WALANG naka-iskedyul na miting sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at United States President Donald Trump sa panahon ng 2025 APEC Summit sa South Korea
”At the moment, there is no scheduled meeting with the US leader,” ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Angelica Escalona.
At nang tanungin kung may nakatakdang pagpulong sina Pangulong Marcos at Chinese President Xi Jinping, sinabi ni Escalona na sa ngayon ay walang naka-iskedyul na pulong sina Pangulong Marcos at Xi.
”Also, no scheduled meeting,” ani Escalona.
Sa ulat, kinumpirma ng White House na makakapulong ni Trump ang kanyang Chinese counterpart sa South Korea.
Gayunman, sinabi ng opisyal ng DFA na mayroong dalawang bilateral meetings na pina-plantsa subalit hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang nasabing opisyal ng departamento.
”We are looking at possibly two bilateral meetings but these are still being finalized,” aniya pa rin.
Sinabi ni Escalona na ang partisipasyon ni Pangulong Marcos ay nakasentro sa pagsusulong ng economic interests ng bansa, mas palalimin ang ugnayan kasama ang APEC members at muling pagtibayin ang commitment sa pananaw ng APEC na a ”more open, prosperous and dynamic Asia-Pacific in a rapidly transforming regional landscape.”
Aniya pa, ang dalawang sesyon ng APEC Economic Leaders Meeting ay inaasahang magbubunga ng outcome documents, kabilang na ang deklarasyon ng mga lider at maging ang tatlong kalatas ukol sa ‘artificial Intelligence, demographic change at cultural creative industries.’
”These topics reflect the priorities set by Korea as this year’s APEC host and tackle trends that impact economic growth across the region,” aniya pa rin.
Maliban sa leaders meeting, dadalo rin ang Pangulo sa Leaders’ Dialogue kasama ang APEC Business Advisory Council o ABAC.
Inaasahan din na magbibigay ng talumpati ang Pangulo sa APEC CEO Summit.
”This gathering brings together representatives from APEC members and top business executives to discuss key economic issues facing the region,” ang sinabi ni Escalona.
( Daris Jose)