• November 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PDEA, NAKATANGGAP NG EXCELLENCE AWARD SA 25th AMLC ANNIVERSARY CELEBRATION

PINARANGALAN ng Anti-Money Laundering Council ang Philippine Drug Enforcement Agency ng AML-CTF Partner Excellence Award sa ika-dalawampu’t limang anibersaryo ng AMLC noong Oktubre 26 sa BSP Hall sa Malate, Maynila.

Tinanggap nina Deputy Director General for Administration Asec. Israel Ephraim Dickson at Director Glenn Lagutan ng Investigation Service ang parangal para kay PDEA Director General Usec. Isagani Nerez.

Ang PDEA ang tanging law enforcement agency na ginawaran ng naturang pagkilala sa buong Pilipinas, dahil sa malaking ambag nito sa laban kontra money laundering.

Ilan sa mga naging kontribusyon ng ahensya ang pagtatatag ng Anti-Money Laundering Desk noong 2004, at pagiging kauna-unahang law enforcement agency na nakipagtulungan sa Target Intelligence Packaging initiative noong 2017.

Mula 2024 hanggang Setyembre 2026, nakapag-ambag ang PDEA sa pagsasampa ng limampu’t pitong kaso ng money laundering at tatlong TIP reports na nakatulong sa pagtukoy sa mga ilegal na ari-arian na may kaugnayan sa droga.

Ayon sa PDEA, patuloy nitong paiigtingin ang pakikipagtulungan sa AMLC upang mabuwag ang mga sindikato ng droga at maputol ang daloy ng kanilang ilegal na kita, alinsunod sa whole-of-nation approach ng pamahalaan. (PAUL JOHN REYES)