa mga suspek matapos ang isinagawang forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa paligid ng Barangay 171 kung saan nangyari ang pamamaslang.

Lumutang ang posibilidad na madalas makita sa lugar ang mga suspek na posibleng naniirahan din sa naturang barangay o matagal na nilang tinitiktikan ang kilos ng mga biktima.

Tiniyak naman ng NPD na isasapubliko kaagad nila ang progreso ng kanilang imbestigasyon sa oras na maging beripikado na ang impormasyon.

Naunang bumuo si NPD Director P/BGen. Benliner Capili ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa masusi, mabilis, at epektibong imbestigasyon sa nangyaring pamamaslang sa babaeng pro-administration vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, 24, at malubhang pagkasugat ng kanyang live-in partner na nangyari sa kanilang tirahan sa Tierra Nova Subdivision Main, Brgy. 171, Biyernes ng madaling araw.

Mariin ding kinondena ng NPD ang nangyaring krimen at nagpaabot na rin ito ng taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya at mahal sa buhay ng biktima at kasama sila sa panalangin na agarang paggaling sa tinamong sugat ng kanyang kinakasama.

Nanawagan din ang NPD sa sinumang may impormasyon na may kaugnayan sa insidente na makipag-ugnayan sa Caloocan City Police Station, katapat ng pangakong lahat ng kanilang maibabahaging kaalaman ay ituturing na may pinakamataas na antas ng paglilihim. (Richard Mesa)