Pagwalis sa urban poor communities at street vendors, bahagi ng paghahanda ng Pinas sa ASEAN summit- Malakanyang
- Published on November 11, 2026
- by Francis Paolo Torres
BAHAGI ng paghahanda ng Pilipinas ang ginawang paglilinis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa urban poor communities at street vendors para sa nalalapit na Association of Southeast Asian (ASEAN) Summit.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang paglilinis sa mga lugar ay hindi upang itago ang mga ito sa mga delegado ng ASEAN.
“Ang MMDA alam naman natin, Metro Manila ang pinag-uusapan natin hindi naman sila tumitigil sa paglilinis ng ating mga lugar. At ang kalinisan ng ating lugar hindi lang gobyerno ang nagsasagawa kundi buong taumbayan,” ani Castro.
Binigyang diin din ni Castro na ang ginawang paglilinis sa mga street vendors ay dahil sa usaping pang-seguridad.
“Security po ang pinag-uusapan natin dahil halos 20 o dalawampung heads of state ang pupunta sa atin at ito po ay parte ng pagprepara para sa seguridad ng ating mga bisita,” ang winika ni Castro.
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ang kahalagahan ng ASEAN Summit na gaganapin sa Pilipinas kung saan ang Pilipinas ang host.
“So, ang Pangulo at ang administrasyon ay focus kung paano masasaayos at makukumpleto ang preparasyon na ito. Hindi lang para sa Pilipino kung hindi para ipakita sa buong mundo kung gaano kaprepara ang Pilipinas sa pagho-host ng ASEAN Summit,” ani Castro.
“Malaking bagay po na maipakita natin na tayo ay isang bansa na makapagbibigay ng sapat na seguridad sa mga liderato na pupunta sa ating bansa. At dapat nating ipakita kung paano tayo – iyong hospitality na nakapaloob sa Pilipino,” aniya pa rin.
Kaya nga aniya, walang anumang issue na dapat pag-usapan, pamumulitika sa usaping ito kung hindi dapat pag-usapan ang ang magiging magandang epekto ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit.
(DARIS JOSE)