• November 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 11th, 2026

Lalaking nag-amok habang armado ng baril sa Valenzuela, isinelda

Posted on: November 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BINITBIT sa selda ang 40-anyos na tambay nang mahuli sa akto na nagwawala at naghahamon habang armado ng baril sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagpapatrulya ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa East Service Road nang lapitan sila ng isang residente upang isumbong ang panggugulo at paghahamon ng away ng suspek sa terminal ng tricycle sa Brgy. Paso de Blas dakong alas-10:20 ng gabi.

Nang respondehan ng mga tauhan ng Police Sub-Station 1sa nasabing lugar, inabutan nila ang suspek na residente ng Brgy. Mapulang Lupa, habang nagsisisigaw na naghahamon ng away habang hawak ang isang kalibre .38 revolver.

Tiklop ang angas ng suspek nang makita ang mga pulis na kaagad siyang pinosasan at kinumpiska ang hawak niyang hindi lisensiyadong baril na kargado ng tatlong bala.

Nakapiit na sa custodial facility ng Valenzuela Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong Alarm and Scandal at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang Valenzuela Police sa mabilis na pagresponde at binigyang-diin nito na patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pag-iingat ng mga baril upang maiwasan ang mga krimen para mapanatili ang kaayusan, matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat mamamayan. (Richard Mesa)

PDEA, NAKATANGGAP NG EXCELLENCE AWARD SA 25th AMLC ANNIVERSARY CELEBRATION

Posted on: November 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINARANGALAN ng Anti-Money Laundering Council ang Philippine Drug Enforcement Agency ng AML-CTF Partner Excellence Award sa ika-dalawampu’t limang anibersaryo ng AMLC noong Oktubre 26 sa BSP Hall sa Malate, Maynila.

Tinanggap nina Deputy Director General for Administration Asec. Israel Ephraim Dickson at Director Glenn Lagutan ng Investigation Service ang parangal para kay PDEA Director General Usec. Isagani Nerez.

Ang PDEA ang tanging law enforcement agency na ginawaran ng naturang pagkilala sa buong Pilipinas, dahil sa malaking ambag nito sa laban kontra money laundering.

Ilan sa mga naging kontribusyon ng ahensya ang pagtatatag ng Anti-Money Laundering Desk noong 2004, at pagiging kauna-unahang law enforcement agency na nakipagtulungan sa Target Intelligence Packaging initiative noong 2017.

Mula 2024 hanggang Setyembre 2026, nakapag-ambag ang PDEA sa pagsasampa ng limampu’t pitong kaso ng money laundering at tatlong TIP reports na nakatulong sa pagtukoy sa mga ilegal na ari-arian na may kaugnayan sa droga.

Ayon sa PDEA, patuloy nitong paiigtingin ang pakikipagtulungan sa AMLC upang mabuwag ang mga sindikato ng droga at maputol ang daloy ng kanilang ilegal na kita, alinsunod sa whole-of-nation approach ng pamahalaan. (PAUL JOHN REYES)

Lifetime validity ng Unified PWD IDs pinuri

Posted on: November 11th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINURI ni Sen. Erwin Tulfo ang patakaran ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na gawing lifetime valid ang Unified Persons with Disabilities (PWD) ID para sa mga may permanenteng kapansanan.

Sa ilalim ng NCDA Administrative Order No. 001, Series of 2026, ipatutupad ang digitally integrated at nationally recognized na sistema ng pagkakakilanlan para sa mga kwalipikadong PWD. Layunin din nito na masawata ang paggamit ng pekeng PWD IDs.

Nagpasalamat si Tulfo sa NCDA dahil nakahanay ito sa kanyang isinusulong na Senate Bill No. 1405 na naglalayong gawing lifetime ang validity ng PWD IDs.

Ayon sa senador, mababawasan ang gastos at abala ng mga PWD dahil hindi na nila kailangang kumuha ng medical certificate sa bawat renewal.

Dagdag pa niya, mas mapapalakas ang umiiral na NCDA administrative order kapag naisabatas ang kanyang panukala.

Sa ilalim ng bagong patakaran, ang mga kasalukuyang may PWD ID ay kailangan na lamang magpaberipika ng kanilang disability certificate, habang ang mga bagong aplikante ay dapat magsumite ng certificate of disability na pirmado ng lisensyadong medical specialist.