• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March, 2026

Kamara, tuloy ang trabaho para sa ekonomiya at kaginahawaan kahit may dinidinig na impeachment

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY ang Kamara sa pagsusulong ng mga panukalang sumusuporta sa ekonomiya ng bansa at pagbibigay tulong sa mga Pilipino kahit nagsasagawa ito ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

“Kahit may impeachment, tuloy pa rin tayo sa iba nating obligasyon,” ayon kay Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, chairman ng House Committee on Justice, kasabay nang pormal na pagbubukas ng hearing proper sa dalawang natitirang impeachment complaints laban sa VP.

Iginiit ni Luistro na patuloy ang Kamara, sa pangunguna ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, na nakatuon sa mga mahahalagang isyu na kinakaharap ng bansa kabilang na ang tumataas na presyo ng langis, pangunahing bilihin at pagmimintina ng public services.

“Even as we undertake this solemn constitutional duty, the House of Representatives does not forget its other responsibilities,” pahayag ni Luistro.

Inihalimbawa nito ang ilang panukalang batas na inaasahang makakatulong sa bansa tulad ng pagbibigay otorisasyon kay Presidente Bongbong Marcos na suspendihin o bawasan ang fuel excise taxes.

“Nariyan na po ang panukalang batas na ‘yan—pinag-aralan, pinag-isipan, at inaasahang makatutulong sa ating mga kababayan,” aniya.

Idinagdagdag nito na patuloy ang Kamara sa pagsusulong ng lehislasyon para tugunan ang usapin ng inflation, food security at access sa serbisyo at reporma para pagandahin pa ang government efficiency.

Kabilang na dito ang panukalang pagbuwag sa travel tax, pagpapatupad ng digital payments sa government transactions, at streamlining sa delivery of public services.

Dagdag pa ang mga isinusulong na reporma sa edukasyon kabilang na ang amendments sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act at Presidential Merit Scholarship Program.

Isinusulong din sa Kamara ang Anti-Political Dynasty bill matapos ang ginanap na konsultasyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao, at sa pagtatapos sa deliberasyon nito sa plenaryo kamakailan,

“That governance is a constant balancing act—attending to urgent needs, while fulfilling constitutional obligations. Kahit may impeachment, tuloy tayo sa iba nating tungkulin. Ang ating serbisyo publiko ay hindi napuputol, hindi tumitigil—kahit sa gitna ng pinakamabigat na tungkulin,” giit nito.

Sinabi pa nito na ang accountability function ng Kamara ay dapat na kaakibat sa responsive governance.

“While we scrutinize those in power, we do not lose sight of the hardships faced by the powerless,” saad pa ni Luistro.

Pormal na binuksan ng justice committee nitong Miyerkules ang impeachment hearings upang idetermina kung mayroong probable cause upang maiakyat ito sa senado para sa trial.
(Vina de Guzman)

MAG-INA, NATAGPUANG PATAY SA SUNOG SA BACOOR CITY

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NATAGPUANG patay ang isang mag-ina matapos ang isang sunog sa isang residential area sa Bacoor City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang natagpuang patay na si alyas Liezel, 57, dalaga, isang vendor at kanyang ina na si alyas Fe, 79, isang balo at kapwa residente ng L. Castro St., Tabing Dagat, Brgy Poblacion, Bacoor City, Cavite.

Sa ulat, bandang alas-2:15 ng hapon nang nagsimula ang sunog sa Barangay Poblacion, Bacoor City, Cavite.

Mabilis naman ang pagresponde ng mga pamatay sunog na umabot sa unang responde at bandang alas-3:29 ng hapon ng ideklara na fire under control.

Pero paghupa ng apoy, natuklasan ang bangkay ng mag-ina sa loob ng nasunog nilang bahay.

Tinatayang 30 kabuhayan ang naapektuhan sa sunog.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog. (Gene Adsuara)

Ferry, bus operators, nangakong hindi magtataas ng pamasahe ngayong Semana Santa

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nangako ang mga ferry at bus operators na hindi sila magtaaas ng pamasahe ngayong Semana Santa sa gitna ng kasalukuyang hamon sa enerhiya.
Sinabi ni Pangulong Marcos na sinusubukan ng gobyerno na pagaanin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng fuel sa mga manananakay at middle class, habang papalapit ang paggunita sa Holy Week sa bansa, kung saan dagsa ang mga taong inaasahan na ba-byahe.
“We’ve gotten commitments from ferries that they will not raise their fares, we’re doing the same thing with buses that they will not raise their fares and they do not limit or cut down the trips they will be taking,” ayon sa Pangulo.
“We’re doing everything we can so the riding public, the general public, the people who are working, the middle class, they are the ones we are most concerned about, so it does not become a drag to their livelihood,” aniya pa rin.
At nang tanungin kung ano ang magiging tugon ng gobyerno sa adjustments sa fuel prices, winika ng Pangulo na ang gobyerno ay nagbibigay ng subsidiya, pangunahin na sa transport sector “because these are the workers who will be most affected.”
Sinabi ng Pangulo na ang fuel subsidies at straight-out cash subsidies ay iaabot sa mga operators at drivers ng mga barko, buses, public transport, at delivery systems para pagaanin ang epekto ng pagtaas ng fuel prices sa mga consumer.
“In the next two days, we’re going to be spending about 2.5 billion pesos in fuel subsidies. We have planned four of those rounds of subsidies.”
Nauna rito, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Executive Order 110 na nagdedeklara ng state of national energy emergency, kasama ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT na magsisilbing kabuuang balangkas ng pagtugon ng pamahalaan sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
(Daris Jose)

904 Jeepney drivers sa Malabon, tumanggap ng cash relief assistance

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MATAGUMPAY na naisagawa ang pamamahagi ng cash relief assistance para sa 904 Jeepney drivers sa Lungsod ng Malabon, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagbibigay ng ligtas at maaasahang serbisyo sa mga Malabueño. Ayon kay Mayor Jeannie Sandoval, ang tulong na ito ay para maibsan ang kanilang gastusin at mapanatili ang kanilang kabuhayan sa kabila ng patuloy na hamon sa ekonomiya. (Richard Mesa)

PBBM, tiniyak na sapat ang suplay ng fuel-based fertilizers para sa susunod na planting season

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga magsasaka na ang bansa ay may sapat na suplay ng fertilizers para sa nalalapit na planting season sa kabila ng nagpapatuloy na global oil supply challenges.
“As of today, we have sufficient fertilizer supply for the next planting. So, at least until the next planting, we have the sufficient amount of urea and potash. Those are the main fertilizers that we are using,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang Presidential Address sa Palasyo ng Malakanyang ukol sa pagprotekta sa mga pamilyang Filipino sa gitna ng global price increases.
Ang Urea ay isang petroleum-based fertilizer, habang ang while potash ay isang mined mineral fertilizer, bagaman hindi naman klasipikado bilang fuel-based, ang potash production ay nangangailangan pa rin ng mahalagang energy inputs.
Winika pa ng Pangulo na patuloy na ginagalugad ng gobyerno ang mga hakbang at makakuha ng kasunduan sa ibang bansa para mapanatiling matatag ang fertilizer supply.
“Iyong mga nagsu-supply sa atin ay nakikipag-usap din tayo at tinitiyak natin na mayroon tayong fertilizer supply. At gumagawa nga tayo ng mga pamamaraan at mga kontrata para tiyakin na mayroon tayong sapat na fertilizer supply,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Sa kasalukuyan, ang bansa ay kumukuha ng fertilizer mula Indonesia at Tsina.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na nagpapatuloy ang fertilizer subsidies para suportahan ang mga magsasaka sa gitna ng situwasyon. (Daris Jose)

Dahil sa krisis sa Middle East, mga mambabatas hinimok ang Pangulo na magpatawag ng special session

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIHIMOK ng mga mambabatas si President Ferdinand Marcos Jr. na agad magpatawag ng special session ng Kongreso pagkatapos ng Semana Santa para agarang tugunan ang lumalalang epekto ng krisis sa Middle East sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Binigyang-diin nina Navotas Rep. Toby Tiangco at Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na sa pagdedeklara ng Pangulo ng state of energy emergency, kinakailangang manatili sa sesyon ang Kongreso at kumilos nang desidido.
“Hindi pwedeng naka-break ang Kongreso habang ang mamamayan ay nahihirapan. This is not the time for recess—this is the time for action,” ani Erice.
Binigyang-diin din ng dalawang mambabatas na ang krisis ay higit pa sa mga alalahanin sa enerhiya at ngayon ay nakakaapekto sa inflation, mga gastos sa transportasyon, seguridad sa pagkain, mga kita ng gobyerno, at ang kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), lalo na kung ang mga tensyon sa Gitnang Silangan ay lumala pa.
“Kung magpapatuloy ang kaguluhan sa Middle East, libo-libong OFWs ang nanganganib, at pati ang kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas ay direktang maaapektuhan,” sabi ni Tiangco.
Ang dalawang mga mambabatas ay naghain na ng mga hakbang upang mapagaan ang epekto ng krisis, kabilang ang subsidyo sa gasolina para sa mga apektadong sektor, mga pagtitipid ng pamahalaan, at pagsuspinde ng VAT sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang pasanin sa mga mamimili
Nanawagan din sila sa House of Representatives na gamitin ang kanilang kapangyarihan sa pangangasiwa sa pagtaas ng presyo ng langis, at binanggit ang nakababahalang datos.
“Sa Asian diesel price tracker, ang Pilipinas ay nakapagtala ng halos 97% increase sa presyo ng diesel—samantalang sa ibang bansa sa Asya, nasa 30% to 40% lamang. Nakakapagduda na sa gitna ng krisis ay may mga posibleng nagsasamantala,” giit ni Erice.
Upang matiyak ang pagpapatuloy ng gawaing pambatas habang nagtitipid ng mga mapagkukunan, iminungkahi ni Erice ang isang binagong iskedyul: “Maari tayong mag-session ng dalawang araw kada linggo, mula 10 AM hanggang 5 PM, para makatipid sa fuel at kuryente”.
Samantala, iminungkahi naman ni Tiangco ang mga praktikal na hakbang sa pagtitipid sa loob ng Kongreso: “Pwede nating alisin muna ang food catering. Kanya-kanyang baon na lang—kape at tinapay sapat na. Ang mahalaga, tuloy ang trabaho.”
Binigyang-diin pa ng mga mambabatas na sa panahon ng krisis, ang gobyerno ay dapat nakikitang nagtatrabaho para sa mga tao. (Richard Mesa)

Batas na magbibigay ng emergency powers kay PBBM para suspendihin ang excise tax sa fuel, pirmado na

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINIRMAHAN na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) No. 12316 na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers na suspendihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ito’y bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga Pilipino.
Sa kabilang dako, sinimulan na ng gobyerno ang pag-roll out ng fuel subsidies sa public transport operators, mga magsasaka, mangingisda para makatulong sa pag-offset ng mas mataas na halaga ng fuel.
Idagdag pa rito, bilyong piso ang naka-mobilized para patatagin ang suplay at presyo kabilang na ang P20 billion na hinugot mula sa Malampaya Gas Fund.
Nauna rito, idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes, Marso 24, ang state of national energy emergency, at iniutos ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) para sa mga apektadong sektor.
Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Marcos sa Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng state of national energy emergency, nagpapatupad ng UPLIFT, at paganahin ang whole-of-government response para matiyak ang katatagan ng suplay ng enerhiya, suportahan ang mahahalagang sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at MSMEs, at maprotektahan ang mga Pilipino sa gitna ng problema sa pandaigdigang suplay ng langis.
Ayon sa EO, ang UPLIFT ay nagsisilbing balangkas ng organisadong pagtugon ng gobyerno, na binubuo ng mga hakbang sa pamamahala ng suplay ng enerhiya na ipatutupad ng Department of Energy, at mga kaakibat na ahensya, at mga karagdagang hakbang upang suportahan ang mga konsyumer at apektadong sektor.
Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na ang deklarasyon ay naglalayong bigyan ang gobyerno ng mas maraming opsyon “should the need arise.”
“Nothing is off the table. We are looking at everything, everything that we can do. And so whatever suggestion that has been brought to us, whatever idea that has, that we have come up with. We are examining it very, very closely in great detail to see if it is going to be advantageous to our people,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
(Daris Jose)

Alex Eala naghahanda na sa torneo sa Austria

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGHAHANDA na ngayong si Pinay tennis star Alex Eala para susunod na torneo na kaniyang lalahukan sa susunod na buwan.Online news portal

Matapos kasi ang Round of 16 exit niya sa Miami Open ay sasabak ito sa clay court na 2026 Upper Austria Ladies Linz Open.

Magsisimula ang nasabing torneo mula Abril 6 hanggang 12 na ito ay lalaruin sa indoor clay court ng Design Center Linz.

Nakalista kasi ang 20-anyos na si Eala sa WTA 500 tournament kasama ang ilang mga mabibigat na pangalan sa tennis gaya nina defending champion katerina Alexandrova, Clara Tauson, Emma Raducanu, Emma Navarro, Jelena Ostapenko, at Sorana Cirstea.

Gilas Pilipinas Women umangat ang FIBA ranking

Posted on: March 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMANGAT ang world ranking ng Gilas Pilipinas Women sa FIBA.

Base sa world ranking na inilabas ng FIBA nasa pang-30 puwesto na ang Gilas Pilipinas Women.

Ito ay mas mataas kumpara ranked 39 mula pa noong Agosto 2025.

Sa ginanap na FIBA Women’s World Cup Qualifying tournament noong nakaraang linggo ay nagtapos sa isang panalo at apat na talo ang national team.
Isa sa makasaysayang tinalo nila ang Colombia na nasa World Number 19.

Ads March 26, 2026

Posted on: March 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments