Alegasyon laban kay Romualdez, hindi tumutugma sa proseso ng pagbabalangkas ng national budget sa Kamara
- Published on July 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
WALANG ebidensiya o sinumpaang salaysay na nag-uugnay kay Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa anumang anomalya hinggil mga flood control projects.
Ito ang iginiit ni Atty. Elaine A. Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, tungkol sa mga alegasyon na kinasasangkutan ng dating House Speaker sa mga anomalya.
Ayon kay kay Atienza, ang mga alegasyon laban kay Romualdez ay hindi tumutugma sa proseso ng pagbabalangkas ng national budget sa Kamara.
Sa gitna ng malawakang imbestigasyon ng Kamara at ng Senado, walang sinumang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang direktang nagturo kay Romualdez na sangkot sa mga anomalya.
Kahit si dating DPWH Manuel Bonoan mismo ay hindi itinuro si Romualdez, tinukoy ni Atienza.
“Simple lang kung bakit — because Rep. Romualdez was not involved,” sabi ni Atienza..
“The issue traces back to the national budget process. Sa prosesong iyan — no single person—not even the Speaker of the House—can control,” aniya.
Pinaliwanag ni Atienza na ang National Expenditure Program (NEP) ay binabalangkas ng Executive branch sa pangunguna ng Department of Budget and Management (DBM) at ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang ang DPWH, bago ito isumite sa Kamara at sa Senado.
“No Speaker can dictate upon Cabinet secretaries. Neither can he dictate upon senators, who exercise their own independent constitutional mandate. Sila po ay pantay-pantay diyan being elected officials. Primus inter pares,” sabi ni Atienza.
Aniya, sa oras na maisabatas ang national budget, wala nang kapangyarihan o impluwensiya ang Speaker sa mga project bidding, contract awards, implementation, inspections, payments or the release of government funds.
“Hindi niya po saklaw ang pagpapa-release ng budget. Those are functions vested by law in the Executive Branch,” sabi ni Atienza. “Hindi kayang utusan ng Speaker ang DPWH Secretary. Hindi niya kayang diktahan ang DBM o ang Senado. At lalong hindi siya ang nagpa-plano ng proyekto, nagpapa-bid, nag-a-award ng kontrata, nag-iinspeksyon, o naglalabas ng pondo.”
Ayon kay Atienza, ang mga alegasyon na pumipilit na si Romualdez ay “mastermind” ng mga anomalya sa budget at infrastructure process ay isang “political convenience” ng mga kalaban ng administrasyon.
“Ang gustong palabasin ng iba, parang iisang tao ang may hawak ng buong gobyerno. Hindi po ganoon ang ating Konstitusyon. If there were irregularities in any infrastructure project, then those who actually exercised legal and operational authority should be identified and held accountable. Accountability must follow the evidence—not political convenience,” ani Atienza.
“Kung may nagkasala, papanagutin natin. Pero huwag nating gawing shortcut ang paghahanap ng isang malaking pangalan para lang may maipakita sa publiko. Sa paghahanap ng hustisya, hindi puwedeng mauna ang akusasyon bago ang ebidensya. Sa batas, ang ebidensya ang nagtuturo kung sino ang mananagot,” dagdag nito.
(VINA de GUZMAN)