• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mister, timbog sa baril sa Navotas

SHOOT sa kulungan ang 52-anyos na mister nang makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Navotas City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, sinabi ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela na nakatanggap sila ng impormasyon na nagmamay-ari umano ng ilegal na baril ang suspek na si alyas “Romy”.

Nang mag-isyu ng search warrant ang Regional Trial Court, Branch 288, Navotas City , kaagad bumuo ng team ang mga tauhan ni Col. Pinuela na kinabibilangan ng Intelligence Section, Patrol Base 2, at SWAT bago sinalakay ang bahay ng suspek.

Sa bisa ng nasabing search warrant, hinalughog ng mga pulis ang loob ng bahay ng suspek sa Brgy. Tangos South, kung saan nasamsam ang isang calibre .38 revolver na may tatlong bala.

Nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay wala siyang naipakita na dahilan upang posasan ng mga pulis ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Sinabi ni Col. Pinuela na patuloy ang mahigpit nilang pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pagmamay-ari ng mga baril upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian. (Richard Mesa)