NCRPO nagbabala vs online scams ngayong Holiday Season
- Published on November 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGBABALA ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko laban sa mga online scam ngayong papalapit ang Kapaskuhan, kasabay ng inaasahang pagdami ng online shopping at iba pang transaksiyon sa internet.
Ayon kay NCRPO Chief PBGen. Christopher Abrahano, dapat tiyakin muna ng mga mamimili ang pagiging lehitimo ng mga online seller, produkto, at serbisyo bago magbayad upang hindi mabiktima ng pekeng tindahan, kahina-hinalang murang alok at mapanlinlang na booking sa biyahe, at hotel.
Pinayuhan din ni Abrahano ang publiko na huwag basta magtiwala sa mga kahina-hinalang tawag at mensahe, lalo na kung hinihingi ang personal o pinansiyal na impormasyon. Binigyang-diin niyang huwag ibigay kaninuman ang password, PIN at one-time password (OTP) upang hindi mapasok ang kanilang mga account at manakaw ang kanilang pera.
Inatasan din ni Abrahano ang mga police district at operating unit na paigtingin ang pagpapakalat ng impormasyon at kampanya laban sa cybercrime, partikular sa online shopping fraud, phishing, at iba pang uri ng panloloko sa internet.