• April 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March, 2026

SPECIAL PAYOUT, nakatakdang ilunsad para sa TRANSPORT WORKERS, DRIVERS na wala sa initial master list — PBBM

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na isasama sa special payout ang mga jeepney drivers at transport workers na hindi nakasama sa initial master list ng fuel subsidy program.
Nakahanay ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wala ni isa man ang maiiwan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro, maglulunsad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Transportation (DOTr) ng special payout para sa jeepney drivers at transport workers na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakatatanggap ng P5,000 financial assistance mula sa gobyerno.
“Maglalaan kami ng araw for special payout para makatanggap din ang nasabing mga tsuper at driver ng limanlibong mula sa cash gift assistance program sa ilalim ng AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) program ng DSWD,” ang sinabi ni Castro.
Winika pa ni Castro na kapuwa sinabi nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez na may ilang drivers ang hindi nakasama sa master list ng fuel subsidy program dahil sa iba’t ibang dahilan gaya ng ‘duplicate entries, incorrect data, o nabigong makapag-rehistro sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).
“Maaaring nagkadoble ng entry o kulang ng detalye ang kanilang mga pangalan o kaya di narehistro sa LTFRB,” ang tinuran ni Castro.
Muling inulit naman ni Castro ang sinabi ni Pangulong Marcos na ” no one will be left behind” sa pamamahagi ng financial aid.
“Pero sa utos ng Pangulo, walang maiiwan,” aniya pa rin.
Samantala, pinayuhan naman ni Castro ang mga drivers na ihanda ang mga kinakailangang dokumento para patunayan ang kanilang eligibility bago pa ang special payout. ( Daris Jose)

29 BABAENG PDLs, NAKATANGGAP NG LIBRENG LEGAL ASSISTANCE MULA SA CALOOCAN LEGAL DEPARTMENT

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NASA 29 babaeng Persons Deprived of Liberty (PDLs) na kasalukuyang nakakulong sa Caloocan City Police Station – Custodial Facility Unit bilang ang nakatanggap ng libreng legal services na inisyatiba mula sa City Legal Department bilang bahagi ng mga aktibidad ng lokal na pamahalaan sa pagridiwang ng International Women’s Month.

Ang nasabing inisyatiba ay nagbigay ng legal na payo sa mga babaeng PDL kaugnay ng mga kasong isinampa sa korte na may layuning gawing accessible ang mga serbisyo ng pamahalaang lungsod kahit sa mga pinaka-mahina na sektor ng komunidad.

Sinabi ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na habang ang kanyang administrasyon ay nananatiling nakatuon sa pagtataguyod ng hustisya at panuntunan ng batas, ang mga karapatan ng mga tao, lalo na ang mga nasa ilalim ng preventive custody, ay dapat bigyan ng pinakamataas na antas ng paggalang.

“Lagi po nating sinasabi, walang puwang ang krimen at karahasan sa ating lungsod lalo na ang mga nang-aabuso sa kabataan at kababaihan. Ngunit kahit patuloy nating pinapairal ang buong pwersa ng batas laban sa krimen, hindi rin tayo dapat mawalan ng respeto sa karapatang pantao ng bawat isa, lalo na sa due process at sa presumption of innocence,” ani Mayor Along.

Binigyang-diin din ng alkalde na ginagawa ng pamahalaang lungsod ang lahat ng makakaya upang matugunan ang krimen sa tunay na pinagmulan nito.

“Naniniwala po tayo na hindi magiging epektibo ang laban ng pamahalaang lungsod at ng CCPS sa krimen kung puro responsive at band-aid solution lang ang ating polisiyang ipatutupad, kaya mas tinututukan natin ang pagtugon sa tunay na sanhi ng krimen kagaya ng kahirapan, diskriminasyon, pang-aabuso, at kawalan ng maayos na edukasyon,” sabi niya. (Richard Mesa)

‘Energy emergency’, hindi pangkalahatan, ‘precautionary tool’ lang para sa sektor ng langis at kuryente- PBBM

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang deklarasyon ng pamahalaan ay isang State of Energy Emergency at hindi isang pangkalahatang national emergency.
Ang paglilinaw na ito ay ginawa ng Pangulong Marcos upang iwasan ang kalituhan at pangamba sa publiko.
Sa kanyang pahayag, ipinaliwanag ng Pangulo na ang deklarasyon ay “very specific and precise”—ito ay nakatuon lamang sa pangangalaga sa supply at presyo ng enerhiya sa bansa sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Pangulo, ang hakbang ay direktang tugon sa banta sa pandaigdigang ruta ng langis, partikular na sa Strait of Hormuz kung saan dumadaan ang 20% ng world supply. Dahil ang Pilipinas ay halos 100% na umaasa sa imported na langis at kailangang maging handa ang bansa sa posibleng epekto nito sa lokal na presyo at supply.
“Hindi ito emergency ng pangkalahatan. It is a very specific and a very precise emergency. It is an emergency of the energy sector, the supply of energy and the prices of energy,” wika ni Pangulong Marcos.
Nilinaw ng Malakanyang na ang deklarasyon ay nagsisilbing “precautionary tool” upang magamit ng gobyerno ang lahat ng kaukulang mekanismo katulad ng fuel subsidies, tapyas sa mga singil sa mga daungan, at pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa iba pang mga bansa at sa pribadong sektor para sa siguradong suplay ng enerhiya. ( DARIS JOSE)

Sa gitna ng global oil crisis… PBBM, ipinag-utos ang P20B EMERGENCY FUND para i-secure ang FUEL SUPPLY ng Pilipinas

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P20 billion sa pamamagitan ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) sa Department of Energy (DOE) para i-secure ang fuel supply ng bansa at salagin ang mga Pinoy mula sa epekto ng global oil crisis.

Ang pagpopondo, huhugutin mula sa Malampaya Gas Fund sa ilalim ng Special Account in the General Fund (SAGF), ay susuportahan ang Emergency Energy Security Program ng gobyerno, naglalayon na patatagin ang fuel availability, pigilan ang kakapusan ng suplay at pagaanin ang epekto ng pabago-bagong global oil prices.
Ang hakbang ay bunsod ng tumataas na geopolitical tensions sa Gitnang Silangan na nakabambala sa global oil production at distribusyon, paglalagay ng mga seryosong panganib sa domestic fuel supply at pagpapatuloy ng mga mahahalagang serbisyo.
Binigyang diin ni Budget Secretary Rolando “Rolly” U. Toledo na ang mabilis na pag-apruba ay sumasalamin sa malinaw na direktiba ni Pangulong Marcos: “ensure that no Filipino is left vulnerable to fuel disruptions.”
“This is about protecting the daily life of every Filipino—from the jeepney driver and delivery rider, to our farmers, frontliners, and ordinary families. Kapag may problema sa fuel, apektado ang buong ekonomiya. Hindi puwedeng maghintay,” ang sinabi ni Toledo.
“Under the President’s directive, we are moving with urgency to ensure that fuel remains available, prices are moderated, and essential services continue uninterrupted. This is government acting ahead of the crisis—not reacting after the damage is done.” aniya pa rin.
Popondohan ng P20 billion ang strategic procurement ng fuel products kabilang na ang diesel, gasoline, at LPG—para palakasin ang national fuel inventory, patatagin ang pump prices, at tiyakin na magtutuloy-tuloy ang operasyon sa transportasyon, logistics, agrikultura, emergency response, at iba pang mahalagang sektor.
Ang programa ay ipatutupad ng Philippine National Oil Company–Exploration Corporation (PNOC-EC), sinimulan ang procurement activities para agad na madagdagan ang domestic supply.
Binigyang diin ni Toledo na ang interbensyon ay sumasalamin sa ‘proactive at people-centered approach sa pamamahala kung saan tiyak ang hakbang ng pamahalaan sa panahon ng kritikal na sandali.
“Hindi ito basta pondo. Ito ay seguridad—seguridad sa biyahe, sa hanapbuhay, at sa pang-araw-araw na buhay ng Pilipino,” ang sinabi ni Toledo.
“Every peso we release here is meant to keep the economy moving, keep goods flowing, and keep services running. This is what fiscal discipline looks like—using public funds where they matter most, at the time they are needed most,” aniya pa rin.
Ang pagpopondo ay huhugutin sa Malampaya Gas Fund, tiyakin na ang resources ay available para sa urgent national energy security needs nang hindi magagambala ang ibang priority programs.
Habang nagpapatuloy ang global uncertainties na maapektuhan ang energy markets, gumagawa naman ang administrasyong Marcos ng matibay at proactive stance— pagsisiguro na ang Pilipinas ay mananatiling ‘resilient, nakahanda at protektado.’
“Sa Bagong Pilipinas, hindi tayo nagpapahuli sa krisis. We anticipate, we prepare, and we act—para tuloy-tuloy ang serbisyo at tuloy-tuloy ang buhay ng bawat Pilipino,” ang sinabi ni Toledo. ( Daris Jose)

Kaya mahirap paniwalaang nag-break na sila… SOFIA, naglitanya na walang makasisira sa kanila ni ALLEN

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI na pinatulan ni Kuya Boy Abunda ang napakatapang na statement na naman ni Alvin Aragon.

Grabe lang na in-address pa niya kay Attorney Annette Gozon-Valdez.
Patutsada nito, “Maam Annette, ang King of talk ang dapat inaalisan ng show at ang writer ng show. Kasi he uses, they this platform to encourage and influence Filipino people especially Filipino parents.

“Gusto nila palabasin na okay lang, na walang masama ang maging bakla, maging tomboy, maging trans at maging queer.”

Marami ang nag-aabang kung sasagutin ba ito ni Kuya Boy sa Kanyang show na “Fast Talk.” Pero wiz, dedma lang ito.

Feeling namin, hindi na ibibigay ni Kuya Boy kay Alvin ang satisfaction na papatulan pa niya ito.

Na siyang tama lang.

***

“WE really come a long way. At siyempre po, wala ng makakasira sa friendship, as in wala na,” ang bonggang litanya ni Sofia Pablo tungkol sa kanilang dalawa ni Allen Ansay.

Magkasama sila sa horror movie na “Huwag Kang Titingin” ng Mentorque at GMA Pictures.

Tinanong kasi namin sila kung kumusta sila after nilang magkahiwalay ng ilang months. Ito yung pumasok sa PBB si Sofia.

Yun pala, ginawa na raw nila ang movie bago pa siya mag-PBB. Base sa mga sagot ng dalawa at tila wala namang nabago at all, parang ang hirap tuloy paniwalaan ng nakarating na chika sa amin na kesyo break na raw ang dalawa.

Anyway, ang “Huwag Kang Titingin” ay ipalalabas na sa April 15 sa mga sinehan. Kasama rin nila rito sina Michael Sager, Josh Ford, Charlie Fleming at iba pa.

(ROSE GARCIA)

Direk VINCE, may pangamba rin sa ginawang paghuhubad sa ‘Ang Bangkay’

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

Abogado pa naman siya at baka ma-disbar…
TOTOO ngang nagpaka-daring ang award-winning actor-director at family code legal counsel na si Vince Tañada sa pelikulang ‘Ang Bangkay’ na entry sa 8th Sinag Maynila Independent Film Festival full-length film category, na kasulukuyang pinalalabas sa mga piling sinehan.
Pasabog ang private part exposure ni Direk Vince sa pelikulang dinirek at hango mula sa kanyang Palanca Award original script.
Ginagampanan niya rito si Don Segismundo Corintho, isang biyudong embalsamador at mabubunyag rito ang mga nakakikilabot na misteryong itinatago ng pamilya, na mahusay na nagampanan ni Direk Vince.

After ng Gala Screening nitong March 25 sa Gateway Cinema 18, natanong si Direk Vince tungkol sa dalawang beses niyang paghuhubad sa pelikula na nabigyan ng R-18 ng MTRCB.

“For the past ten years, ganun din ang ginagawa ko sa teatro. Nakaka-ano lang kasi, habang buhay na itong nasa pelikula,” pagbibiro niya.

“Sana lang ‘wag kumalat sa TG (Telegram) kasi nakakatakot na kumalat. Abogado po ako, baka ma-disbar po ako.”

Dagdag pa niya, “but everything for the love of the arts. We are doing this because we want to serve the art. Pag binibigay mo na ang lahat para sa sining, dapat wala nang limistasyon, buong kaluluwa at buong puso at katawan.

“Ang gusto ko lang sabihin na ang ‘Ang Bangkay’ is a passion project. Hindi namin akalain na magkakarooon ng commercial release. Dahil ginawa ko lang ito after ng ‘Katips’ na alam na medyo kumita ‘yun, kaya sinabi ko sa sarili ko na ang mga dula na magaganda, gusto kong i-imortalize ko sa pamamagitan ng sine o pelikula.

“Kaya lang isinabmit ito sa Sinag Maynila at nakapasok naman kaya maraming salamat sa malaking oppurtunity na ito para maipalabas sa maraming tao.

“Hanggang sa Linggo pa ito, kaya sugod na kayo sa mga sinehan.”

Bukod nga kay Direk Vince, may frontal rin ang Vivamax star na si Juan Paolo Calma.

Nabitin nga lang ang mga nakapanood dahil na-cut ang private exposure ni Johnrey Rivas. Nakapaghusay din dito ni Mercedes Cabral na gumanap na mayordomang si Miding, na worth ma-nominate bilang best actress.

Pagkukuwento pa ni Direk Vince tungkol kay Mercedes…

“Noong ginawa ko itong pelikula, si Mercedes lang ang galing sa mundo ng pelikula. Kaya nagulat siya at sabi niya, ‘may rehearsal direk’. Tapos noong nagkaroon kami ng reading, pina-memorize ko sa kanilang lahat ang buong script.

“Kasi sanay po ang mga artista natin ngayon na babasahin lang ang script nila at hindi nauunawaan ang buong pelikula.

“Sinabi pa ni Mercedes na sobra siyang na-intimidate sa amin kasi kaming lahat ay sanay sa blockings at sa rehearsals. Kaya suma-total nang apat na araw lamang ang shooting, kaya mabilis na mabilis at gumastos lang kami ng one million para sa pelikulang ito.”

Dagdag kuwento pa ni Direk Vince sa pagpili nila kay Mercedes na gumanap bilang Miding…

“Sabi ko kung pelikula ito, si Mercedes lang ang choice. And you know, I was also ssurprised that Mercedes has a specific twang, parang ingelesa siya. Kaya medyo nahirapan siya noong nagso-shoot kami, kasi yun tawag niya sa akin na ‘senior’, sabi ko, i-roll mo yun ‘R’ mo.”

Nakagigimbal ang pelikula dahil ang ‘dark’ ang kuwento, pero maganda ang pagkakagawa ng ‘Ang Bangkay’, mahuhusay din ang supporting cast at kahanga-hanga din ang production design, to think na isang milyon lang ang nagastos at wala pang isang linggo ang shooting ng pelikula.

Kabilang din sa cast sina Vean Olmedo, Lili Montelibano, Sarah Javier, JP Lopez, at OJ Arci.

Ang Sinag Maynila ay itinatag ng movie producer na si Wilson Tieng ng Solar Studios, Inc. Kasama rito ang award-winning filmmaker atCannes Best Director na si Brillante Mendoza bilang Festival Director.

Patuloy na mapapanood ang mga entries hanggang Marso 29, 2026 sa Gateway Cineplex, Eastwood Cinemas, Uptown Cinemas, Venice Cineplex, at Lucky Chinatown Cinemas.

Kaya kung may pagkakataon, panoorin ang ‘Ang Bangkay’.

After naman ng naturang filmfest, may inaayos na kung kailan naman ito maipalalabas sa iba’t-ibang probinsya.

(ROHN ROMULO)

Naghahanda na rin sa pagre-retire sa showbiz… REGINE, ni-reveal na magkakaroon ng final major concert sa October

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INAMIN ni Asia’s Songbird Regine Velasquez na naghahanda na siya sa pagre-retire after ng kanyang 40th year sa showbiz.

Ni-reveal din niya ang plano na magkaroon ng final major concert sa October.

Sa interview kay Regine ng Billboard Philippines, na kung saan napili siya bilang Woman of the Year, ibinahagi niya ito.

“I’m celebrating my 40th year in the business and to celebrate that I’m going to have a concert sometime in October, pero wala pa kaming date at venue. But it’s going to be my last big concert,” rebelasyon niya.

“Although, I still have some projects next year but this is may last solo big concert.”

Paglilinaw pa ni Songbird, “I didn’t mean for that post to be controversial. I just posted because it was on my mind. It became so viral, parang what happens there. But I’m just stressing out because I was so nervous. Parang kailangan kong bawiin na okay na po ako, tapos ang daming nagpadala sa aking ng flowers.

“But retirement means, hindi ka totally kailangang tumigil, you just have to free yourself of the pressure.”

Sa kanyang upcoming October show, isi-celebrate nga niya ang 40th year sa showbiz industry, kaya siguradong pasabog ang sinasabi niyang final big concert.

Anyway, super deserving naman si Regine pagkilala sa kanya ng Billboard Philippines bilang “Woman of the Year”.

Sa kanyang acceptance speech, inalala ni Regine ang kanyang pumanaw na amang si Mang Gerry na nagsilbing mentor at adviser niya.

“This industry has changed my life in so many wonderful ways. I didn’t know that my father’s dream was to travel the world.

“And natulungan ko yung tatay ko na matupad yung pangarap niya because I sang. And we travelled the world together, because I was singing,” pahayag ng Songbird.

“Marami pong nagawa ang industriyang ito sa buhay ko that’s why I’ll forever gonna be grateful to the industry,” emosyonal pang sabi niya.

Pagpapatuloy pa niya, “Yung story ko kasi, five years old ako, sumali ako ng singing contest. Ako lang po yung bata doon.

“Tapos narinig ko yung palakpakan ng mga tao, nag-decide ako at a tender age of 5 years old, nag-decide ako na this is what I want to do. ‘Cause I like the sound of palakpakan, and 40 years later here I am.”

Labis-labis din ang pasasalamat si Regine kay Lord dahil sa loob ng apat na dekada niya sa showbiz ay nagkaroon din siya ng chance na makilala ang kanyang mga idol pati na ang kanyang “love of her life” na si Ogie Alcasid.

(ROHN ROMULO)

Muling magiging kontrabida ni Dingdong sa ‘Master Cutter’… PAOLO, patuloy ang bonding moments sa mga anak at mag-asawang LIAN at JOHN

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATUTUWA at nakabibilib ang friendship ngayon nina Paolo Contis at ng dati niyang karelasyon na si Lian Paz at ng mister nito na si John Cabahug.
Kamakailan ay sinorpresa nina Lian at John si Paolo sa kaarawan ng Kapuso actor.
Sa kanyang Instagram post, nag-share si Paolo ng ilang mga photos mula sa birthday celebration ng mga anak nila ni Lian na sina Xalene at Xonia habang nasa Cebu Safari.
“Medyo late post of Xonia and Xalene’s birthday sa Cebu Safari. Beautiful place, pero mas beautiful na bonding at tawanan. I love you both so much,” ayon sa post ni Paolo.
Bukod dito ay isinama na rin siya sa selebrasyon nang sorpresahin siya nina Lian at John ng isang birthday cake para ipagdiwang rin ang kanyang kaarawan.
Sa pasasalamat ni Paolo sa pa-cake ng mag-asawa sa kanya ay may caption ito, “A happy birthday indeed. See you all very very soon!”
Nagkaroon ng bonding moments sina Paolo, Xalene, Xonia, Lian, at John noong August 2025.
Nagbukas ito ng pinto para sa kanilang constant communication na mag-aama sa mga nagdaang mga buwan at naging mas madalas ang pagkakataong magkakasama sila matapos magkawalay ng matagal na panahon mula nang maghiwalay sila ni Lian noong 2012.
Ikinasal naman sina Lian at John noong September 2025.
Still on Paolo, happy ang aktor dahil muli silang magkakasama ni Dingdong Dantes sa upcoming GMA action series na “Master Cutter.”
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” kamakailan ay sinabi ni Paolo na hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang proyekto at makasama muli ang Kapuso Primetime King.
“Finally. Matagal kaming nagpahinga sa primetime. I was doing movies for the past year, a year and a half, so ngayon nagkaroon ng pagkakataon makatrabaho si Mr. Dantes, so of course, you grab the chance,” saad ni Paolo.
Kontrabida si Paolo sa sa nabanggit na proyekto na pagbibidahan ni Dingdong.
“Na-miss ko ‘yung pagiging kontrabida actually. For longest time, ako ang nagbi-villain kay Dingdong sa ‘Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang,’ at ‘Alyas Robin Hood’.
“Actually nagti-training kami ni Dingdong. Sabi namin, ‘ang tanda na natin, bakit ba natin ginagawa ito?’” at tumawa si Paolo.
“I’m very confident na maaksidente man ako sa kanya, maaksidente man niya ako, walang initan ng ulo.”
Kasama rin sa “Master Cutter” sina Max Collins, Kapuso child star Sienna Steves, Rio Locsin, Tonton Gutierrez, Jo Berry, Max Eigenmann, Ketchup Eusebio at Polo Ravales pati na ang mga Sparkle star na sin Shuvee Etrata, Anthony Constantino, Prince Carlos, at Charlie Fleming.
Mapapanood ang “Master Cutter” sa Netflix simula sa April 17, at sa Mayo naman magsisimula sa GMA Primetime.

(ROMMEL L. GONZALES)

INILUNSAD ANG P20/KILO BIGAS SA PASAY!

Posted on: March 27th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BILANG direktang tugon sa pressure sa ekonomiya na dulot ng patuloy na krisis sa Gitnang Silangan, ang Pasay City Local Government Unit (LGU), sa pamumuno ni Mayor Imelda Calixto-Rubiano, ay iniunsad ang P20/Kilo Premium Rice Program ngayon ika-23 ng Marso, 2026 sa Pasay Astrodome, Pasay City.Ang inisyatibong ito ay naging posible sa pamamagitan ng isang estratehikong pakikipagsosyo sa Kadiwa ng Pangulo, Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), at iba pang pangunahing pambansang ahensya. Nilalayon ng programa na magbigay ng agarang tulong sa mga residenteng nahihirapan sa tumataas na presyo ng mga mahahalagang bilihin na dulot ng mga pagkaantala sa pandaigdigang supply chain.Ang de-kalidad na bigas ay magiging available sa halagang P20 bawat kilo lamang sa mga itinalagang lokal na pamilihan sa buong lungsod. Ang hakbang na ito ay tumutupad sa pangako ng lungsod sa seguridad sa pagkain at sumasalamin sa layunin ng pambansang pamahalaan na gawing abot-kaya ang mga pangunahing pangangailangan para sa bawat pamilyang Pilipino.“Dama ng ating mga residente ang bigat ng mga internasyonal na tunggalian dahil sa pagtaas ng halaga ng pamumuhay dito sa ating bansa,” sabi ni Mayor Imelda Calixto-Rubiano. “Umaasa kami na sa pamamagitan ng pagdadala ng P20/kilo ng bigas sa Pasay, makakatulong tayo sa pagpapagaan ng mga hinaing ng ating mga mamamayan at matiyak na walang pamilya ang magugutom sa mga panahong ito ng pagsubok. Ito ay isang patunay sa ating makakamit kapag ang mga lokal at pambansang pamahalaan ay nagtutulungan,” dagdag pa nito.(Kim Bornella/Photos Boy Morales Sr.)

Ads March 27, 2026

Posted on: March 27th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments