Malabon, sinimulan na ang pamamahagi ng ikaapat na tulong pinansyal para sa 93,574 benepisyaryo
- Published on November 11, 2026
- by Francis Paolo Torres
SINIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval ang pamamahagi ng ikaapat na bahagi ng tulong-pinansyal na “Malabon Ahon” para sa taong 2026, na pakikinabangan ng aabot sa 93,574 benepisyaryo, bilang pagpapatibay sa pangako ng kanyang administrasyon sa patuloy na pag-alalay sa mga pamilyang nangangailangan.
“Para sa atin, ang tunay na serbisyo publiko ay hindi lamang nasusukat sa dami ng programang naipatutupad, kundi sa kung paano natin natutugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan. Hangad natin na maging patas ang pagpapatupad ng ating mga programa upang matiyak na ang bawat Malabueño ay magkaroon ng access sa ating mga serbisyo,” ani Mayor Sandoval.
“Naniniwala tayo na walang dapat maiwan sa paghahatid ng serbisyo publiko. Kaya patuloy nating pinagsisikapang maihatid ang Malabon Ahon Ayuda sa mahigit 93,000 benepisyaryo upang maiparamdam sa ating mga pamilya na ang pamahalaang lungsod ay laging handang umalalay sa kanila,” dagdag niya.
Ayon sa Monitoring, Evaluation, Accountability, and Learning Office (MEAL), maaaring makuha ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang kanilang assistance simula 10:00AM ng Nobyembre 9, hanggang 11:59PM ng Disyembre 9, 2026, sa alinmang ATM na konektado sa BancNet o sa mga sangay ng United Storefront Services Corporation (USSC) sa buong bansa.
Makatatanggap ng text message mula sa USSC ang mga benepisyaryo kapag handa nang makuha ang kanilang assistance. Maaari rin nilang tingnan ang listahan ng mga kwalipikadong tumatanggap sa opisyal Facebook page ng Malabon Ahon Blue Card.
Maaari ring gamitin ng mga residente ang kanilang Malabon Ahon Blue Card (MABC) bilang debit card sa mga kalahok na establisyimento na mayroong Point-of-Sale (POS) terminal.
Binigyang-diin ni Ms. Catherine Larracas, Officer-in-Charge ng MEAL Office, ang kahalagahan ng pagpapanatili ng maayos, transparent, at madaling ma-access na proseso ng pamamahagi upang matiyak na makukuha ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang kanilang assistance nang walang abala.
Ipinaalala ng MEAL sa mga benepisyaryo na panatilihing malinis at nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga Blue Card at ilayo sa mga magnet at elektronikong kagamitan upang maiwasan ang pagkasira. Kung nawala o nasira ang kanilang card, o kaya’y nakalimutan ang kanilang PIN, makipag-ugnayan sa tanggapan ng MABC o sa USSC upang humingi ng tulong.
Samantala, sinabi ni City Administrator Dr. Alexander Rosete na ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng programang ito ay nagpapakita ng ating paninindigan na gawing mas malapit at mas madaling ma-access ang mga serbisyo ng pamahalaan.
“Sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, sinisikap nating matiyak na ang bawat programang inilulunsad ay may malinaw na layunin at tunay na nakatutulong sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan,” giit niya.
Ito na ang ika-18 yugto ng quarterly assistance na inilabas simula nang ilunsad ang programa noong Disyembre 2022. (Richard Mesa)