• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

HILING NG DSWD NA I-EXEMPT ANG KANILANG MGA PROGRAMA AT SERBISYO MULA SA POLL SPENDING BAN, INAPRUBAHAN NG COMELEC

IKINATUWA ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na i-exempt ang mga programa at serbisyo ng DSWD mula sa pagbabawal sa paggastos bago ang Halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) sa Nobyembre 2.

Sinabi ni Asst. Secretary Irene Dumlao, ang tagapagsalita ng DSWD, na ang exemption ay titiyak na ang Kagawaran ay patuloy na makakapagbigay ng tulong sa mga mahihirap, vulnerable, at mga disadvantaged na sectors, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang tulong.

“Nagpapasalamat po ang DSWD sa COMELEC sa pag-apruba ng ating request na ma-exempt ang ilang programa ng ating ahensya. The approval will ensure unhampered aid to poor and marginalized Filipinos,” Asst. Secretary Dumlao said on Wednesday (September 23).

Sa isang memorandum na inilabas ng COMELEC noong Setyembre 17, inaprubahan ng poll body ang kahilingan ng DSWD na alisin ang ilan sa mga programa nito sa kapakanang panlipunan mula sa Seksyon 261 (v) ng Omnibus Election Code (OEC).

Ilan sa mga programang hindi sakop ay ang Supplementary Feeding Program (SFP), Sustainable Livelihood Program (SLP), Social Pension for Indigent Senior Citizen (SPISC), Walang Gutom Program (WGP), Pag-abot Program, Bangsamoro Umpungan sa Nutrisyon (BangUn), Strategic Helpdesks for Information, Education, Livelihood and other Developmental Interventions (SHIELD) Against Child Labor Program, at Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance.

Sa parehong memorandum, sinabi ng COMELEC na ang pag-apruba ay “hindi kasama ang pamamahagi ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula Oktubre 23 hanggang Nobyembre 2, maliban sa tulong medikal at burial, na karaniwang ibinibigay sa mga kwalipikadong indibidwal.”

“Sa mga mangangailangan po ng medical at burial assistance, mananatili pong bukas ang DSWD at ang aming AICS satellite offices para patuloy kayong mapaglingkuran,” sabi ni DSWD spokesperson.

Ayon kay Asst. Secretary Dumlao, ang DSWD ay lubos na nakatuon sa pagsunod sa mga tuntunin at rekomendasyon ng COMELEC sa ilalim ng kamakailan lamang nitong inilabas na memorandum.

Kabilang dito ang pagbabawal sa presensya ng mga halal na opisyal, kandidato, nominado, at/o mga aspirante habang ipinamamahagi ang tulong pinansyal.

Hinimok din ng COMELEC ang DSWD na tiyaking ang exemption ay hindi makakaimpluwensya sa anumang paraan sa pagsasagawa ng 2026 BSKE.

“Makakaasa po ang COMELEC na kami may magco-comply sa kanilang ibinigay na kondisyon. We will make sure that our policies and guidelines are in place and will be exercised to insulate our program from any political interference,” ipinunto ni Asst. Secretary Dumlao. (PAUL JOHN REYES)