MATAPOS ang mga insidente sa Bulacan, isinulong ni FPJ Panday Bayanihan Party-List Rep. Brian Poe ang mas mahigpit na regulasyon sa pet cremation at burial services upang maprotektahan ang mga pet owner at matiyak ang maayos na paghawak sa labi ng kanilang mga alagang hayop.
Inihain ni Poe ang House Bill No. 11785, o ang Beyond Pet Loss and Care Act (Companion Animal After-Life Care and Protection Act), nitong Nobyembre 9 sa House of Representatives. Kasama niya sa paghahain ang aktor na si John Arcilla, sina Animal Kingdom Foundation (AKF) President at Program Director Atty. Heidi Caguioa, at ilang fur parents.
Ayon kay Poe, ang mga insidente sa Bulacan at Cavite ang nagtulak sa kanya na maghain ng panukala upang magtakda ng malinaw na pamantayan sa cremation at burial services para sa mga alagang hayop.
Layunin nitong matiyak na alam ng mga pet owner kung tunay na na-cremate ang kanilang alaga at kung ang mga abo na ibinabalik sa kanila ay talagang mula sa kanilang minamahal na hayop.
Binanggit ni Poe ang pangamba sa communal cremation, kung saan maaaring pagsamahin ang mga labi ng maraming hayop at ibalik ang mga abo na tila mula sa iisang alaga. Sa ilalim ng panukala, bibigyang-diin ang individual cremation, transparency, dokumentasyon, at wastong proseso upang mapanatili ang pagkakakilanlan ng mga labi.
Ayon sa inihain na panukala, maaaring mapatawan ng multang P100,000 hanggang P500,000 at pagkakakulong ng isa hanggang apat na taon ang mga mapatutunayang lumabag. Panukala pa lamang ang HB No. 11785 at hindi pa ito batas.
Sinabi ni Poe na daraan sa committee hearings ang panukala upang mapakinggan ang mga testimonya at ebidensiya, kabilang ang mga reklamo ng pet owners. Aniya, hindi dapat mangamba ang mga lehitimong negosyo dahil layunin ng panukala na palakasin ang tiwala at kredibilidad ng mga sumusunod sa tamang proseso.
“Ang mga hayop ay hindi basta-basta pag-aari o bagay. Sila ay mga buhay na nilalang at bahagi ng ating pamilya,” ayon kay Caguioa.
Hinimok ng AKF official ang mga pet owner na nakaranas o may reklamo kaugnay ng pet after-life care services na magsalita at makipagtulungan upang masuri ang mga insidente. Aniya, tumatanggap ang organisasyon ng mga reklamo, kabilang ang mga pagdududa sa abo na ibinabalik sa mga may-ari at mga nawawalang alagang hayop.
Ibinahagi naman ni Arcilla na mayroon siyang 11 aso na na-cremate at ang mga urn ng mga ito ay itinatago niya mula pa noong 2004.
“Hindi ito simpleng pag-aalaga na parang laruan. May relasyon ka diyan. Hindi lang siya simpleng laruan. Siya ang pamilya, actually,” ani Arcilla.
Binigyang-diin niya na mahalagang marinig ang mga pet owner na naapektuhan ng mga insidente at pinasalamatan sina Poe at AKF sa pagsusulong ng panukala.
Nagpahayag din ng suporta si Marlon De Guzman, pet owner ng asong kabilang sa mga natagpuang labi sa Bulacan.
“Nandito po kami to support the bill. We want justice, kung sino man yung nasa likod ng pangyayari, especially sa Ahjay (Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium), kung nasaan man po kayo, sana po lumutang na kayo dahil ito po yung hiniling namin simula’t sa pul pa lang po dahil itong dogs and cats na natagpuan sa Bulacan, they’re our family,” ani De Guzman.
Umaasa si Poe na maisusulong at maipapasa ang panukala sa 20th Congress, kasabay ng iba pang hakbang para sa kapakanan at proteksyon ng mga hayop. (VINA de GUZMAN)