• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Dahil sa napakataas ng singil…Imbestigahan ang Meralco, panawagan ng mambabatas

ISANG mambabatas ang nanawagan na imbestigahan ang Manila Electric Company (Meralco) sa kanilang batayan ng paniningil ng kuryente sa kanilang customers.

Ayon kay Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal, dapat ay magsagawa ng audit sa Meralco ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa tulong ng Commission on Audit (COA).

“Nararapat lamang na magkaroon ng komprehensibong audit ng ERC sa Meralco para mabigyan ang pubiko ng malinaw at buo na impormasyon ukol sa mga kita at utang nito. Ano mang hiling na pagtaas presyo sa panahon na ito ay dapat lang na pag-aralan ng mabuti bago ipatupad,” sabi ni Nazal. 

Nanawagan si Nazal sa House Committees on Energy and Good Government at Public Accountability na aktuhan ang House Resolution No. 976 na kanyang inihain kasama si SAGIP Party-list Rep. Paolo Henry Marcoleta.

Ayon kay Nazal, marami na ang nagrereklamo sa ERC kung bakit tila pinababayaan nito ang Meralco na mag “overcollection,” na maningil ng sobrang taas sa gitna ng paulit-ulit na refund orders.

“Has Meralco actually refunded everything that it owes its customers? What I cannot understand is why Meralco is seeking for a rate increase when it has been found to be overcharging consumers many times over,” sabi ni Nazal. 

Sinabi naman ni Bagong Henerasyon Party-list founder and spokesperson Bernadette Herrera na anumang pagtaas ng singil sa kuryente ngayon ay hindi napapanahon dahil sa nagaganap na sigalot sa Middle East.

“Tumataas ang presyo ng mga bilihin at lumiliit ang kita ng maraming small businesses, tsuper at operator. Ano mang pagtaas ng presyo ng kuryente ngayon ay magdudulot lang ng karagdagang pasan sa taongbayan at karamihan sa kanila ay hindi na ito kakayanin,” sabi ni Herrera. 

Sinuportahan ni Herrera ang panawagan na pagpaliwanagin ang Meralco hinggil sa kanilang batayan sa paniningil ng kuryente.

“Nakakabahala rin ang nakikita natin na mga reklamo ng mga residente tungkol sa biglaan pagtaas ng singil ng Meralco na karamihan ay umabot sa doble ang halaga. Kailangan natin ng malinaw at katanggap-tanggap na paliwanag tungkol dito bago pa natin pag-usapan ang anumang taas singil ng Meralco,” sabi ni Herrera. 

(VINA de GUZMAN)