• November 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Lalaking nag-amok habang armado ng baril sa Valenzuela, isinelda

BINITBIT sa selda ang 40-anyos na tambay nang mahuli sa akto na nagwawala at naghahamon habang armado ng baril sa Valenzuela City.

Sa ulat, nagpapatrulya ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa East Service Road nang lapitan sila ng isang residente upang isumbong ang panggugulo at paghahamon ng away ng suspek sa terminal ng tricycle sa Brgy. Paso de Blas dakong alas-10:20 ng gabi.

Nang respondehan ng mga tauhan ng Police Sub-Station 1sa nasabing lugar, inabutan nila ang suspek na residente ng Brgy. Mapulang Lupa, habang nagsisisigaw na naghahamon ng away habang hawak ang isang kalibre .38 revolver.

Tiklop ang angas ng suspek nang makita ang mga pulis na kaagad siyang pinosasan at kinumpiska ang hawak niyang hindi lisensiyadong baril na kargado ng tatlong bala.

Nakapiit na sa custodial facility ng Valenzuela Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong Alarm and Scandal at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang Valenzuela Police sa mabilis na pagresponde at binigyang-diin nito na patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pag-iingat ng mga baril upang maiwasan ang mga krimen para mapanatili ang kaayusan, matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat mamamayan. (Richard Mesa)