Depensa ng kampo ni VP Sara, hindi napabulaanan ang ebidensiya ng prosekusyon sa mga kinuwekuwestiyong ari-arian nito
- Published on November 11, 2026
- by Francis Paolo Torres
HINDI umano napasinungalingan o napabulaanan ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang ebidensiya ng prosekusyon sa mga kinuwekuwestiyong ari-arian nito.
Sinabi ni House impeachment prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers na naging ‘consistent’ ang depensa ng vp sa kanilang kawalang kakayahan umano na mapabulaanan ang ebidensiya ng prosekusyon sa umano’y undeclared properties matapos aminin ng ikalawang saksi na hindi niya makumpirma na ang kinukuwestiyong property sa Samal ay nakalista sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
“Ang aking masasabi, sila ay consistent. Consistent sa punto na hindi pa rin nila nagigiba ang mga ebidensya at mga testimonya ng mga witnesses na nanggaling sa prosecution,” ayon kay House impeachment prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers sa isang press briefing.
Sa ginanap na cross-examination ni private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr., inamin ni Island Garden City of Samal Assessor Engr. John Kenneth Enumerables na hindi siya sigurado kung ang naturang property na nakarehistro sa pangalan ng asawa ni Duterte na si Manases Carpio, ay kapareho sa nakadeklara sa kanyang SALN.
Ang property, na sakop ng Transfer Certificate of Title No. 142-2019013134, ay nasa Barangay San Isidro, Kaputian, Samal.
Ngunit, nakalagay sa SALN entry na tinukoy ng depensa na ang property ay nakalista sa Barangay Matanos, Kaputian. Lumitaw pa sa record ang pagkakaiba sa acquisition year at presyo.
Sinabi ni Barbers na nabigo ang saksi na ma-establish na iisang property ang nakasaad sa dalawang records.
“Very clear na hindi niya nasagot ang tanong ng prosecution kung ito bang property na pinag-uusapan na hindi idineklara ni Vice President Sara Duterte sa kanyang SALN ay the same property na sinasabi naman ng defense na dineklara. There are two sets of properties na hindi pareho. Ang isa ay hindi naideklara sa SALN ng ating pangalawang pangulo,” dagdag ng dating mambabatas.
Kinuwestiyon ni House prosecution spokesperson Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kung bakit iprinisinta ng depensa ang city assessors sa halip na Registry of Deeds officials para ma-establish kung naideklara ba ang lupa.
“If the defense intention really is to prove that the Vice President did not misdeclare or underdeclare some of her property, it should not be the city assessors ang pupunta dito at gawin nilang witness,” ani Alonto Adiong.
Paliwanag nito, ang city assessors ang siyang nagdedetermina sa property values para sa taxation habang ang Registry of Deeds naman ang nagmementina sa official land ownership records.
“Ang dapat na mag-identify and mag-determine dapat ’yung Registry of Deeds. Bakit ’di nila ’yun ang prinisenta nila dito?” pagtatanong ng mambabatas.
(VINA de GUZMAN)