• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Cross examination ng defense lawyers sa impeachment trial, hindi nagiba ang testimonya ng mga prosecution witnesses

HINDI nagiba ang testimonya ng mga prosecution witnesses sa gitna ng walang tigil na cross examination ng defense lawyers sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa Senado, ayon sa isang mambabatas nitong Huwebes.

“Nakita naman natin ang nangyari na nag-end noong (Miyerkules). Pangatlong testigo na ito, napakarami ng tanungan, pero hindi naman nagiba rin ang napatunayan na doon sa article na prinove (prove) ngayon,” sabi ni House prosecutor Dinagat Islands Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao.

At kahit na mahaba ang oras na ginugol ng defense lawyers sa pagtatanong sa mga testigo, nananatiling matatag ang kanilang testimonya, sinabi ni Bag-ao.

Nakumpleto ng House prosecution ang presentasyon ng mga testigo nitong Miyerkules matapos ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.

Naunang tumestigo sina NB) Special Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc para suportahan ang akusasyon na nagbanta si Duterte na patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. 

“Kapag mataas ang opisyal natin, siyempre mataas din ang inaasahan nating level ng pananagutan,” sabi ni Bag-ao. 

“Sa nangyayaring proseso ngayon, lalo na sa pag-establish ng Article IV, ’yung grave threats, naipapakita naman sa mga tanungan na nalilinaw ang accountability—na dapat naiintindihan din ng mga mamamayan ang pananagutan niya bilang opisyal ng lipunan.” 

Sinabi naman ni House prosecution counsel at legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr., lahat ng oportunidad ay ibinigay sa defense sa kanilang cross examination ng mga testigo bilang bahagi ng due process.

“We recognize na may karapatan ang depensa na mag-conduct ng full and searching cross-examination. Bahagi ito ng due process,” Tolosa said.

Aniya, ang naging resulta ng cross examination ay lalong nagpatibay sa testimonya ng mga witnesses.

“Matapos ang mahabang pagtatanong, mga bahagi ng official record ay nanatiling nasa impeachment court para timbangin,” sabi ni Tolosa. (VINA de GUZMAN)