• September 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Regional Training Centers para sa tennis, inaaral ng PSC

INAARAL ng Philippine Sports Commission (PSC) ang posibilidad ng pagtatayo ng mga regional training center sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa lalo pang pagkatuto ng mga Pilipino sa larong tennis.

Isinama rin sa mga pinaplanong pasilidad ang mga imprastruktura at kagamitang magagamit ng mga atleta para sa mas maayos na pagsasanay.

Sa deliberasyon sa plenaryo ng House of Representatives para sa panukalang 2027 budget ng PSC, inusisa ni Philreca Party-list Representative Presley De Jesus ang mga programa ng komisyon para sa mga kabataang nais pumasok sa nasabing isports.

Isinulong ng mambabatas ang usapin kasunod ng tumataas na popularidad ng tennis sa bansa dahil sa mga sunod-sunod na tagumpay ng Filipina tennis star na si Alex Eala.

Binigyang-diin ni De Jesus na nananatiling hamon sa mga Pilipino ang pagpasok sa tennis dahil itinuturing pa rin itong bago at pang-mayaman kumpara sa basketball at volleyball dulot ng mataas na gastos sa mga kagamitan at pagsasanay.

Ayon sa PSC, ang pagtatayo ng mga regional training center ang magiging tulay upang mas mapadali ang access ng mga kabataan sa mga rehiyon at maitaas ang kalidad ng laro ng mga bakanteng talento sa bansa.