Alas Pilipinas Women’s, bigo na makapasok sa quarterfinals matapos talo sa Kazakhstan, 3-1, sa Asian Games
- Published on September 18, 2026
- by Francis Paolo Torres
NABIGO ang Alas Pilipinas Women na makausad sa quarterfinals ng 2026 Asian Games Women’s Volleyball matapos silang talunin ng Kazakhstan, 3-1, sa isang dikit at kapana-panabik na laban.
Nakuha ng Pilipinas ang unang set, 29-27, ngunit bumawi ang Kazakhstan sa tatlong magkakasunod na set upang tuluyang selyuhan ang panalo, 26-24, 25-23, at 25-19.
Mainit ang naging laban sa unang set kung saan parehong nagpalitan ng puntos ang dalawang koponan. Umabot sa set point ang Kazakhstan matapos ang dalawang sunod na block points, ngunit nakapuntos si Eya Laure upang maisalba ang Pilipinas at mapanatili ang kanilang pag-asa sa set.
Sa extended play, naging matatag ang Alas Pilipinas at tuluyang nakuha ang unang set, 29-27.
Agad namang umabante ang Kazakhstan sa second set at nagkaroon ng limang puntos na kalamangan. Gayunman, nakabawi ang Pilipinas sa mga sumunod na rallies at nakalapit sa 23-21.
Muling nagkaroon ng set point ang Kazakhstan, ngunit nakapuntos ang Pilipinas upang ma-extend ang set. Sa huli, nakuha pa rin ng Kazakhstan ang second set, 26-24, upang itabla ang laban.
Nagpatuloy ang magandang laro ng Kazakhstan sa third set matapos silang umabante agad, 6-1. Naging malaking hamon para sa Alas Pilipinas ang mga service ace ng kanilang kalaban.