• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

EPIRA, dapat tuluyang ibasura hindi lang amyendahan

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago na ang panukala ni Presidente Bongbong Marcos na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ay hindi sapat para sa pangangailangan ng consumers.

Ayon sa mambabatas, dapat na ibasura ng tuluyan ang naturang batas na nagagamit umano para lalo pang pahirapan ang sambayanang Pilipino sa mataas na singgil sa kuryente.

Ang direktiba aniya ng pangulo sa kanyang SONA na alisin ang system loss charges mula sa electricity bills ng consumers ay tugon sa isang sintomas sa mas malaki at malalim na problema habang naiwan ang bahagi na daan para sa privatization at deregulation ng power sector.

“Hindi sapat ang pag-alis ng system loss charges kung nananatiling nandiyan ang batas na nagbigay-daan sa pribatisasyon at deregulasyon ng industriya ng kuryente. Ang EPIRA ang ugat ng napakataas na singil sa kuryente. Hindi ito dapat amyendahan lamang; dapat itong ibasura,” ani Elago.

“Ang pagtanggal ng system loss charge ay pagtanggal lamang ng isang singilin. Ngunit ang pagbasura sa EPIRA ay pag-aalis ng ligal na batayan ng pribatisasyon at deregulasyon ng industriya ng kuryente. Hangga’t nananatili ang EPIRA, mananatiling umiiral ang mga patakarang inuuna ang tubo ng malalaking korporasyon kaysa sa karapatan ng mamamayan sa abot-kayang kuryente,” dagdag nito.

Binigyan diin nito na ang pag-amyenda sa EPIRA para alisin ang system loss charges ay magbibigay lamang ng pansamantalang tulong habang patuloy ang consumers sa pagbabayad ng iba pang charges na pinapayagan sa ilalim ng batas.

“Band-aid solution ang pagtanggal ng isang singilin habang nananatiling umiiral ang EPIRA at ang mga patakarang ipinataw nito sa sektor ng kuryente. Kung seryoso ang administrasyon sa pagpapagaan ng buhay ng mamamayan, dapat alisin ang 12% VAT sa kuryente, ibasura ang EPIRA, at ibalik sa estado ang pangunahing pananagutan sa pagtiyak ng abot-kaya, maaasahan, at dekalidad na serbisyo sa kuryente,” anang mambabatas. (VINA de GUZMAN)

51 inaresto sa SONA rally

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AABOT sa 51 raliyista ang inaresto ng Philippine National Police (PNP) kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., karamihan sa mga naaresto ay mga nag-vandal na nahuling naninira at nagsusulat sa mga pampublikong pasilidad sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City gayundin ang mga lumabag sa umiiral na lokal na ordinansa, kabilang ang pagbabawal sa pagtatakip ng mukha sa panahon ng mga pagtitipon.

“They were accosted because of violations of ordinances and special laws, particularly RA 9003, PD 880 and local ordinances, lalo na ‘yung pagtatakip ng mukha,” ani Nartatez.

Bago ito, alas-7 ng umaga nang nagsimulang dumating ang mga raliyista na miyembro ng BAYAN Southern Tagalog at sinakop ang dalawang linya ng Commonwealth Ave. Sinunog ng mga protester ang effigies nina Pangulong Marcos, Vice President Sara Duterte, at US President Donald Trump.

Gayunman, nagkaroon ng tensyon nang lumampas ang mga nagpoprotesta sa itinakdang lugar ng kanilang programa at sini­mulang okupahan ang ikatlong lane ng Commonwealth Ave., dahilan upang bumuo ng police barricade ang Quezon City Police District (QCPD) upang pigilan ang kanilang pag-usad. ( DARIS JOSE)

Ipinagmalaki sa SONA…Pax Silica, lilikha ng de-kalidad na trabaho sa mga Pilipino —PBBM

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IGINIGIIT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makikinabang ang mga Pilipino sa itatayong Pax Silica Industrial Hub sa New Clark City, Tarlac, na inaasahang magiging sentro ng artificial intelligence (AI) manufacturing at logistics sa bansa.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, ibinida ng Chief Executive na ang 1,600-ektaryang industrial hub ay lilikha ng isang AI ecosystem na magbibigay ng de-kalidad na trabaho, magpapalakas sa kakayahan ng industriya ng Pilipinas, at magpapasigla sa ekonomiya.

Ayon pa sa Pangulo, magiging mahalagang bahagi ang proyekto ng Luzon Economic Corridor na siya namang magsisilbing advanced manufacturing sa global AI at ‘technology value chain’.

Gayunpaman, umani ng batikos ang proyekto dahil sa inaasahang malaking konsumo nito sa kuryente at tubig na karaniwang kailangan ng mga AI facilities.

Kinuwestiyon din ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang proyekto.

Ayon sa kanya, posibleng maging bahagi lamang umano ang Pilipinas ng supply chain para sa military-industrial complex ng Estados Unidos sa ilalim ng Pax Silica initiative.

Iginiit ni Tinio na sa halip na tunay na pag-unlad ng ekonomiya, maaari pa aniya itong magsilbi bilang estratehikong interes ng Amerika sa paggawa ng semiconductors at iba pang advanced electronics na maaaring gamitin sa military applications.

( DARIS JOSE)

Amendment sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) dapat mangyari bago matapos ang taon

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG tugon sa panawagan na tanggalin ang systems loss charges at value added tax sa singil sa kuryente, mangyayari ito kung magkakaroon ng amendment sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) bago matapos ang taon, ayon kay Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores.

Sa isinagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes, nanawagan ang Pangulo sa Kongreso na tanggalin ang systems loss charges at VAT sa singil sa kuryente, bagay na ikinatuwa at ikinagalak ng maraming nakapanood ng talumpati.

“It is historic and pivotal that we will finally see the swift removal of systems loss and its VAT from our electricity bills,” sinabi ni Flores.

Aniya, anumang hearing na gaganapin sa panukalang amyendahan ang EPIRA, maaari ito isabay sa deliberasyon ng 2027 national budget, kasabay sa mga binanggit ng Pangulo sa kanyang SONA na suportahan ang mas murang solar panels, hydrogen, at modular nuclear reactors. 

Sa panig naman ni Manila Rep. Rolando Valeriano, susuportahan niya ang anumang panukala na gawing tax exempt ang mga manggagawa na kumikita ng P250,000 hanggang P350,000 bawat taon, gaya ng binanggit ng Pangulo sa kanyang SONA.

Sinabi naman ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, na dapat tutukan ng Kongreso ang mga nabawing pera mula sa flood control corruption at mapunta ito sa edukasyon, Department of Health, PhilHealth at sa mga kaukulang sektor.

Sinang ayunan naman kay Quezon Rep. Reynante U. Arrogancia ang SONA ng Pangulo na nabanggit ang pagbaba ng RoRo terminal fee sa mga agricultural products at food ingredients mula sa P500 hanggang piso na lamang, kabilang ang toll-free expressway access sa mga cargo trucks na accredited ng Department of Agriculture.

Ayon kay Arrogancia, ang pagbababa ng logistics costs ay malaking tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa Bondoc Peninsula.

Sinuportahan naman ni Bohol Rep. Kristine Alexie Besas Tutor ang modernisasyon ng National Building Code at Ecological Solid Waste Management Act na nabanggit ng Pangulo sa kanyang SONA na dapat baguhin.

Sa panig naman ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes, walang binanggit na benepisyo ang SONA ng Pangulo para sa mga senior citizens.

Bagama’t magandang balita ang expansion ng VAT-free medicines at YAKAP, dapat magkaroon ng malinaw na hakbang patungo sa universal social pension, geriatric healthcare, at easier access sa mga benepisyo na ginarantiyahan ng batas, ani Ordanes. (VINA de GUZMAN)

Kamara, handang isakatuparan ang lahat ng hiling ni PBBM sa kanyang SONA, ayon kay Speaker Dy III

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAHANDA ang Kamara na isakatuparan ang lahat ng hiling ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA), ayon kay Speaker Faustino Dy III.

Ayon kay Dy, malinaw ang naging mensahe ng Pangulo sa Kamara. “Ang hamon ngayon ay tiyaking ang bawat panukalang tatalakayin ng Kamara ay may malinaw na pakinabang sa bawat Pilipino. Iyan ang magiging sukatan ng ating trabaho,”

“Ang SONA ang nagtatakda ng direksyon ng administrasyon. Ang papel ng Kamara ay tiyaking mabibigyan ito ng kinakailangang suporta sa pamamagitan ng maayos, masusi, at napapanahong pagtalakay ng mga panukala,” sabi ni Dy.

Sinabi ni Dy na tatalakayin ng Kamara ang lahat ng nais ng Pangulo, kabilang ang pagpapalawig ng income tax exemption sa mga manggagawa na kumikita lamang ng P350,000 sa isang taon; pagbawas ng income taxes; exemption sa minimum corporate income tax sa mga maliliit ma negosyo; tax amnesty sa mga di nabayarang income tax, estate tax, donor’s tax, value-added tax (VAT), at mga kaakibat na kaparusahan nito.

 “The House fully supports the President’s call to provide meaningful tax relief to our people. We will carefully study these proposals and work to pass measures that will allow Filipino workers to keep more of what they earn, help small businesses grow, and give qualified taxpayers a fresh start through a fair and responsible tax amnesty,” sabi ni Dy. 

Sumang ayon din si Dy sa mga repormang pinanawagan ng Pangulo tulad ng pagsasabatas ng Sariling Kuryente Act para maging mas mura at affordable ang rooftop solar panels at battery storage systems, kasama ang amendments sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para matigil na ang paniningil ng systems loss at VAT sa mga consumers.

“The President has made it clear that bringing down electricity costs is a national priority, and the House stands ready to do its part. We will give due priority to the proposed Sariling Kuryente Act and the amendments to the EPIRA to ensure that consumers are no longer made to shoulder charges that should not be passed on to them,” sabi ni Dy. 

“Sa huli, iisa lang ang layunin ng Ehekutibo at Lehislatura—ang makapaghatid ng mas maayos na serbisyo at mas magandang buhay para sa bawat Pilipino. Mas madali natin itong magagawa kung sama-sama tayong kumikilos,” dagdag ni Dy. 

(VINA de GUZMAN)

Robbery suspect, huli sa akto sa baril sa Caloocan

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGWAKAS na ang maligayang araw ng isang umano’y notoryus robbery suspect nang maaktuhan ng pulisya habang binubutingting ang hawak na baril sa isang eskinita sa Caloocan City.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 28 ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang suspek na si alyas “Roger”, 34, residente ng lungsod.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ operation ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief/Col. Joey Goforth nang maaktuhan nila ang suspek na abala umano sa pagbutingting ng hawak na baril sa isang eskinita.

Kaagad nilang nilapitan ang suspek sabay nagpakilala bilang mga pulis bago kinumpiska ang hawak na isang kalibre .45 baril na may tatlong bala.

Nang walang naipakita ang suspek na mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay agad siyang pinosasan ng mga pulis.

Sa isinagawang beripikasyon, napag-alaman ng pulisya na ang suspek ay naiugnay sa isang insidente ng Robbery with Serious Physical Injury noong July 19, 2026.

Sinabi ni Gen. Capili na nananatiling matatag ang NPD sa kanilang dedikasyon sa maagap na pagpapatupad ng batas at walang humpay na kampanya laban sa iligal na baril at criminal activities upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng komunidad na kanilang pinaglilingkuran. 

(Richard Mesa)

Parak na pauwi na galing SONA, tigbak sa truck sa Caloocan

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NASAWI ang 31-anyos na bagitong parak nang magulungan ng nakasagiang 10-wheeler truck habang sakay ng kanyang motosiklo pauwi sa Caloocan City, Martes ng madaling araw.

Dead-on-arrival sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong matinding pinsala sa katawan ang biktimang si alyas “Chris”, residente ng Padas St. Caloocan City at may ranggong Patrolman na nakatalaga sa Admin Holding Unit-Regional Mobile Force Battalion (AHU-RMFB) ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-2:10 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng C4 Road, kanto ng Perpetua St., ng nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon na pauwi na ang biktima matapos matalagang magbantay sa SONA at habang tinatahak ang kahabaan ng nasabing lugar nang sumagi ang kanang bahagi ng kanyang motorsiklo sa kaliwang bahagi ng rumaragasang 10-wheeler truck.

Dahil dito, nahulog sa motorsiklo ang biktima hanggang magulungan ng hulihang gulong ng truck na minamaneho ni alyas “Kevin”, 37, residente ng Porac, Pampanga.

Kaagad isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin ito umabot ng buhay habang naaresto naman ng pulisya ang driver ng truck.

Pinasasampahan na ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and damage to property ang driver ng truck sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

YORME ISKO HANDANG MAKIPAGTULUNGAN SA PAMBANSANG PAMAHALAAN

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HANDA ang Lungsod ng Maynila na tumbasan ang ipinakitang tiwala ng pambansang pamahalaan ng mga kongkretong resulta.

Ito ang tugon ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa ikalimang “State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. a mahalagang papel ng Local Government Unit (LGU).

“Ang kumpiyansa ng Pangulo sa lokal na pamahalaan ay pananagutan naming suklian ng resulta, hindi ng pangako,” ani Domagoso.

“Ang tiwalang iyon ang nagbibigay sa amin ng inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ang pagpapanatiling malinis at maayos ang Maynila, pagbutihin ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon, palakasin ang kapayapaan at kaayusan, gawing moderno ang imprastraktura, at tiyaking ang bawat pisong ipinagkakatiwala sa pamahalaang lungsod ay nagagamit nang wasto, malinaw, at para sa kapakinabangan ng bawat Manileño,” dagdag pa niya

Ayon sa alkalde, ang pagkilala ng Pangulo sa mahalagang papel ng mga LGU sa nation-building ay nagpapatibay sa paniniwala ng Maynila na ang mabuting pamamahala ay nagsisimula sa lokal na antas.

Tinukoy ni Domagoso ang apat na pangunahing prayoridad na binanggit sa SONA na may direktang epekto sa mga lokal na pamahalaan kabilang ang as mataas na National Tax Allotment (NTA), pagpapalakas ng kakayahang pinansyal at administratibo ng mga LGU; mas mahusay na koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan; at pagbibigay ng mas malaking responsibilidad sa mga LGU sa paghahatid ng serbisyo publiko at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran.

Malugod din niyang tinanggap ang hakbang ng Pangulo upang tugunan ang matagal nang suliranin sa pagkalugi at mga kakulangan sa sistema ng paniningil sa kuryente. Aniya, anumang repormang magpapababa sa hindi kinakailangang gastos at titiyak na makatarungan lamang ang binabayaran ng mga konsyumer ay malaking hakbang para sa kapakanan ng bawat pamilyang Pilipino.

“Nagpapasalamat kami sa Pangulo sa kanyang kongkretong hakbang upang tugunan ang usaping ito. Ang mga repormang magpapalakas ng kahusayan, transparency, at pananagutan sa sektor ng kuryente ay tiyak na makikinabang ang milyun-milyong Pilipino, kabilang ang mga mamamayan ng Maynila,” ani Domagoso. (Gene Adsuara)

Tulak, nalambat sa Caloocan drug bust, P170K droga, nasamsam

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang isang lalaki na sangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga nang makuhanan ng P170K halaga ng shabu makaraang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ng 26-anyos na tulak ng droga.

Nang positibo ang ulat, kaagad bumuo ng team ang mga operatiba ng DDEU bago ikinasa ang buy bust operation laban sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA.

Hindi na nakapalag ang suspek nang sunggaban ng mga operatiba ng DDEU matapos umanong tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu sa Brgy., 188.

Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 25 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P170,000 at markadong salapi na ginamit sa operasyon.

Sinampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Muling pinagtibay ni Gen. Capili ang hindi natitinag na pangako ng NPD sa pagpapatuloy ng mga agresibo at intelligence-driven operations laban sa iligal na droga bilang suporta sa kampanya ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na panatilihing ligtas at walang droga ang mga komunidad. (Richard Mesa)

NHA, SINURI MGA PROYEKTONG PABAHAY PARA SA MGA PAMILYANG MAAAPEKTUHAN NG IMPRASTRAKTURA

Posted on: July 29th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PERSONAL na ininspeksyon ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben A. Tai ang tatlong proyektong pabahay sa Ipil, Zamboanga Sibugay, bilang bahagi ng patuloy na pagtitiyak ng ahensya na magkaroon ng maayos at napapanahong relokasyon ang mga pamilyang maaapektuhan ng mahahalagang proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

Kabilang sa mga sinuring proyekto ang Gentle Breeze Subdivision sa Barangay Upper Pangi, na nakatakdang maging tahanan ng 710 informal settler families (ISFs) na maaapektuhan ng konstruksyon ng DPWH Coastal Road Project; ang ipinanukalang Paglaum sa Magdaup Project sa Barangay Magdaup para sa 127 pamilyang maaapektuhan ng pagpapalawak ng Ipil Port; at ang Ipil Fisherman Resettlement Project sa Barangay Buluan, na maglalaan ng 307 residential lots para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Kasama ni GM Tai sina Region IX Regional Manager Engr. Al-Khwarizmi U. Indanan, Zamboanga City/Zamboanga Sibugay/ARMM B (Basilan, Sulu at Tawi-Tawi) District Manager Atty. John Louie G. Rebollos, at Zamboanga del Sur/Zamboanga del Norte/ARMM A (Maguindanao at Lanao del Sur) District Manager Engr. Jessa M. Consuegra sa isinagawang inspeksyon. Dumalo rin ang mga kinatawan ng Pamahalaang Bayan ng Ipil at si Ar. Yasser P. Anduhol, na kumatawan kay Congresswoman Marlesa Hofer-Hasim ng Ikalawang Distrito ng Zamboanga Sibugay, bilang patunay ng patuloy na pagtutulungan ng NHA at ng mga lokal na katuwang nito sa pagpapatupad ng mga programang pabahay.

Sa pamamagitan ng site inspection, sinuri ng NHA ang mga natukoy na lokasyon upang matiyak na ang mga programa sa relokasyon ay nananatiling tumutugon sa pangangailangan ng mga pamilyang maaapektuhan ng mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan. Ipinapakita rin nito ang patuloy na pagtataguyod ng ahensya sa pagbuo ng ligtas, maayos, at napapanatiling mga komunidad na magsisilbing panibagong simula para sa mga benepisyaryo habang isinusulong ang pambansang kaunlaran.

Bilang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), nakatuon ang NHA sa pagpapatupad ng makatao, inklusibo, at napapanatiling mga programa sa relokasyon na kaakibat ng bawat pangunahing proyektong pang-imprastraktura, bilang suporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na isang Bagong Pilipinas. 

(PAUL JOHN REYES)