HIGIT ₱10.1-M HALAGA NG SUSPECTED ECSTASY NAKUMPISKA NG NAIA-IADITG SA CMEC, FOREIGN NATIONAL ARESTADO
- Published on July 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
MATAGUMPAY na naharang ng mga operatiba ng NAIA Interdiction and Airport Investigation Task Group (NAIA-IADITG), sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration (BI), ang isang papasok na parsela na naglalaman ng mahigit 2.3 kilo ng pinaghihinalaang MDMA (Ecstasy) na tinatayang aabot sa halagang ₱10,136,250.00 sa isang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City noong Hunyo 30, 2026.
Ang operasyon ay isinagawa bandang alas-3:50 ng hapon, ay nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Olu,” isang 37-taong-gulang na taga Estados Unidos, na humarap sa CMEC bilang awtorisadong kinatawan at naghahabol ng parsela.
Narekober mula sa parsela ang humigit-kumulang 2,385 gramo ng itim na mala-kristal na substansiya na pinaghihinalaang MDMA (Ecstasy) na nakatago sa loob ng iba’t ibang pakete ng pagkain, pati na rin ang 942 piraso ng pink na tableta na suspected dangerous drugs. Ang parsela, na nagmula sa Vancouver, Canada, ay idineklarang naglalaman ng iba’t ibang pagkain, gamit sa banyo, kendi, cereal, damit, at iba pang personal na gamit sa isang pagtatangkang itago ang mga ilegal na sangkap.
Narekober din ng mga awtoridad ang ilang ebidensya, kabilang ang mga identification card, authorization letter, mga bank card, isang cellular phone, isang relo, at iba pang personal na gamit na may kaugnayan sa patuloy na imbestigasyon.
Ang mga nakumpiskang ebidensyang droga ay isusumite sa PDEA Laboratory Service para sa forensic examination. Samantala, si alyas “Olu” ay patuloy na iniimbestigahan at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(PAUL JOHN REYES)