• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 3rd, 2026

Pag-aresto kay Sen. Marcoleta sa kasong plunder, walang kinalaman sa impeachment trial ni VP Sara 

Posted on: July 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG napipintong pag-aresto kay Sen. Rodante Marcoleta sa kinakaharap nitong kasong plunder ay walang kinalaman sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ito ay ayon kay dating Surigao del Norte congressman Robert Ace Barbers, tagapagsalita ng House prosecution panel at impeachment trial adviser.

Dinismiss ni Barbers ang pahayag ni Marcoleta na ang impending plunder case laban sa kanya at ang napipintong pag- aresto ay kabilang sa hakbang na tanggalin siya bilang isa sa mga senator-judges sa impeachment proceedings laban kay Duterte.

Ayon kay Barbers, walang kinalaman ang plunder case ni Marcoleta sa impeachment trial ni Duterte.

“Well, nirerespeto ko ‘yung kanyang (Marcoleta’s) opinion. In fact, karapatan niya ‘yan na ganyan ang kanyang paniniwala. Kaibigan po natin ‘yang si Senator Marcoleta, pero para sa akin, personally, walang kinalaman dito sa impeachment na ito ‘yung kasong kakaharapin niya,” ani Barbers. 

Sinabi ni Barbers na lininaw ng Office of the Ombudsman na ang plunder complaint laban kay Marcoleta ay nag-ugat sa pahayag at pag amin nito na nakatanggap siya ng P75 million mula sa tatlong “kaibigan” bilang campaign funds na hindi niya nai deklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong May 2025 mid-term elections.

Tinukoy ni Barbers na tinanggap umano ni Marcoleta ang pera noon nung siya’y naninilbihan bilang Sagip Party-list sa Kamara. Dito kumilos ang Ombudsman.

“Sabi ng Office of the Ombudsman, nanggaling sa kanya (Marcoleta) ang admission o revelation. At dahil sa information na ‘yan, umakto immediately ang government anti-graft body about it. So that’s another problem that must be resolved by Senator Marcoleta. But this has nothing to do with the impeachment trial of VP Sara Duterte,” sabi ni Barbers.

Idinagdag ni Barbers na ang pagkilos ng Ombudsman laban kay Marcoleta ay dahil sa mga dinetalye ng senador nung nahaharap siya sa kaso ng violation ng kanyang SOCE sa Commission on Elections (Comelec) na kalaunan ay na dismiss.

Iginiit ni Barbers na lahat ng legal na problema na kinakaharap ng bawat senator-judges ay hindi dapat iugnay sa impeachment proceedings. (Vina de Guzman)

Alegasyon laban kay Romualdez, hindi tumutugma sa proseso ng pagbabalangkas ng national budget sa Kamara

Posted on: July 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

WALANG ebidensiya o sinumpaang salaysay na nag-uugnay kay Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa anumang anomalya hinggil mga flood control projects.

Ito ang iginiit ni Atty. Elaine A. Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, tungkol sa mga alegasyon na kinasasangkutan ng dating House Speaker sa mga anomalya.

Ayon kay kay Atienza, ang mga alegasyon laban kay Romualdez ay hindi tumutugma sa proseso ng pagbabalangkas ng national budget sa Kamara.

Sa gitna ng malawakang imbestigasyon ng Kamara at ng Senado, walang sinumang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang direktang nagturo kay Romualdez na sangkot sa mga anomalya.

Kahit si dating DPWH Manuel Bonoan mismo ay hindi itinuro si Romualdez, tinukoy ni Atienza.

“Simple lang kung bakit — because Rep. Romualdez was not involved,” sabi ni Atienza..

 “The issue traces back to the national budget process. Sa prosesong iyan — no single person—not even the Speaker of the House—can control,” aniya.

Pinaliwanag ni Atienza na ang National Expenditure Program (NEP) ay binabalangkas ng Executive branch sa pangunguna ng Department of Budget and Management (DBM) at ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang ang DPWH, bago ito isumite sa Kamara at sa Senado.

“No Speaker can dictate upon Cabinet secretaries. Neither can he dictate upon senators, who exercise their own independent constitutional mandate. Sila po ay pantay-pantay diyan being elected officials. Primus inter pares,” sabi ni Atienza.

Aniya, sa oras na maisabatas ang national budget, wala nang kapangyarihan o impluwensiya ang Speaker sa mga project bidding, contract awards, implementation, inspections, payments or the release of government funds. 

“Hindi niya po saklaw ang pagpapa-release ng budget. Those are functions vested by law in the Executive Branch,” sabi ni Atienza. “Hindi kayang utusan ng Speaker ang DPWH Secretary. Hindi niya kayang diktahan ang DBM o ang Senado. At lalong hindi siya ang nagpa-plano ng proyekto, nagpapa-bid, nag-a-award ng kontrata, nag-iinspeksyon, o naglalabas ng pondo.” 

Ayon kay Atienza, ang mga alegasyon na pumipilit na si Romualdez ay “mastermind” ng mga anomalya sa budget at infrastructure process ay isang “political convenience” ng mga kalaban ng administrasyon.

“Ang gustong palabasin ng iba, parang iisang tao ang may hawak ng buong gobyerno. Hindi po ganoon ang ating Konstitusyon. If there were irregularities in any infrastructure project, then those who actually exercised legal and operational authority should be identified and held accountable. Accountability must follow the evidence—not political convenience,” ani Atienza. 

“Kung may nagkasala, papanagutin natin. Pero huwag nating gawing shortcut ang paghahanap ng isang malaking pangalan para lang may maipakita sa publiko. Sa paghahanap ng hustisya, hindi puwedeng mauna ang akusasyon bago ang ebidensya. Sa batas, ang ebidensya ang nagtuturo kung sino ang mananagot,” dagdag nito. 

(VINA de GUZMAN)

Mister, timbog sa baril sa Navotas

Posted on: July 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SHOOT sa kulungan ang 52-anyos na mister nang makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Navotas City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na nakatanggap sila ng impormasyon na nagmamay-ari umano ng ilegal na baril ang suspek na si alyas “Romy”.

Nang mag-isyu ng search warrant ang Regional Trial Court, Branch 288, Navotas City , kaagad bumuo ng team ang mga tauhan ni Col. Pinuela na kinabibilangan ng Intelligence Section, Patrol Base 2, at SWAT bago sinalakay ang bahay ng suspek.

Sa bisa ng nasabing search warrant, hinalughog ng mga pulis ang loob ng bahay ng suspek sa Brgy. Tangos South, kung saan nasamsam ang isang calibre .38 revolver na may tatlong bala.

Nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay wala siyang naipakita na dahilan upang posasan ng mga pulis ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Sinabi ni Col. Pinuela na patuloy ang mahigpit nilang pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian. (Richard Mesa)

Sundalo na may kasong murder, tiklo sa Caloocan

Posted on: July 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGSAK sa kulungan ang 46-anyos na sundalo ng Philippine Army na nahaharap sa kasong Murder may sampung taon na ang nakalilipas matapos maaresto habang nasa bisinidad ng Caloocan Judicial Complex sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili. nagtungo si alyas “Erwin”, residente ng Brgy. Tabuk, Isabela City, Basilan, sa Judicial Complex sa 10th Avenue dakong ala-1:25 ng hapon upang kumuha ng court clearance sa pag-aakalang na-dismiss na ang kanyang kaso na dahilan para siya maaresto.

Nagtago umano ang sundalo matapos masangkot sa kasong murder at lumutang lang muli sa pag-aakalang sarado na ang usapin matapos ibasura ng hukuman ang kaso laban sa kanyang mga kasama.

Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pulisya, kasama ang legal officer ng hukuman, ang warrant of arrest na inilabas noong Mayo 16, 2016, ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Assisting Judge Rosalia Hipolito-Bunagan ng Branch 121 ng walang piyansang inirekomenda.

Ani Bgen. Capili, ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibidwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at hustisya sa lugar ng CaMaNaVa.

 (Richard Mesa)

HIGIT ₱10.1-M HALAGA NG SUSPECTED ECSTASY NAKUMPISKA NG NAIA-IADITG SA CMEC, FOREIGN NATIONAL ARESTADO

Posted on: July 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAGUMPAY na naharang ng mga operatiba ng NAIA Interdiction and Airport Investigation Task Group (NAIA-IADITG), sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI), ang isang papasok na parsela na naglalaman ng mahigit 2.3 kilo ng pinaghihinalaang MDMA (Ecstasy) na tinatayang aabot sa halagang ₱10,136,250.00 sa isang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City noong Hunyo 30, 2026.

Ang operasyon ay isinagawa bandang alas-3:50 ng hapon, ay nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Olu,” isang 37-taong-gulang na taga Estados Unidos, na humarap sa CMEC bilang awtorisadong kinatawan at naghahabol ng parsela.

Narekober mula sa parsela ang humigit-kumulang 2,385 gramo ng itim na mala-kristal na substansiya na pinaghihinalaang MDMA (Ecstasy) na nakatago sa loob ng iba’t ibang pakete ng pagkain, pati na rin ang 942 piraso ng pink na tableta na suspected dangerous drugs. Ang parsela, na nagmula sa Vancouver, Canada, ay idineklarang naglalaman ng iba’t ibang pagkain, gamit sa banyo, kendi, cereal, damit, at iba pang personal na gamit sa isang pagtatangkang itago ang mga ilegal na sangkap.

Narekober din ng mga awtoridad ang ilang ebidensya, kabilang ang mga identification card, authorization letter, mga bank card, isang cellular phone, isang relo, at iba pang personal na gamit na may kaugnayan sa patuloy na imbestigasyon.

Ang mga nakumpiskang ebidensyang droga ay isusumite sa PDEA Laboratory Service para sa forensic examination. Samantala, si alyas “Olu” ay patuloy na iniimbestigahan at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

(PAUL JOHN REYES)

EDSA nabulaga sa ‘emergency rally’ ng INC

Posted on: July 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AMINADO ang Que­zon City government at Philippine National Police (PNP) na nabulaga sila sa ‘emergency rally’ ng Iglesia Ni Cristo (INC) malapit sa People Power Monument kasabay ng pahayag na walang permit ang rally noong June 30 at July 1.

Ayon kay Quezon City Department of Public Order and Safety head Elmo San Diego, biglaan ang dagsa ng mga sumama sa rally na nagsimula bandang alas-3 ng madaling araw.

“Biglaan lahat. Hindi naman kami prepared na magkaka-rally. Katatapos lang ng malaking­ event namin diyan sa People Power­ Monument noong Sunday at matahimik naman.

Nagulat na lang kami kaninang madaling­-araw na nagsimula na ‘yung mobilization,” ani San Diego.

Ani San Diego maituturing na illegal assembly ang ginawa ng INC bunsod ng kawalan ng permit subalit ipinatutupad pa rin nila ang maximum tolerance.

“Walang timeline, dahil wala silang permit, hindi napag-usapan. Hindi namin alam kung anong oras sila matatapos. ‘Yun ang malaking­ challenge sa atin nga­yon,” ani San Diego.

Kaugnay nito sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co, tatlong raliyista ang inaresto habang tatlong pulis naman ang sugatan matapos magkatensiyon nang tangkain ng mga raliyista na iharang ang mga bus sa northbound lane ng EDSA.

Pinag-aaralan na rin ng PNP ang posibleng pagsasampa ng kaso sa mga nasa likod ng protesta at nakikipag-ugnayan na rin sila sa INC upang maresolba ang isyu.

Ginamit ang INC rally para siraan si PBBM: Imee Marcos, tinawag na ‘obstructionist’ ng Malakanyang

Posted on: July 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINAWAG ng Malakanyang na ‘obstructionist’ si Senator Imee Marcos matapos na muling nagbitaw ng matitinding pahayag laban sa administrasyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA-White planes nitong Martes, Hunyo 30.

Inilarawan kasi ng senadora ang kasalukuyang pamahalaan bilang isang “gobyernong tulog” at umano’y “lasing sa kapangyarihan,” habang binigyang-diin ang sitwasyon ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

Ang buweltang tugon ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ay nakakaawa ang mga obstructionist na tulad ng senadora dahil malinaw na gumagamit ito ng fake news para makapanira lamang at makapagpakalat ng maling impormasyon.

“Napanood po natin mismo personal ang nasabing pagsasalita at pagtatalumpati ni Senator Imee Marcos sa INC rally kagabi. 

Pero mas nakakaawa ang mga taong pumalakpak habang nakikinig kay Senator Imee Marcos dahil malamang hindi nila alam na ang mga sinasabi ni Senator Imee Marcos ay mga kuwentong walang basehan. Nakakaawa dahil malamang ay hindi nila alam na sila ay ginagawa lamang mangmang,” ayon kay Castro.

Isang malaking katanungan din ayon kay Castro para sa kanila kung bakit napakasigasig ni Imee Marcos na manira sa gobyerno samantalang 2019 siya ay senadora na, 2016 siya ay gobernador at kilala niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan umamin si Duterte sa paggamit ng iligal na droga.

“Pinaghandaan po natin talaga ito para maipakita natin kung sino ba talaga ang gumagamit ng iligal na droga sa panahon na siya ay pangulo na. Pero sa mga pag-amin na ito, ni dating Pangulong Duterte, tumahimik siya at wala siyang anumang pintas. Maliban pa diyan, bakit natin sinasabi na walang basehan ang kaniyang mga sinasabi, dahil pinag-iigting niya ang galit sa mga farmers at mga mangingisda na mga kababayan natin at sinasabing walang tulong na pinapaabot ang gobyerno,” ang sinabi ni Castro.

Hindi rin aniya niya alam kung bulag, nagbubulag-bulagan o talagang pinipikit lamang ni Imee Marcos ang kanyang mata sa katotohanan para magamit niya sa paninira sa gobyernong ito. 

“Marami na po ang naipaabot na tulong ng ating gobyerno lalong-lalo na sa ating mga magsasaka at sa mga mangingisda.

Ilan lamang ito sa ibibigay ko sa inyo na mga ebidensiya: June 30, 2026 – 186 Pangasinan fisherfolk received livelihood grants, bago lamang po ito. So, nakakataka kung bakit hindi po yata updated si Senator Imee Marcos sa mga pangyayari, sa mga programa ng gobyerno; at April 12, 2026 – PBBM strengthens support for farmers and fisherfolk. So, ano po ang kaniyang basehan sa pagsasabing hindi tumutulong ang gobyerno sa mga magsasaka at sa mga mangingisda natin? At ito pa po: June 12, 2026 – PBBM food assistance program reaches 703 Camiguin farmers/fisherfolk. So, hindi po mas nakakaawa ang mga taong nakikinig sa kaniya dahil kung hindi magkakaroon ng pagsusuri, ang mga nakikinig ay talagang mananatili silang mangmang sa katotohanan,” litanya ni Castro.

“At mayroon pa po siyang nasabi patungkol sa nagkukunwaring hindi nakikita ang sambuntong na ebidensiya at dose-dosenang testigo, itong baha at flood control na lulunod sa ating lahat. 2019 naging senadora si Senator Imee Marcos, 2020 uulitin natin, umamin si dating Pangulong Duterte na marami siyang ghost projects. 2018 nagsabi si Congressman Andaya na maraming flood control projects na hindi maayos. Nasaan siya? nagpaimbestiga ba siya?

So, ang nakakataka lamang, bakit noong panahon kaya ni dating Pangulong Duterte siya ay nanahimik at ngayon lamang siya nag-iingay habang ang kaniyang kapatid – si Pangulong Marcos Jr. – ay masigasig na mapanagot ang dapat na mapanagot,” aniya pa rin.

Samantala, halatang-halata naman aniya na may bahid politika ang mga ginagawa at sinasabi ni Imee Marcos.

“Obviously, halatang-halata. Alam naman natin kung sino ang kaniyang ipinagtatanggol at sino ba ang nais niyang hindi na sana mailagay sa isang paglilitis,” anito.

Sa ulat, sinabi pa ni Imee Marcos na tila hindi rin umano pinakikinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga ordinaryong mamamayan.

Kinuwestiyon din ng kapatid ng pangulo ang nakatakdang working visit ni Marcos Jr. sa Canada mula Hulyo 1 hanggang 4, at iginiit na dapat ay mas inuuna ng administrasyon ang mga suliranin sa loob ng bansa, kabilang ang mataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.

Hindi ito ang unang pagkakataon na hayagang binatikos ng senadora ang administrasyon ng kanyang kapatid. Sa mga nakalipas na buwan, ilang ulit na rin siyang naghayag ng kritisismo sa ilang polisiya ng pamahalaan.

Kaugnay nito, dumalo rin sa naturang pagtitipon si dating Senate President at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na kalaunan ay humingi ng paumanhin sa mga naapektuhan ng pagsisikip ng trapiko dulot ng rally. ( DARIS JOSE)

Ads July 3, 2026

Posted on: July 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments