• November 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pahinante, construction worker huli sa akto na sumisinghot ng bato sa Valenzuela

KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang hinihinalang drug personalities matapos maaktuhang sumisinghot umano ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa E. Francisco St., Brgy. Parada nang maaktuhan nila ang construction worker na si alyas “Louie”, 23, na gumagamit umano ng shabu alas-11:40 ng gabi.

Hindi na nakapalag ang suspek nang lapitan at arestuhin nina Pat Baladad at Pat Bulahao.

Nauna rito, alas-10:05 ng gabi nang mahuli din sa akto nina PSSg Flavin at PCpl Manalad, kapwa ng Police Sub-Station 6 ang 46-anyos na pahinante na si alyas “Raymond” na bumabatak umano ng droga sa tabi ng Kadiwa Market sa Aca Road, Brgy., Malanday.

Ayon kay SDEU Police Investigator PSSg Janine Buenaventura, nasamsam sa mga suspek ang mga drug paraphernalias kabilang ang may mga traces ng hinihinalang shabu na gagamiting ibidensya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila sa Valenzuela City Prosecutor’s office. (Richard Mesa)