Tanod, 3 pa isinelda sa droga sa Valenzuela
- Published on July 20, 2026
- by Francis Paolo Torres
BAGSAK sa selda ang pitong individuals kabilang ang apat na hinihinalang drug personalities nang maaresto ng pulisya sa anti-criminality operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Alas-12:40 ng tanghali, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 sa San Francisco St., Brgy., Karuhatan nang maaresto nila ang dalawang indibidwal habang nagsusugal umano ng ‘lucky 9’. Nakumpiska sa dalawa ang gamit na baraha, bet money at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Arche’”, 34.
Laglag din sa mga tauhan ng Police Sub-Station 6 ang dalawang lalaki matapos maaktuhan namang nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa C. Santiago St., Brgy. Dalandanan dakong alas-7:00 ng gabi. Nasamsam sa kanila ang P330 bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Aljon”, 34.
Nauna rito, alas-6:10 ng gabi nang mahuli sa akto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ang 59-anyos na barangay watchman na si alyas “Rico” habang sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang unit ng Disiplina Village, sa Blk 10, Brgy., Bignay makaraang inguso sa pulisya ng 45-anyos na house maid.
Nakuha sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng suspected shabu, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng shabu at mga drug paraphernalia.
Sa Brgy., Ugong, naaresto ng mga tauhan ng Sub-Station 8 ang dalawang kelot habang nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa Tatalon Street, bandang alas-9:40 ng umaga. Nakuha sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam umano kay alyas “Noel”, 29.
Nanawagan naman si Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa pulisya ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong may kahina-hinalang gawain. (Richard Mesa)