• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

Steph Curry, kauna-unahang active NBA player na nagkaroon ng Hall of Fame exhibit

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLAAN ang Naismith Basketball Hall of Fame ng bagong exhibit para kay Stephen Curry, na kinikilala bilang “greatest shooter of all time” sa NBA.

Inanunsyo ng Naismith na ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng liga na magkakaroon ng exhibit para sa isang aktibong manlalaro.

Ang naturang exhibit ay pinamagatang “Stephen Curry: Beyond the Arc” at inilalarawan ang paglalakbay ni Curry mula sa pagiging isang maliit na prospect hanggang sa pagiging isa sa pinakadakilang manlalaro sa kasaysayan ng NBA.

Tampok dito ang kanyang mga tagumpay gaya ng 3-point record, championship rings, MVP awards, at iba pang naabot habang patuloy na naglalaro.

Si Curry ang pangunahing manlalaro ng Golden State Warriors na nagdala sa koponan sa anim na NBA Finals, kung saan apat ang kanilang naiuwi bilang kampeonato.

Swedish pole vault star Mondo Duplantis handa na sa pagsabak sa European Championships

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKATAKDANG sumabak sa European Championships sa susunod na buwan si Swedish pole vault star Armand “Mondo” Duplantis.

Kinumpirma ito ng kaniyang agent na si Daniel Wessfeldt matapos ang pag-atras ng 26-anyos mula sa Diamond League sa London noong nakaraang linggo matapos na magtamo ng injury sa kaniyang kaliwang hita noong maabot ang 5.95 meters.

Dagdag pa ni Wessfeldt na wala ng mga anumang injury na nadarama na si Duplantis kaya handa na ito para sa nasabing torneo.

Ang doubl Olympic at triple world champion ay nakabasag ng world record ng 15 beses una ay noong 6.17 meters sa taong 2020 at ang huli ay noong makamit ang 6.31 meters sa Sweden noong buwan ng Marso.

Dahil sa napakataas ng singil…Imbestigahan ang Meralco, panawagan ng mambabatas

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG mambabatas ang nanawagan na imbestigahan ang Manila Electric Company (Meralco) sa kanilang batayan ng paniningil ng kuryente sa kanilang customers.

Ayon kay Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal, dapat ay magsagawa ng audit sa Meralco ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa tulong ng Commission on Audit (COA).

“Nararapat lamang na magkaroon ng komprehensibong audit ng ERC sa Meralco para mabigyan ang pubiko ng malinaw at buo na impormasyon ukol sa mga kita at utang nito. Ano mang hiling na pagtaas presyo sa panahon na ito ay dapat lang na pag-aralan ng mabuti bago ipatupad,” sabi ni Nazal. 

Nanawagan si Nazal sa House Committees on Energy and Good Government at Public Accountability na aktuhan ang House Resolution No. 976 na kanyang inihain kasama si SAGIP Party-list Rep. Paolo Henry Marcoleta.

Ayon kay Nazal, marami na ang nagrereklamo sa ERC kung bakit tila pinababayaan nito ang Meralco na mag “overcollection,” na maningil ng sobrang taas sa gitna ng paulit-ulit na refund orders.

“Has Meralco actually refunded everything that it owes its customers? What I cannot understand is why Meralco is seeking for a rate increase when it has been found to be overcharging consumers many times over,” sabi ni Nazal. 

Sinabi naman ni Bagong Henerasyon Party-list founder and spokesperson Bernadette Herrera na anumang pagtaas ng singil sa kuryente ngayon ay hindi napapanahon dahil sa nagaganap na sigalot sa Middle East.

“Tumataas ang presyo ng mga bilihin at lumiliit ang kita ng maraming small businesses, tsuper at operator. Ano mang pagtaas ng presyo ng kuryente ngayon ay magdudulot lang ng karagdagang pasan sa taongbayan at karamihan sa kanila ay hindi na ito kakayanin,” sabi ni Herrera. 

Sinuportahan ni Herrera ang panawagan na pagpaliwanagin ang Meralco hinggil sa kanilang batayan sa paniningil ng kuryente.

“Nakakabahala rin ang nakikita natin na mga reklamo ng mga residente tungkol sa biglaan pagtaas ng singil ng Meralco na karamihan ay umabot sa doble ang halaga. Kailangan natin ng malinaw at katanggap-tanggap na paliwanag tungkol dito bago pa natin pag-usapan ang anumang taas singil ng Meralco,” sabi ni Herrera. 

(VINA de GUZMAN)

Panawagan na gawing batas ang Universal Social Pension Act, nakalikom ng limang milyong lagda

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT sa limang milyong lagda ng mga nakatatandang Pilipino ang nalikom na nanawagan kay Pangulong Bongbong Marcos na lagdaan at gawing batas ang Universal Social Pension Act.

Sa ginanap na demonstrasyon noong Mayo, personal na inihain ng mga kinatawan ng nakatatanda ang unang bahagi ng higit isang milyong lagda kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III habang direktang nagpaabot ng pakiusap sa Malacañang.

Ang patuloy na kampanya—na may opisyal na pamagat na “12 Milyong Lagda Para sa Matatanda: Universal Social Pension, Ngayon Na!”—ay pinangungunahan ng House Committee on Senior Citizens sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson Hon. Milagros Aquino-Magsaysay ng United Senior Citizens Partylist, kasama ang mga miyembro ng komite, mga lokal na pederasyon, at mga tagapagtaguyod sa lahat ng lalawigan sa bansa.

Sa ginanap na partial turnover ng mga lagda noong Mayo 26, ipinahayag ni Dy ang buong suporta ng Mababang Kapulungan para sa mga nakatatanda sa bansa, at binigyang-diin na ang panukala ay higit pa sa simpleng tulong pampinansyal.

“The Universal Social Pension is not simply about assistance. It is about dignity, gratitude, and compassion… our seniors must be provided support to help them afford all of their basic needs. Let us always remember that the true measure of a nation is how it cares for its most vulnerable citizens,” pahayag ni Dy.

“Babantayan natin ang Universal Social Pension bill na ngayon ay nakasalang na sa Committee on Appropriations,” dagdag pa ni Dy, bilang pagtiyak sa komitment ng lehislatura na isulong ang panukalang batas.

Ipinapanawagan ng kilusan na ang social pension ay ipagkaloob bilang isang karapatan para sa lahat ng Pilipinong may edad 60 pataas, anuman ang kakatayuan sa buhay.

Binigyang-diin ni Aquino-Magsaysay na ang panukala ay hindi na lamang isang simpleng lehislatibong panukala, kundi isang urgent na moral at makabuluhang pangangailangan para sa 12 milyong senior citizens sa bansa. 

(VINA de GUZMAN)

Suporta at patubig para sa magsasaka, patuloy na pinalalawak ni PBBM

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PATULOY na pinalalawak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang suporta at patubig para sa mga magsasaka.

Sa katunayan, personal na nagtungo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa bayan ng Aborlan sa Palawan upang pasinayaan ang pagbubukas ng Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project.

Layunin ng Ibato-Iraan SRIP na maghatid ng tubig sa mga bukirin upang patatagin ang kabuhayan ng magsasaka. 

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi na kailangang umasa pa sa pagdating ng ulan para lang madiligan ang mga tanim. 

Ngayon aniya ay tuluy-tuloy na ang patubig, tuluy-tuloy na rin ang ani ng mga magsasaka dahil sa year-round irrigation.

“Sa tulong ng SRIP, magkakaroon ng reliable supply ng tubig ang mahigit isanlibong ektarya ng lupang sakahan na siya ring makakatulong na pataasin ang cropping intensity,” ayon kay Castro.

“Sa madaling sabi, kung noon ay dalawang beses lang puwedeng magtanim, ngayon ay maaaring maging tatlong beses na ito kada taon,” aniya pa rin.

Direkta naman aniyang makikinabang sa irigasyon ang 425 farmer-beneficiaries at sa local food supply ng mga nakapaligid na komunidad. 

“Kongkretong solusyon sa tagtuyot, kapanatagan sa mga magsasaka, at dagdag biyaya sa hapag-kainan ng pamilyang Pilipino,” anito.

Ilan lamang aniya ito sa hatid ng Ibato-Iraan Irrigation Project sa mga kababayan sa Lalawigan ng Palawan. ( DARIS JOSE)

Partial operation ng MRT 7 sa June 2027

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINATAYANG sa June 2027 magkakaroon ng partial na operasyon ang Metro Rail Transit Line 7, ito ang sinabi ng Department of Transportation sa isang panayam kay Secretary Giovanni Lopez.

“We are advancing MRT 7, a 22-kilometer line connecting North Avenue in Quezon City to Bulacan. Travel time will be cut from up to three hours to just 35 minutes. We expect to commence for its first 12 stations by the second quarter of next year,” wika ni Lopez.

Kamakailan lamang ang SMC MRT 7 Corp. na isang wholly-owned subsidiary ng San Miguel Corp na siyang nakakuha ng concession upang sila ang magtayo, mag operasyon, at magmintana ng nasabing rail line ay lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Korea Railroad Corp (KORAIL) upang magkaroon ng operations at maintenance services ang huli.

Sa ilalim ng kasunduan, ang KORAIL ay siyang magbibigay ng technical advisory services upang magawa ang operational systems ng MRT7 core line, safety protocols, at programa sa maintenance.

“The advisory engagement begins in July 2025, with the initial six to 12 months directed at pre-operational requirements and system stabilization before moving into long-term technical support,” ayon kay Lopez.

Ang buong 22-rail line ay binubuo ng 14 na istasyon na magdudugtong sa North Avenue sa lungsod ng Quezon hanggang San Jose del Monte sa Bulacan na dadaan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Lalagpasan din ng MRT 7 ang intermodal transportation hub para sa mga pribado at pampublikong sasakyan at ang 19-kilometer na highway na magdudugtong din sa San Jose del Monte papuntang Bocaue, Bulacan.

Inaasahang makapagsasakay ang MRT 7 ng 300,000 na pasahero sa unang taon ng operasyon nito.

Ang mga sumusunod ay ang mga 14 na istasyon na itatayo at ilalagay sa MRT 7: North Avenue, Quezon Memorial Circle, University Avenue, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Manggahan, Dona Carmen, Regalado, Mindanao Avenue, Quirino, Sacred Heart, Tala, at San Jose del Monte.

Habang ang partial na operasyon ng 12 istasyon na bubuksan sa darating na June 2027 ay magsisimula sa North Avenue hanggang Sacred Heart sa lungsod ng Caloocan at vice versa. (LASACMAR)

Komunidad ng LGBT sa Biñan, Nagtipon-tipon para sa Isang Makulay na Pride Program

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BIÑAN, LAGUNA — Matagumpay na idinaos ang “Biñan Pride Program,” isang makulay at makasaysayang pagtitipon na naglayong ipagdiwang ang pagkakaisa, talento, at karapatan ng lokal na komunidad ng LGBT sa lungsod.

Ginanap ang aktibidad sa pangunguna nina Mama led, Sir Mac, at Keka bilang mga tagapangasiwa. Pormal na binuksan ang programa sa pamamagitan ng isang engrandeng “Grand Opening Number” mula mismo sa LGBT Community of Biñan, na sinundan ng isang mainit na pagtanggap at pambungad na mensahe mula kay Dr. Arlene Alonte-Ancheta, ang City GAD (Gender and Development Department) Focal Person.

Isa sa mga naging tampok at pinakamahalagang bahagi ng kaganapan ay ang opisyal na paglulunsad ng “Right to Care Launch,” kung saan ipinalabas ang isang Audio-Visual Presentation at inanunsyo ang pamamahagi ng mga kaukulang porma para sa nasabing programa.

Nagpaabot din ng kanilang buong suporta ang mga matataas na opisyal ng lungsod sa pamamagitan ng kanilang mga mensahe. Kabilang sa mga nakiisa at nagbigay ng suporta sina Mayor Len Alonte (sa pamamagitan ng Gay Alliance for Len Alonte), Mayor Gel Alonte, Vice-Mayor Dada Reyes, Cong. Atty. Arman Dimaguila, at ang buong City Council. Dumalo rin at nagpakita ng pakikiisa ang iba’t ibang sektor tulad ng Association of Barangay Captains, Sangguniang Kabataan Federation, Kabaranggay, Kababaihan Unlad Biñan, LGBT Pilipinas, pati na ang kinatawan mula sa karatig-bayan na si Melanie Alvarez, ang Carmona City GAD Officer.

Hindi rin nagpahuli ang ningning ng gabi sa ginanap na awarding ceremony. Humigit-kumulang 30 indibidwal ang pinarangalan ng Rainbow Radiance Awards (Costume) para sa kanilang malilikhaing kasuotan, habang isang natatanging indibidwal naman ang nag-uwi ng prestihiyosong Color of Courage Award (Artistic Expression).

Bago nagtapos ang gabi, naghatid ng isang world-class at natatanging pagtatanghal ang tanyag na artist na si Phi Palmos na lalong nagpalakas ng hiyawan at saya sa mga manonood. Ang nasabing programa ay naging matagumpay sa tulong na rin ng masiglang pagho-host ni Sir Mac na siyang bumanat bilang crowd host ng gabi.

(Kim Bornella/Boy Morales)

Cross examination ng defense lawyers sa impeachment trial, hindi nagiba ang testimonya ng mga prosecution witnesses

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI nagiba ang testimonya ng mga prosecution witnesses sa gitna ng walang tigil na cross examination ng defense lawyers sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa Senado, ayon sa isang mambabatas nitong Huwebes.

“Nakita naman natin ang nangyari na nag-end noong (Miyerkules). Pangatlong testigo na ito, napakarami ng tanungan, pero hindi naman nagiba rin ang napatunayan na doon sa article na prinove (prove) ngayon,” sabi ni House prosecutor Dinagat Islands Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao.

At kahit na mahaba ang oras na ginugol ng defense lawyers sa pagtatanong sa mga testigo, nananatiling matatag ang kanilang testimonya, sinabi ni Bag-ao.

Nakumpleto ng House prosecution ang presentasyon ng mga testigo nitong Miyerkules matapos ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.

Naunang tumestigo sina NB) Special Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc para suportahan ang akusasyon na nagbanta si Duterte na patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. 

“Kapag mataas ang opisyal natin, siyempre mataas din ang inaasahan nating level ng pananagutan,” sabi ni Bag-ao. 

“Sa nangyayaring proseso ngayon, lalo na sa pag-establish ng Article IV, ’yung grave threats, naipapakita naman sa mga tanungan na nalilinaw ang accountability—na dapat naiintindihan din ng mga mamamayan ang pananagutan niya bilang opisyal ng lipunan.” 

Sinabi naman ni House prosecution counsel at legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr., lahat ng oportunidad ay ibinigay sa defense sa kanilang cross examination ng mga testigo bilang bahagi ng due process.

“We recognize na may karapatan ang depensa na mag-conduct ng full and searching cross-examination. Bahagi ito ng due process,” Tolosa said.

Aniya, ang naging resulta ng cross examination ay lalong nagpatibay sa testimonya ng mga witnesses.

“Matapos ang mahabang pagtatanong, mga bahagi ng official record ay nanatiling nasa impeachment court para timbangin,” sabi ni Tolosa. (VINA de GUZMAN)

Higit P1M droga, nasabat sa HVI tulak na naaresto sa buy bust sa Valenzuela

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang bagong identified High-Value drug personality matapos matimbog ng pulisya sa ikinasangm buy bust operation sa Valenzuela City, Miyerkules ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Rik Rik”, 33, (HVI) ng Brgy., Lingunan.

Ayon kay Col. Talento, unang nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police hinggil sa umano’y pagtutulak ng illegal na droga ni alyas Rik Rik sa kanilang lugar at kalapit na mga barangay.

Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng SDEU, kaagad bumuo ng team si SDEU chief P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation kontra sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA.    

Sakay ng kanyang motorsiklo, nakipagkita umano ang suspek para makipagtransaksyon sa isa sa mga operatiba ng SDEU na nagpanggap na buyer sa harap ng Palawan Child Development Center sa Saint Paul St., Brgy., Veinte Reales na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-10:35 ng gabi.

Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 150 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P1,020,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill, isang P500 boodle money at 16-pirasong P1,000 boodle money. P800 cash, itim na belt bag at gamit niyang Nmax motorcycle.

Ani SDEU investigator P/MSg. Ana Liza Antonio, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Secions 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni NPD Director Capili ang operating team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng iligal na droga.

Dagdag niya, ang NPD ay nananatiling nakatutok sa maagap na pagpapatupad at sistematikong pagtugis sa mga nagkasala sa droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lugar ng CaMaNaVa. (Richard Mesa)

Valenzuela, ginunita ang ika-157th birth anniversary ni Dr. Pio Valenzuela

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

GINUNITA ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa ilalim ng pamumuno ni Mayor WES Gatchalian ang ika-157 anibersaryo ng kapanganakan ng lokal na bayani at kapangalan ng lungsod na si Dr. Pio Valenzuela, sa pamamagitan ng iba’t ibang nakaka-engganyong kultural na aktibidad na bumubuhay sa kanyang buhay at pamana.

Pinangunahan ng Cultural Affairs and Tourism Development Office (CATDO) ng lungsod ang paglulunsad ng ilang mga aktibidad upang pasiglahin ang kamalayan sa kultura at kasaysayan ng mga Valenzuelano para hikayatin ang pagpapahalaga sa pinakamalaking kontribusyon ni Dr. Pio sa kasaysayan.

Ang makasaysayang tahanan ni Dr. Pio – na ngayon ay kilalang museo ng lungsod, ang Museo ni Dr. Pio Valenzuela sa Barangay Pariancillo Villa – ang sentro ng isa sa mga aktibidad na tinatawag na “Paglalakbay sa Kasaysayan: Polo Heritage Walking Tour 2026” noong Hulyo 18 hanggang 19. Sa 2-araw na heritage walking tour na pinangunahan ng CATDO, binalikan ng buhay ng mga kalahok ang makabuluhang kontribusyon ng local hero sa panahon ng himagsikan.

Bukod dito, binisita rin ng mga kalahok ang mga kalapit na parke at museo tulad ng Casa de Polo, Polo Park, Museo de Polo, at San Diego de Alcala Parish Church na pawang nagtataglay ng mga kahanga-hangang kwento ng mayamang kultura at kasaysayan ng Lungsod na nagdagdag ng karagdagang cultural immersion sa mga bisita.
Ang mga mag-aaral ng Valenzuelano ay nagtagisan din ng kanilang kaalaman sa kasaysayan sa pagsusulit sa Quiz Bee on the Life-History ni Dr. Pio Valenzuela na pinangunahan ng Valenzuela City Library na layong itanim ang kaalaman at pagpapahalaga sa mga kabayanihan na ginawa ni Dr. Pio Valenzuela sa kasalukuyang henerasyon. Ang 2nd place ay nakuha ng Canumay West National High School, at 1st place ang Parada National High School habang inuwi ng Valenzuela National High School ang overall champion.

Samantala, nagsagawa rin ng espesyal na aktibidad para sa mga bata ang Valenzuela City Library Children’s Area, sa pamamagitan ng malikhaing pagkukulay at paggawa ng Dr. Pio papel na manika kung saan nalaman din nila ang kasaysayan at pamana ng kanyang buhay.
Nagmula sa bayan ng Polo. Si Dr. Pio ay isa sa mga tinitingalang opisyal na nagsilbi sa Katipunan noong panahon ng Rebolusyong Pilipino. Ang kanyang mga kontribusyon ay nag-iwan ng isang pangmatagalang marka sa kanyang mga kababayan: nagtrabaho siya kasama ng mga kilalang bayani sa digmaan, nagbigay ng libreng pangangalagang medikal sa mga maysakit, at kalaunan ay naging unang Municipal President ng Polo noong panahon ng mga Amerikano at Gobernador ng Bulacan sa loob ng dalawang termino. (Richard Mesa)