• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

P542K kagamitan at huling isda, nasabat ng Maritime Police sa limang naarestong mangingisda 

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT P540K halaga ng kagamitan at huling isda ang nasamsam sa limang mangingisda matapos maaktuhan ng mga operatiba ng Northern NCR Maritime Police Station na iligal na nangingisda sa katubigan na sakop ng Manila Bay sa isinagawang seaborne patrol operation.

Pasado alas-10:10 ng umaga ng Hulyo 16, 2026, nagsasagawa ng regular na seaborne patrol ang mga tauhan ng Northern NCR MARPSTA na nakatalaga sa MLET Baseco nang mamataan nila ang puting bangkang pangisda na may pangalang FBca ” ROCHELLE ” na iligal umanong nangingisda sa katubigan ng Manila Bay, humigit-kumulang 5.79 kilometro mula sa dalampasigan ng Baseco Beach Port Area, Maynila.

Nagpakilala ang mga operatiba bilang mga miyembro ng PNP Maritime Group at humingi ng pahintulot na makasakay sa bangka, na kusang-loob namang ipinagkaloob ng kapitan bago isinailalim sa beripikasyon ang kanilang mga dokumento at permit sa pangingisda.

Dito, napag-alaman na ang nasabing bangka ay isang small-scale fishing vessel, na ipinagbabawal na mangisda sa loob ng municipal waters ng Lungsod ng Maynila. Bukod dito, napatunayang gumagamit ito ng active fishing gear o trawl, na mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa umiiral na batas sa pangisdaan.

Dahil dito, inaresto ang mga sakay ng bangka na sina alyas Mario, alyas Rogelio at tatlo pang tripulante dahil sa paglabag sa Section 86 (Unauthorized Fishing) at Section 95 (Use of Active Gear in Municipal Waters, Bays and Other Fishery Management Areas) ng R.A 10654 bago ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.

Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang nasabing bangka na nagkakahalaga ng ₱500,000, isang FUSO marine engine na nasa ₱20,000 ang halaga, 30 metrong trawl fishing net na nasa ₱20,000 ang halaga at 40 kilong alamang na may kabuuang halagang ₱2,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Northern NCR MARPSTA ang mga inaresto at mga nakumpiskang kagamitan habang inihahanda ang kaukulang dokumentasyon bago ito i-endorso sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Capital Region (BFAR-NCR) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon sa PNP Maritime Group, patuloy nilang pinapaigting ang pagpapatupad ng batas sa karagatan upang labanan ang iligal na pangingisda, pangalagaan ang yamang-dagat ng bansa, at tiyakin ang napapanatiling paggamit ng mga katubigan para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. 

(Richard Mesa)

₱31.95-M AYUDA, IPINAMAHAGI NG NHA SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG ODETTE SA CEBU

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben A. Tai, ng kabuuang ₱31.95-M halaga ng tulong pinansyal sa 3,195 pamilya na mga biktima ng bagyong Odette sa Cebu, dalawang seremonya na ginanap sa mga lungsod ng Talisay at Danao.

Ayon sa mensahe ni GM Tai, hangad ng cash aid mula sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) na mapagaan nito ang mga mga naging gastos sa pagsasaayos ng mga nasirang tahanan ng mga pamilya.   

“Sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., makakaasa po kayo na patuloy ang pagsisikap ng NHA na magpaabot ng tulong pinansyal sa bawat pamilyang naapektuhan ng sakuna at kalamidad upang magkaroon ang bawat isa ng ligtas at komportableng pamumuhay, maging ang pagkakataon na makabangon at makapagsimulang muli,” pahayag ni GM Tai. 

Ayon naman kina NHA Region VII Manager Engr. Hermes Jude G. Juntillo at Cebu District Officer-in-Charge Engr. Dante U. Estrobo, tumanggap ang bawat pamilya-benepisyaryo ng ₱10,000 sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya.

Sa kabuuang bilang ng mga pamilyang nakatanggap ng ayuda, 1,519 ang mula sa Talisay City habang 1,547 ang mula sa Danao City at 129 naman ang mula sa Carmen.

Sa pamamagitan ng EHAP, pinalawak ng NHA ang mga serbisyong pabahay nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga biktima ng kalamidad, upang matulungan silang muling maitayo ang kanilang mga tahanan. Bukod sa bagyo, saklaw rin ng EHAP ang iba pang natural at man-made na mga sakuna tulad ng lindol, sunog, at pagbaha.

Samantala, dumalo rin sina Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas Jr. na kinatawan ni Brgy. Tabunok Captain Benjie Cabigas, Danao City Mayor Ramon D. Durano III, Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas Jr., at Municipality of Carmen Mayor Carlo T. Villamor upang ipakita ang kanilang suporta sa programa ng ahensya. (PAUL JOHN REYES)

SWS: Trust ni Pangulong Marcos, bumagsak sa 34%

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUMAGSAK sa 34% ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang nanatiling matatag sa 57% ang kay Bise Presidente Sara Duterte.

Sa pinakahuling survey na kinomisyon ng Stratbase Group at isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong ikalawang kwarter ng 2026, lumitaw na 34% lamang ng mga Pilipino ang nagsabing may “much trust” o malaking tiwala kay Marcos. Samantala, 45% ang may “little trust” at 19% ang “undecided.”

Ayon sa SWS, “The latest figures continue a downward trend from the President’s 64 percent trust rating in July 2024. Trust steadily declined throughout 2025, briefly recovering to 48 percent in June 2025 before falling again over the succeeding months to 34 percent in the latest survey.”

Sa kaparehong survey, 57% ng mga Pilipino ang nagsabing may “much trust” kay VP Duterte, hindi nagbago mula Marso 2026. Ngunit tumaas ng limang puntos ang may “little trust” sa kanya, mula 22% tungong 27%, habang 15% ang “undecided.”

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents, isang linggo bago ang ika-5 SONA ni Marcos sa Hulyo 27, 2026.

Ayon kay Stratbase Institute President Victor Andres “Dindo” Manhit, ang resulta ng naturang survey ay dapat magsilbing “wake-up call” para sa administrasyong Marcos.

Ads July 20, 2026

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Magkatapat man ang serye, may iisang layunin sa industriya…DINGDONG, inihayag na may proyekto ang AKTOR na pamumunuan ni COCO (ni: ROHN ROMULO)

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA Facebook post ni GMA Primetime Queen Marian Rivera, pinost niya ang mga larawan nang muling pagkikita ng Primetime King ng GMA at ABS-CBN na sina Dingdong Dantes at Coco Martin.

May caption ito na, “Si Atoy at si Gabo para sa AKTOR – League of Filipino Actors #Soon.”

Nag-post din si Dingdong sa kanyang Instagram account ng naturang photos, kasama rin ang isang larawan ang wifey na si Marian, Iza Calzado at iba pang taga-AKTOR.

Mababasa sa masayang post na ito ng bida sa ’The Master Cutter’ (na more than 50 episodes na)…

“Magkaiba man ang programa, iisa lang ang layunin: pagmamahal at pagpapalakas ng ating industriya.

“Isang magandang Sunday meeting, may kasamang masayang kwentuhan at makabuluhang palitan ng mga ideya, para pag-usapan ang isa na namang proyektong ilulunsad ng AKTOR sa ilalim ng pamumuno ng ating kapwa AKTOR member na si Coco Martin. Soon. 
“Para sa AKTOR. Para sa mga aktor. Para sa industriya. 
“Salamat, Coco.”
#ProudAktor @aktorph 

Marami celebrities ang natuwa at bumati sa muling pagsasama ng dalawang Primetime Kings, at na-excite ang netizens sa project na gagawin nila ang alam namin ay mangyayari sa bago matapos ang taon.

Marami rin ang nagwi-wish na magsama sina Dingdong at Coco sa isang action movie o serye.

Ramdam din ng netizens na walang rivalry sa kanila kahit na magkatapat ang kanilang primetime series.  

Komento ng netizens, “Magkaibang programa pero iisa ang ama.  Parehas na si Sir Joey Marquez.”

“Cross over sana hahahaha yung kahit napadaan lang ang isa sa kanila.”

Well, abangan na lang natin ang isang malaking project na ilo-launch ng AKTOR para sa local entertainment industry na tiyak na pag-uusapan bago matapos ang 2026.

Kahit maraming ‘di naniniwala na wala pang relasyon…AUBREY, ipinagdiinan na itinuturing niyang best friend si LANCE (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MARAMI ang hindi naniniwalang wala pang relasyon bilang boyfriend/girlfriend sina Aubrey Caraan at Lance Carr, napaka-sweet nga kasi nilang dalawa.

Pero pagpapatotoo ng dalawa, best of friends [pa] lamang sila ngayon.

“We’re really good friends, like, parang ano kami… yung sinasabi ko totoo po talaga, like, best friend ko siya,” lahad ni Aubrey.

“Ang best friend ko po talaga siyempre yung sister ko, pero wala akong guy best friend, kumbaga, na nasasabihan ko ng lahat-lahat.

“Sa mga hindi po nakakaalam, I live alone here in Manila. Ako lang po talaga.”

At si Lance ang madalas nakakasama ni Aubrey sa mga ganap niya kahit sa labas ng showbiz.

“And si Lance, madalas kaming nagkakatrabaho, so siya minsan yung sumasama sa akin sa mga errands ko.

“Kunwari kailangan kong mag-grocery, pero ang dami kong bitbit, so magpapasundo ako.

“Ganoon yung level of closeness namin ni Lance,”

Sinegundahan ito ni Lance.

“Yun din po ang ibinilin ng mama niya sa akin.

“Since si Aubrey lang po ang mag-isa dito, kung puwede I can extend a helping hand to her.

“Kung kailan niya ako kailangan, parang I make sure naman na nandiyan ako for her, kung anuman yung kailangan niya.”

Pero wala mang relasyon sa ngayon, aminado naman sila na posibilidad na maging sila.

Lahad ni Lance, “Nakikita ko naman na girlfriend material si Aubrey!”

Sinagot naman ni Aubrey na boyfriend material si Lance, na agad sinagot ni Lance ng,

“Akala ko, husband material?”Kilig man ang hatid ng magka-loveteam, sa horror film na “Rosario” ay mananakot mula sila kasama sina

Rose Van Ginkel, Yumi Garcia, Bernadette Allyson, Meg imperial, Jairus Aquino at Suzette Ranillo. 

Mula sa Viva Films na magbubukas sa mga sinehan sa Agosto 5, 2026, sa direksyon ni Roni S. Benaid.

Balitang ‘bankrupt’ na raw ang tech business ng asawa…IZA, lumalabas na walang kaalam-alam sa problema ni BEN (ni: REY PINEDA) 

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSIMULA ang lahat sa isang bulung-bulungan na naging blind item na sa mga social media platforms. 

Ang tinukoy ng nasabing item ay tungkol sa isang celebrity couple. Pinay ang babae at foreigner ang lalake.

Bankrupt na raw ang tech business ng nasabing foreigner. Naging madali itong hulaan ng mga mapanuring mata ng mga netizens dahil sa ang babae ay isang premyadong aktres.

Dito na nagsimula ang lahat.     

Ang nabanggit na blind item ay nagkaroon na nang mukha. Ang mag-asawang Iza Calzado at Ben Wintle ang lumitaw na tahasang tinutukoy ng nasabing blind item.

Mas lalong tumindi ang kontrobersya dahil hindi lamang isa ang nagrereklamo sa DOLE, marami raw sila.

Mga empleyadong hindi nabayaran ng kabuuang suweldo. Kung kaya’t napangalanan na kung sino ang employer.  Patung-patong na kaso daw ang isinampa ng mga complainant dahil sa hindi patas na pagpapasuweldo.

Ang matindi pa raw, bukod sa suweldo, yung mga separation pay raw ay hindi pa naibibigay o sadya raw na naka-hold.

Noong una, ayaw naman daw sanang magreklamo ng mga empleyado. Siguro naisip ng mga ito na asawa naman ito ng aktres kaya’t malayong hindi nito maibigay ang kanilang hinihinging kabayaran.

Mas lumala ang problema nila dahil naulinigan ng mga ito na maaaring mag-file na ng bankruptcy ang kumpanya, kung kaya’t kinailangan na nila ang intevention ng gobyerno. Kung kaya’t sumugod na ang mga ito sa DOLE upang idulog ang kanilang problema.

Kapag nag-file nga naman ito ng bankruptcy, malamang na wala silang makuhang separation pay.   

Ayon pa sa mga naglalabasang balita, tila wala raw kaalam-alam itong si Iza sa nagiging problema sa negosyo ng kanyang asawa.

Well, sana lang maayos na ang problema ng asawa nito. at mabuting makipag-settle na lamang  sa kanyang mga empleyado. 

Kung sakali namang bankrupt na nga itong si Ben, I’m sure kaya naman siyang buhayin ni Iza, noh!

Dito natin mapapatunayan kung totoong through thick and thin e magiging maayos pa rin ang kanilang pagsasama.

Bukas ang pahinang ito para sa panig ng mag-asawa.

***

Bea at Vincent, hindi pa priority ang mag-honeymoon

WALA raw munang honeymoon para sa mga bagong kasal na sina Bea Alonzo at ang business tycoon na si Vincent Co.

Ayon mismo kay Boy Abunda, sa pamamagitan ng show nitong ‘Fast Talk With Boy Abunda’, nakausap nito si Vincent.

Diretsahang tinanong ni Tito Boy kung may plano ba silang mag-honeymoon?     

Ayon kay Vincent, sa rami daw ng kanilang kanya-kanyang trabaho hindi raw nila ito binibigyan ng panahon. 

Kumbaga, kampante na siguro ito na tuluyan ng natali sa kanya si Bea.     

Marami ang nagsasabing si Vincent talaga ang sumuyo nang husto kay Bea. 

Una raw itong nagpakita nang paghanga sa dating dalaga.     

Sa kasalukuyan daw, maging si Bea ay walang oras para mag-honeymoon. Dahil may mga tapings daw ito na kailangang tapusin.   

Kung sakaling matuloy nga ang honeymoon nina Bea at Vincent, sa Spain kaya ang pupuntahan nila?    

After all, sa nasabing bansa sila dapat ikasal.  Naunsiyami nga lang dahil sa mga ‘di inaasahang pangyayari.

Well, kung saan at kailan man ang kanilang honeymoon, desisyon na nila yon, syempre!     

Natutuwa kami para kay Bea, at sana wala na rin makialam kung talagang sila ay totoong nagmamahalan!  

Alex Eala makakatambal muli si Venus Williams

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MULING magtatambal sa tennis court sina Alex Eala at US icon Venus Williams sa Mubadala DC Open na gaganapin sa Washington, DC.

Kabilang kasi ang dalawa sa star-studded na doubles lineup sa nasabing torneo kung saan kasama nila ang 18 Grand Slam doubles at mixed doubles champions sa ATP at WTA tours.

Unang nagsama ang dalawa sa Bad Homburg Open noong nakaraang buwan kung saan nagwagi sila laban kina Alexandra Osborne at Catherine Harrison sa first round.

Subalit tinalo sila sa quarterfinals nina Olivia Nicholls at Tereza Mihalikova.

Nakatakdang magsimula ang Mubadala DC Open sa darating na Hulyo 25 hanggang Agosto 2.

Spain, kinoronahang kampeon sa World Cup 2026 vs Argentina, 1-0

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

YUMANIG sa East Rutherford, New Jersey, nang muling nakoronahan ang Spain bilang kampeon ng mundo matapos talunin ang Argentina sa score na 1-0 sa 2026 FIFA World Cup Final.

Sa extra time ng laban, si Ferran Torres ang nakapuntos ng nag-iisang goal na nagbigay ng panalo sa La Roja at nagpatibay ng kanilang ikalawang titulo sa kasaysayan ng torneo.

Hindi napigilan ng Argentina ang matinding opensa ng Spain, lalo na matapos ma-red card si Enzo Fernández sa stoppage time ng second half.

Ang pagkakabawas ng isang manlalaro ay nagbigay ng mas malaking bentahe sa Espanya hanggang sa makapuntos sila sa karagdagang oras.

Bukod sa kampeonato, nakamit din ng Spain ang iba’t ibang parangal.

Si Unai Simón ay ginawaran ng Golden Glove matapos magtala ng pitong shutouts, si Rodri ay tinanghal na Golden Ball bilang pinakamahusay na manlalaro ng torneo, at si Pau Cubarsí ay kinilala bilang Best Young Player.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nakuha ng Spain ang World Cup, kasunod ng kanilang unang panalo noong 2010.

Sa tagumpay na ito, naging unang bansa ang Espanya na sabay na may hawak ng men’s at women’s World Cup titles.

Samantala, nabigo ang Argentina na maulit ang kanilang tagumpay noong 2022 at hindi natupad ang pag-asang maging ikatlong koponan sa kasaysayan na makapagdepensa ng titulo.

PBBM, hinimok mamagitan sa LRT-1 Cavite Extension

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Dapat nang mamagitan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa implementasyon ng P64.9 bilyong LRT-1 Cavite Extension Project na ilang taon nang naaantala.

Ito naman ang panawagan ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos para sa pagpapatuloy ng proyekto na inaasahang magpapagaan sa daloy ng trapiko at magpapabilis ng biyahe ng milyun-milyong mananakay mula Las Piñas, Parañaque, at Cavite. Ani Santos, hindi na dapat hayaang maantala pa ang isang proyektong may malaking pakinabang sa publiko.

Sinabi ng mambabatas na napatunayan na ni Pangulong Marcos ang kahandaan nitong mamagitan sa mga usaping may kinalaman sa mahahalagang serbisyong pampubliko. Kabilang dito ang pagtugon sa mga suliranin sa sektor ng tubig at ang pag-aksyon ng pamahalaan sa krisis sa suplay ng kuryente sa Siquijor.

Umaasa si Santos na maipakikita rin ng ­Pangulo ang kaparehong agarang aksyon sa mga natitirang isyu na humahadlang sa LRT-1 Cavite Extension upang tuluyan na itong makumpleto at mapakinabangan ng milyun-milyong commuter. (DARIS JOSE)