• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Panawagan na gawing batas ang Universal Social Pension Act, nakalikom ng limang milyong lagda

MAHIGIT sa limang milyong lagda ng mga nakatatandang Pilipino ang nalikom na nanawagan kay Pangulong Bongbong Marcos na lagdaan at gawing batas ang Universal Social Pension Act.

Sa ginanap na demonstrasyon noong Mayo, personal na inihain ng mga kinatawan ng nakatatanda ang unang bahagi ng higit isang milyong lagda kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III habang direktang nagpaabot ng pakiusap sa Malacañang.

Ang patuloy na kampanya—na may opisyal na pamagat na “12 Milyong Lagda Para sa Matatanda: Universal Social Pension, Ngayon Na!”—ay pinangungunahan ng House Committee on Senior Citizens sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson Hon. Milagros Aquino-Magsaysay ng United Senior Citizens Partylist, kasama ang mga miyembro ng komite, mga lokal na pederasyon, at mga tagapagtaguyod sa lahat ng lalawigan sa bansa.

Sa ginanap na partial turnover ng mga lagda noong Mayo 26, ipinahayag ni Dy ang buong suporta ng Mababang Kapulungan para sa mga nakatatanda sa bansa, at binigyang-diin na ang panukala ay higit pa sa simpleng tulong pampinansyal.

“The Universal Social Pension is not simply about assistance. It is about dignity, gratitude, and compassion… our seniors must be provided support to help them afford all of their basic needs. Let us always remember that the true measure of a nation is how it cares for its most vulnerable citizens,” pahayag ni Dy.

“Babantayan natin ang Universal Social Pension bill na ngayon ay nakasalang na sa Committee on Appropriations,” dagdag pa ni Dy, bilang pagtiyak sa komitment ng lehislatura na isulong ang panukalang batas.

Ipinapanawagan ng kilusan na ang social pension ay ipagkaloob bilang isang karapatan para sa lahat ng Pilipinong may edad 60 pataas, anuman ang kakatayuan sa buhay.

Binigyang-diin ni Aquino-Magsaysay na ang panukala ay hindi na lamang isang simpleng lehislatibong panukala, kundi isang urgent na moral at makabuluhang pangangailangan para sa 12 milyong senior citizens sa bansa. 

(VINA de GUZMAN)