Direk VINCE, may pangamba rin sa ginawang paghuhubad sa ‘Ang Bangkay’
- Published on March 27, 2026
- by @peoplesbalita
Abogado pa naman siya at baka ma-disbar…
TOTOO ngang nagpaka-daring ang award-winning actor-director at family code legal counsel na si Vince Tañada sa pelikulang ‘Ang Bangkay’ na entry sa 8th Sinag Maynila Independent Film Festival full-length film category, na kasulukuyang pinalalabas sa mga piling sinehan.
Pasabog ang private part exposure ni Direk Vince sa pelikulang dinirek at hango mula sa kanyang Palanca Award original script.
Ginagampanan niya rito si Don Segismundo Corintho, isang biyudong embalsamador at mabubunyag rito ang mga nakakikilabot na misteryong itinatago ng pamilya, na mahusay na nagampanan ni Direk Vince.
After ng Gala Screening nitong March 25 sa Gateway Cinema 18, natanong si Direk Vince tungkol sa dalawang beses niyang paghuhubad sa pelikula na nabigyan ng R-18 ng MTRCB.
“For the past ten years, ganun din ang ginagawa ko sa teatro. Nakaka-ano lang kasi, habang buhay na itong nasa pelikula,” pagbibiro niya.
“Sana lang ‘wag kumalat sa TG (Telegram) kasi nakakatakot na kumalat. Abogado po ako, baka ma-disbar po ako.”
Dagdag pa niya, “but everything for the love of the arts. We are doing this because we want to serve the art. Pag binibigay mo na ang lahat para sa sining, dapat wala nang limistasyon, buong kaluluwa at buong puso at katawan.
“Ang gusto ko lang sabihin na ang ‘Ang Bangkay’ is a passion project. Hindi namin akalain na magkakarooon ng commercial release. Dahil ginawa ko lang ito after ng ‘Katips’ na alam na medyo kumita ‘yun, kaya sinabi ko sa sarili ko na ang mga dula na magaganda, gusto kong i-imortalize ko sa pamamagitan ng sine o pelikula.
“Kaya lang isinabmit ito sa Sinag Maynila at nakapasok naman kaya maraming salamat sa malaking oppurtunity na ito para maipalabas sa maraming tao.
“Hanggang sa Linggo pa ito, kaya sugod na kayo sa mga sinehan.”
Bukod nga kay Direk Vince, may frontal rin ang Vivamax star na si Juan Paolo Calma.
Nabitin nga lang ang mga nakapanood dahil na-cut ang private exposure ni Johnrey Rivas. Nakapaghusay din dito ni Mercedes Cabral na gumanap na mayordomang si Miding, na worth ma-nominate bilang best actress.
Pagkukuwento pa ni Direk Vince tungkol kay Mercedes…
“Noong ginawa ko itong pelikula, si Mercedes lang ang galing sa mundo ng pelikula. Kaya nagulat siya at sabi niya, ‘may rehearsal direk’. Tapos noong nagkaroon kami ng reading, pina-memorize ko sa kanilang lahat ang buong script.
“Kasi sanay po ang mga artista natin ngayon na babasahin lang ang script nila at hindi nauunawaan ang buong pelikula.
“Sinabi pa ni Mercedes na sobra siyang na-intimidate sa amin kasi kaming lahat ay sanay sa blockings at sa rehearsals. Kaya suma-total nang apat na araw lamang ang shooting, kaya mabilis na mabilis at gumastos lang kami ng one million para sa pelikulang ito.”
Dagdag kuwento pa ni Direk Vince sa pagpili nila kay Mercedes na gumanap bilang Miding…
“Sabi ko kung pelikula ito, si Mercedes lang ang choice. And you know, I was also ssurprised that Mercedes has a specific twang, parang ingelesa siya. Kaya medyo nahirapan siya noong nagso-shoot kami, kasi yun tawag niya sa akin na ‘senior’, sabi ko, i-roll mo yun ‘R’ mo.”
Nakagigimbal ang pelikula dahil ang ‘dark’ ang kuwento, pero maganda ang pagkakagawa ng ‘Ang Bangkay’, mahuhusay din ang supporting cast at kahanga-hanga din ang production design, to think na isang milyon lang ang nagastos at wala pang isang linggo ang shooting ng pelikula.
Kabilang din sa cast sina Vean Olmedo, Lili Montelibano, Sarah Javier, JP Lopez, at OJ Arci.
Ang Sinag Maynila ay itinatag ng movie producer na si Wilson Tieng ng Solar Studios, Inc. Kasama rito ang award-winning filmmaker atCannes Best Director na si Brillante Mendoza bilang Festival Director.
Patuloy na mapapanood ang mga entries hanggang Marso 29, 2026 sa Gateway Cineplex, Eastwood Cinemas, Uptown Cinemas, Venice Cineplex, at Lucky Chinatown Cinemas.
Kaya kung may pagkakataon, panoorin ang ‘Ang Bangkay’.
After naman ng naturang filmfest, may inaayos na kung kailan naman ito maipalalabas sa iba’t-ibang probinsya.
(ROHN ROMULO)