• November 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mga testigong iniharap ng defense panel ni Vice President Sara, walang kredibilidad sa kanilang mga sinasagot

INILARAWAN nitong Miyerkules ni House prosecution panel adviser and spokesman Ace Barbers bilang “kumpleto sa wala” ang mga testigong iniharap ng defense panel ni Vice President Sara Duterte sa impeachment court ng Senado.

Ito aniya ay dahil sa halip na makapagbigay-linaw sa mahahalagang usapin, kapansin-pansin umano sa kanilang mga testimonya ang kawalan ng kakayahang makaalala, makapag-recall o kahit magkaroon ng sapat na kaalaman sa mga bagay na inaasahang kanilang lilinawin.

Ayon kay Barbers, ang paulit-ulit na mga sagot na “walang matandaan,” “walang maalala,” “walang ma-recall” at “walang alam” ay nagbubunsod ng seryosong mga katanungan hinggil sa halaga at kredibilidad ng mga testigo ng depensa, lalo na’t inaasahan silang magbigay-linaw sa mga isyung sentro ng impeachment proceedings.

Ang unang tatlong testigo ng depensa na humarap at tumestigo sa impeachment court ay sina:

• Engr. Jaime G. Adalin – Davao City Assessor, iniharap noong Nobyembre 9.

• Engr. John Kenneth Enumerables – Island Garden City of Samal Assessor, iniharap noong Nobyembre 10.

• Vingelin Bajan – Davao City Accountant, iniharap noong Nobyembre 10.

Tinalakay sa kanilang mga testimonya ang mga pinagtatalunang ari-arian at mga rekord ng suweldo. Kapansin-pansin na inamin ni Enumerables na hindi siya nakatitiyak kung ang ari-ariang tinukoy niya sa Samal ay siya ring ari-ariang idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Sara Duterte. Samantala, ilang ulit namang sinabi ni Bajan na hindi niya maalala ang ilang bagay na may kaugnayan sa dati niyang accounting partnership.

“Kung halos lahat ng sagot ay hindi matandaan, hindi maalala, walang ma-recall o walang alam, ano ba talaga ang maiaambag ng mga testigong ito sa paglilitis? Kumpleto sa wala ang kanilang testimonya,” pahayag ni Barbers.

Binigyang-diin niya na ang impeachment court ng Senado ay hindi entablado para sa mga testigong maglahad ng mga kuwentong walang laman o umiwas sa mahahalagang tanong sa pamamagitan ng mga tila maginhawang pagkalimot.

“Isa itong prosesong itinakda ng Konstitusyon kung saan inaasahan sa bawat testigo na magbigay ng totoo, may kaugnayan at makabuluhang testimonya na makatutulong sa pagtukoy at pagtatatag ng mga katotohanan,” ani Barbers.

Dagdag pa niya, “karapatan ng sambayanang Pilipino na makatanggap ng mga kasagutan, hindi ang makasaksi sa sunod-sunod na pagharap ng mga testigong mas maraming tanong ang iniiwan kaysa kasagutan. Hindi ito paligsahan kung sino ang pinakamaraming hindi maalala. Impeachment trial ito, hindi memory test.”

Sinabi rin ni Barbers na dapat ipaliwanag ng defense panel kung paano magiging makabuluhang panangga sa ebidensiya ng prosekusyon ang mga testigong halos walang alam o walang maalala tungkol sa mismong mga usaping iniimbestigahan, partikular sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, kuwestiyonableng mga transaksiyong pinansiyal at iba pang isyung nakapaloob sa mga artikulo ng impeachment.

Binigyang-diin ni Barbers, dating kongresista at gobernador ng Surigao del Norte, na hindi basta-basta mabubura o mawawalang-bisa ang mga ebidensiya ng prosekusyon sa pamamagitan lamang ng pagharap ng mga testigong tila walang kakayahan o ayaw sagutin ang pinakabuod ng mga alegasyon.

Ang mahalaga, aniya, ay kung kaya ng depensa na direktang sagutin at harapin ang mga dokumento, rekord pinansiyal at mga konkretong katanungang inilatag sa impeachment court.

“Sa huli, ang paglilitis na ito ay tungkol sa pananagutan at katotohanan. Maaari silang magharap ng kahit ilang testigo na gusto nila, pero kung walang laman ang kanilang mga testimonya pagdating sa mga katotohanan, paliwanag at kasagutan, hindi nito mabubura ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon. Nakamasid ang sambayanang Pilipino, at higit pa sa paulit-ulit na ‘wala akong maalala’ ang nararapat nilang marinig bilang tugon sa mga seryosong alegasyon,” pahayag ni Barbers. (VINA de GUZMAN)