• November 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 12th, 2026

Ads November 12, 2026

Posted on: November 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Mga testigong iniharap ng defense panel ni Vice President Sara, walang kredibilidad sa kanilang mga sinasagot

Posted on: November 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INILARAWAN nitong Miyerkules ni House prosecution panel adviser and spokesman Ace Barbers bilang “kumpleto sa wala” ang mga testigong iniharap ng defense panel ni Vice President Sara Duterte sa impeachment court ng Senado.

Ito aniya ay dahil sa halip na makapagbigay-linaw sa mahahalagang usapin, kapansin-pansin umano sa kanilang mga testimonya ang kawalan ng kakayahang makaalala, makapag-recall o kahit magkaroon ng sapat na kaalaman sa mga bagay na inaasahang kanilang lilinawin.

Ayon kay Barbers, ang paulit-ulit na mga sagot na “walang matandaan,” “walang maalala,” “walang ma-recall” at “walang alam” ay nagbubunsod ng seryosong mga katanungan hinggil sa halaga at kredibilidad ng mga testigo ng depensa, lalo na’t inaasahan silang magbigay-linaw sa mga isyung sentro ng impeachment proceedings.

Ang unang tatlong testigo ng depensa na humarap at tumestigo sa impeachment court ay sina:

• Engr. Jaime G. Adalin – Davao City Assessor, iniharap noong Nobyembre 9.

• Engr. John Kenneth Enumerables – Island Garden City of Samal Assessor, iniharap noong Nobyembre 10.

• Vingelin Bajan – Davao City Accountant, iniharap noong Nobyembre 10.

Tinalakay sa kanilang mga testimonya ang mga pinagtatalunang ari-arian at mga rekord ng suweldo. Kapansin-pansin na inamin ni Enumerables na hindi siya nakatitiyak kung ang ari-ariang tinukoy niya sa Samal ay siya ring ari-ariang idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Sara Duterte. Samantala, ilang ulit namang sinabi ni Bajan na hindi niya maalala ang ilang bagay na may kaugnayan sa dati niyang accounting partnership.

“Kung halos lahat ng sagot ay hindi matandaan, hindi maalala, walang ma-recall o walang alam, ano ba talaga ang maiaambag ng mga testigong ito sa paglilitis? Kumpleto sa wala ang kanilang testimonya,” pahayag ni Barbers.

Binigyang-diin niya na ang impeachment court ng Senado ay hindi entablado para sa mga testigong maglahad ng mga kuwentong walang laman o umiwas sa mahahalagang tanong sa pamamagitan ng mga tila maginhawang pagkalimot.

“Isa itong prosesong itinakda ng Konstitusyon kung saan inaasahan sa bawat testigo na magbigay ng totoo, may kaugnayan at makabuluhang testimonya na makatutulong sa pagtukoy at pagtatatag ng mga katotohanan,” ani Barbers.

Dagdag pa niya, “karapatan ng sambayanang Pilipino na makatanggap ng mga kasagutan, hindi ang makasaksi sa sunod-sunod na pagharap ng mga testigong mas maraming tanong ang iniiwan kaysa kasagutan. Hindi ito paligsahan kung sino ang pinakamaraming hindi maalala. Impeachment trial ito, hindi memory test.”

Sinabi rin ni Barbers na dapat ipaliwanag ng defense panel kung paano magiging makabuluhang panangga sa ebidensiya ng prosekusyon ang mga testigong halos walang alam o walang maalala tungkol sa mismong mga usaping iniimbestigahan, partikular sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, kuwestiyonableng mga transaksiyong pinansiyal at iba pang isyung nakapaloob sa mga artikulo ng impeachment.

Binigyang-diin ni Barbers, dating kongresista at gobernador ng Surigao del Norte, na hindi basta-basta mabubura o mawawalang-bisa ang mga ebidensiya ng prosekusyon sa pamamagitan lamang ng pagharap ng mga testigong tila walang kakayahan o ayaw sagutin ang pinakabuod ng mga alegasyon.

Ang mahalaga, aniya, ay kung kaya ng depensa na direktang sagutin at harapin ang mga dokumento, rekord pinansiyal at mga konkretong katanungang inilatag sa impeachment court.

“Sa huli, ang paglilitis na ito ay tungkol sa pananagutan at katotohanan. Maaari silang magharap ng kahit ilang testigo na gusto nila, pero kung walang laman ang kanilang mga testimonya pagdating sa mga katotohanan, paliwanag at kasagutan, hindi nito mabubura ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon. Nakamasid ang sambayanang Pilipino, at higit pa sa paulit-ulit na ‘wala akong maalala’ ang nararapat nilang marinig bilang tugon sa mga seryosong alegasyon,” pahayag ni Barbers. (VINA de GUZMAN)

Ngunit hindi raw nangangahulugan na ‘guilty’…

Posted on: November 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Dating Speaker Romualdez pinatawan ng 90-day suspension ng Sandiganbayan

HINDI nangangahulugan na “guilty” si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa ipinataw na 90-day suspension sa kanya ng Sandiganbayan, ayon sa abogado nito.

Pinaliwanag ni Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, na ang November 10 resolution na nagpapataw ng preventive suspension sa mambabatas ay normal lamang na proseso matapos matukoy ng Sandiganbayan na “legally sufficient” ang reklamong plunder.

“The court has not found Martin guilty of plunder. It has not established that he received a single peso in illegal commissions or kickbacks,” ani Fajardo.

Hindi rin nangangahulugan na ang mga alegasyon laban kay Romualdez ay patunay o sapat na ebidensiya.

“An allegation is not evidence. A valid Information is not a conviction. The prosecution must still prove its case beyond reasonable doubt,” ani Fajardo.

Ayon kay Fajardo, buo ang respeto ni Romualdez sa proseso. “Hindi hatol ng pagkakasala ang suspension. Mismong korte ang nagsabing kailangan pang patunayan ang mga paratang. Hindi sapat ang akusasyon—kailangan ng ebidensya,” iginiit ng abogado. (VINA de GUZMAN)

DepEd: Laptop ng mga guro, maaaring i-lock o i-disable kapag ibinenta o isinangla

Posted on: November 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ni Education Secretary Sonny Angara na may mahigpit na seguridad ang mahigit 231,000 laptop na ipamamahagi ng Department of Education (DepEd) sa mga guro at empleyado upang maiwasan ang pagbebenta, pagsasangla, o ilegal na paglilipat ng mga ito.

Ayon kay Angara, mananatiling pag-aari ng gob­yerno ang mga laptop at nakatala ang mga ito sa official accountability records ng DepEd.

Lahat ng unit ay naka-enroll sa Mobile Device Ma­nagement (MDM) system na nagbibigay-daan sa mga awtoridad na i-lock o i-disable, kahit malayuan, ang mga ninakaw, isinangla o ilegal na naibentang laptop.

“Hindi po puwedeng ibenta ang mga ito dahil nananatili itong government property,” diin ni Angara.

Bahagi ng nationwide rollout ang 172,654 MacBook Neo units at 62,717 Windows-based laptops na ipamamahagi mula Nobyembre 2026 hanggang Marso 2027 sa mga guro at administrative staff.

Nagbabala rin si Angara na maaaring maharap sa administrative at criminal charges ang mga lalabag sa patakaran, habang prayoridad sa distribusyon ang mga paaralan at guro na hindi pa nakatatanggap ng laptop mula sa pamahalaan.

 (DARIS JOSE)

Pahinante, construction worker huli sa akto na sumisinghot ng bato sa Valenzuela

Posted on: November 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang drug personalities matapos maaktuhang sumisinghot umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa E. Francisco St., Brgy. Parada nang maaktuhan nila ang construction worker na si alyas “Louie”, 23, na gumagamit umano ng shabu alas-11:40 ng gabi.

Hindi na nakapalag ang suspek nang lapitan at arestuhin nina Pat Baladad at Pat Bulahao.

Nauna rito, alas-10:05 ng gabi nang mahuli din sa akto nina PSSg Flavin at PCpl Manalad, kapwa ng Police Sub-Station 6 ang 46-anyos na pahinante na si alyas “Raymond” na bumabatak umano ng droga sa tabi ng Kadiwa Market sa Aca Road, Brgy., Malanday.

Ayon kay SDEU Police Investigator PSSg Janine Buenaventura, nasamsam sa mga suspek ang mga drug paraphernalias kabilang ang may mga traces ng hinihinalang shabu na gagamiting ibidensya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila sa Valenzuela City Prosecutor’s office. (Richard Mesa)

PITX, Maris Pure Corp. launch bottled water initiative for commuters

Posted on: November 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

The partnership between the Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) and Maris Pure Corp. (MPC) centers on “PITX Bottled Water,” a private-labeled product dedicated to ensuring millions of daily Filipino commuters have immediate, affordable access to safe and clean drinking water. As the official manufacturer, Maris Pure Corp. produces the bottled water under strict HACCP, GMP, and Halal certifications. Providing this high-quality hydration is part of PITX’s continuous service and commitment to keeping the riding public healthy, comfortable, and well-assisted throughout their daily journeys.

SPEAKER BOJIE DY, PINURI NG SENIOR CITIZENS PARTYLIST 

Posted on: November 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MARIING pinapurihan ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang liderato ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa pagsusumikap nitong maipasa ang 654 legislative measures kabilang ang 448 bills sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Bukod pa rito ang ginawang pag aksyon ng Kongreso sa 32 mula sa 61 Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority measures.

Sa pahayag ni Cong. Ordanes na siyang tumayong guest of honor nitong Lunes, Nobyembre 9, 2026 sa ginanap na flag raising ceremony sa Kamara, mariing pinasalamatan ng kongresista si Speaker Dy gayundin ang mga miyembro, secretariat officials at employees sa pangunguna ni Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil sa ibinuhos na dedikasyon at di matatawarang kontribusyon sa pagganap ng kanilang tungkulin sa institusyon.

Ito ay kasunod ng muling pagbabalik ng sesyon sa Kamara kung saan muling nagpahayag si Cong. Ordanes ng panibagong pangako ng cooperation at accountability sa pagbibigay ng mga makabuluhang batas para sa sambayanang Pilipino.

Aniya, kinikilala ng Senior Citizens Partylist ang matagumpay na legislative accomplishments ng liderato ng Kamara kung kayat makakaasa si Speaker Dy ng patuloy na suporta sa pagsusumikap nitong iangat ang kapakanan ng mamamayan.

“Ang aking taos pusong pasasalamat at pag hanga sa liderato ni Speaker Bogie Dy at Sec Gen Cheloy Garafil sa pagpupursige na maisakatuparan ang mga angkop na panukalang batas para sa ating mga kababayan,” saad pa ni Cong. Ordanes. (PAUL JOHN REYES)

NCRPO nagbabala vs online scams ngayong Holiday Season

Posted on: November 12th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko laban sa mga online scam ngayong papalapit ang Kapaskuhan, kasabay ng inaasahang pagdami ng online shopping at iba pang transaksiyon sa internet.

Ayon kay NCRPO Chief PBGen. Christopher Abrahano, dapat tiyakin muna ng mga mamimili ang pagiging lehitimo ng mga online seller, produkto, at serbisyo bago magbayad upang hindi mabiktima ng pekeng tindahan, kahina-hinalang murang alok at mapanlinlang na booking sa biyahe, at hotel.

Pinayuhan din ni Abrahano ang publiko na huwag basta magtiwala sa mga kahina-hinalang tawag at mensahe, lalo na kung hinihingi ang personal o pinansiyal na impormasyon. Binigyang-diin niyang huwag ibigay kaninuman ang password, PIN at one-time password (OTP) upang hindi mapasok ang kanilang mga account at manakaw ang kanilang pera.

Inatasan din ni Abrahano ang mga police district at operating unit na paigtingin ang pagpapakalat ng impormasyon at kampanya laban sa cybercrime, partikular sa online shopping fraud, phishing, at iba pang uri ng panloloko sa internet.