• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PCG LIGTAS NA NAILIKAS ANG MGA PASAHERO, CREW MULA SA SUMADSAD NA RORO VESSEL SA OCCIDENTAL MINDORO

LIGTAS na nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pasahero at crew matapos sumadsad ang MV RoRo Master 5, 30 metro mula sa baybayin ng Barangay Udalo, Abra de Ilog, Occidental Mindoro, madaling araw ngayong Setyembre 17, 2026.

Ayon kay PCG Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, ang 779-gross-ton RoRo passenger vessel ay bumibiyahe mula Port of Batangas patungong Port of Abra de Ilog sa Occidental Mindoro nang mangyari ang insidente dakong 12:45 AM.

Alas-6 ng umaga, nailipat ang lahat ng pasahero sa Port of Abra de Ilog, sa tulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Orange Navigation Inc.

Ibinahagi ni Commodore Cayabyab na sa paunang imbestigasyon, nagkaroon ng gyrocompass failure ang barko, na naging dahilan ng paglihis nito sa tamang ruta at pagsadsad.

Ayon sa Orange Navigation Inc., humiling na ng tugboat mula sa Cedar Company para tumulong sa pag-angat muli ng barko. Nakipag-ugnayan din ang Coast Guard District Southern Tagalog sa PCG Command Center para sa karagdagang assets, habang nag-deploy naman ang Coast Guard Station Batangas ng floating assets para suportahan ang operasyon. (Gene Adsuara)