• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July, 2026

Obrero na wanted sa pagnanakaw sa Leyte, nasukol sa selda sa Malabon

Posted on: July 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SA loob na ng selda nagwakas ang paghahanap ng pulisya sa 27-anyos na construction worker na wanted sa kaso ng pagnanakaw sa lalawigan ng Leyte matapos maaresto sa hiwalay na kaso sa Malabon City.

Batay sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Beliner Capili, kasalukuyang nakapiit ang akusado na residente ng Brgy., Area 6, Parañaque City sa Custodial Facility ng Malabon City Police Station matapos maaresto sa hiwalay na kasong Qualified Rape.

Nang suriin ng mga pulis ang kanyang record, natuklasan na may nakabinbin na warrant of arrest ang akusado para sa kasong Thef na inisyu ng Municipal Trial Court, Ormoc City, Leyte, na may inilaang piyansa na ₱36,000.

Bukod rito, may isa pang arrest warrant ang akusado para sa paglabag sa Omnibus Anti-Smoking/Vaping Ordinance, na inisyu naman ng Metropolitan Trial Court, Mandaluyong City.

Dahil dito, kaagad isinilbi ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa akusado ang nasabing mga arrest warrant sa loob ng custodial facility ng Malabon CPS. (Richard Mesa)

HVI tulak na naaresto sa Valenzuela, iprinisinta kay Mayor Gatchalian

Posted on: July 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPRINISINTA ng pulisya kay Mayor Wes Gatchalian ang High-Value drug personality na kanilang naaresto at nakuhanan ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ang suspek na si alyas “Rik Rik”, 33, ng Brgy., Lingunan ng lungsod.

Ikinasa ng mga operatiba ng Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA na dahilan ng pagkakaaresto sa suspek alas-10:35 ng Miyerkules ng gabi sa Saint Paul Street, Brgy., Veinte Reales.

Nakumpiska sa suspek ang kabuuang 150 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P1,020,000,00, buy bust money, P800 cash, belt bag at gamit niyang motor.

Sa kanyang pahayag, kinondena ni Mayor Gatchalian ang ganitong mga ilegal na gawain.

“Ito po ay isang warning na marami po talagang mga apartments dito sa Valenzuela ay pinamumugaran po ng mga drug pusher… So, sa prinisenta kanina, [I am] very proud sa ating kapulisan na hindi tumitigil sa pagsugpo sa drugs,” ani Mayor WES.

Samantala, binigyang-pugay naman ng alkalde ang naging mabilis na pag-aksyon ng kapulisan para sa maagap na pagkakadakip sa suspek. Kaugnay nito, nagbigay din ng ulat ang VCPS tungkol sa ilan sa mga kasong kanilang nalutas na may kinalaman sa ilegal na droga. Kabilang na rito ang mga HVI na naaresto nila sa kanilang tuloy-tuloy na operasyon.

Muli namang pinaalalahan ni Mayor Gatchalian ang publiko na maging alerto sa paligid at huwag mag-alinlangan na lumapit sa awtoridad sa oras na may makitang kahina-hinala sa kanilang lugar o may masaksihang mga ilegal na gawaing gaya ng nabanggit. (Richard Mesa)

Kelot na wanted sa statutory rape, nalambat sa Navotas

Posted on: July 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HIMAS-REHAS ang isang lalaking most wanted para sa kaso ng statutory rape matapos masakote ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Navotas City.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay isang 30-anyos na lalaki na nakatala bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa Navotas City Police Station (NCPS).

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Renante Pinuela naispatan ang presensya ng akusado sa lungsod ay agad nagsagawa ang mga ito ng operation laban sa suspek.

Hindi na nakapalag ang akusado nang masukol ng mga operatiba ng Navotas Police Warrant and Subpoena Section (WSS) sa kahabaan ng M. Naval Street, Barangay Sipac-Almacen.

Inaresto ang akusado sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Family Court, National Capital Judicial Region, Branch 9, Navotas City, para sa two (2) counts of Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility ng Navotas Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Navotas City Jail. (Richard Mesa)

WE ARE NOT MONKEYS, CHINA ANG BULLY, HINDI ANG PILIPINAS! – FDNY MOVEMENT

Posted on: July 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGSAGAWA ng Iglap-Protesta (Lightning Rally) ang iba’t ibang makabayang grupo sa pangunguna ng Filipinos Do Not Yield Movement – Alab ng Bayan upang kondenahin ang patuloy na agresyon, pangha-harass, pambu-bully, pananakot at rasistang pag-atake ng China laban sa mga Pilipino at sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea.

Nagtipon ang iba’t ibang makabayang grupo upang isagawa ang nasabing iglap-protesta o lightning rally sa harapan ng Star City, Vicente Sotto St. sa Pasay City, July 24, 2026.

Isinagawa ang pagkilos kasabay ng 59th Asean Foreign Ministers Meeting (AMM), layunin ng protesta na iparating ang panawagan na igalang ang soberanya at mga karapatan ng Pilipinas, itigil ang mga mapang-aping kilos sa West Philippine Sea at managot sa mga rasistang pag-atake laban sa mga Pilipino.

Isinisigaw ng mga kalahok sa nasabing iglap protesta ang mga sumusunod na panawagan:

* China: We are not monkeys! We demand a public apology!

* Call on China daily to remove its racist content againts Filipinos!

* Respect the 2016 Arbitral Award, respect UNCLOS.

* Respect our EZZ, respect our rights in the WPS!

* Stop harassing Filipinos , stop racist attacks!

* Get out of our West Philippine Sea! Protect filipino fisherman, defend the West Philippine Sea!

* Hands off our fisherman, get out of our WPS!

* We will never yield to China’s aggression, no to China’s aggression. Filipinos do not yield! Defend the West Philippine Sea!

“Sama-sama nating ipakita at iparinig ang pagkakaisa para sa ating karagatan, sa ating mga mangingisda, sa ating Coast Guard at Armed Forces (Navy, Air Force, Army), Police, marine scientists, educators, diplomats, sa ating pamahalaan, mga kabataan, at sa kinabukasan ng ating saling lahi”, pahayag pa ng grupo.

Naging mapayapa, maayos, at disiplinado ang ginanap na pagtitipon ng iba’t ibang makabayang grupo bilang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, at patuloy na ipagtatanggol ang soberanya, teritoryo, at mga lehitimong karapatan ng Pilipinas alinsunod sa internasyonal na batas. 

(PAUL JOHN REYES)

SONA ni Marcos private, public schools sa Quezon City at Maynila walang pasok sa Hulyo 27

Posted on: July 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGLABAS na ng abiso ang Quezon City at Manila LGU na walang pasok sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan sa Lunes, Hulyo 27 para sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa abiso ng QC LGU ang hakbang ay alinsunod sa Executive Order No. 23 S. 2026 na layong hikayatin ang lahat na makinig sa SONA ng Pangulong Marcos at maiwasang maipit ang publiko sa trapiko.

Ayon kay Dexter Cardenas head ng QC Traffic and Transport Management Department, nakalatag na ang lahat ng paghahanda para sa mga lugar na inaasahang ang Batasan area at Commonwealth area na kadalasang pinagdarausan ng mga pagtitipon ng ibat ibang grupo kapag may SONA.

Tuloy naman aniya ang libreng sakay.

Samantala sa Maynila, inihayag din ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na suspendido ang face-to-face at online class sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan. Saklaw ng suspensiyon ang kinder hanggang senior high school, gayundin ang mga kolehiyo at unibersidad, sa parehong pampubliko at pribadong paaralan.

Samantala, ipatutupad ang liquor ban mula alas-12:01 madaling araw hanggang alas-6 ng gabi upang matiyak ang seguridad at kapayapaan sa paligid ng Batasang Pambansa. Inaasahan ang pagdaraos ng iba’t ibang kilos-protesta sa Quezon City, kabilang ang mga pro at anti-Marcos rally.

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magpapatupad sila ng maximum tolerance sa mga demonstrador.

Talumpati sa ika-5 SONA, personal na sinusulat ni PBBM- Malakanyang

Posted on: July 25th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MISMONG si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagsusulat ng magiging laman ng talumpati nito sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) sa darating na Lunes, Hulyo 27, 2026.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inaasahang matatapos sa Linggo, Hulyo 26 ang sinusulat ng SONA message ng Pangulo.

Aniya, ang tanging alam niya na magiging laman ng talumpati ng Pangulo sa Lunes ay tungkol sa kanyang mga priorities subalit kung pag- uusapan ay ang kabuuan ng nilalaman ng SONA ng Pangulo ay wala aniya pa silang ideya ukol dito.

Winika pa ni Castro na sa oras na makita na ang komposisyon ng SONA ay madetermina na nila kung gaano ito magiging kahaba at ano ang pagkakaiba ng nilalaman nito sa nakaraang SONA ng Punong Ehekutibo

Sinabi ni Castro na ang sigurado lamang aniya ay hindi mawawala ang mga accomplishment para sa gagawing pag uulat sa bayan ng Pangulo. (DARIS JOSE)

Trending at pinag-uusapan ngayon sa social media…KRIS, may pa-teaser sa matagal nang hinihintay na pagbabalik (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TRENDING ngayon sa social media at pinag-uusapan ng netizens kung true ba ang nalalapit na pagbabalik ng Queen of All Media na si Kris Aquino sa telebisyon?

Matapos ngang ibahagi ni RB Chanco, ang longtime make-up artist and friend ni Kris ng isang Instagram story na kung saan makikita ang production set up ng mga camera.

“The Real Queen we’ve all been waiting for. Coming soon,” caption ni RB.Mas na-excite ang netizens dahil may “K” sa dulo ng post ni RB.  Kaya malamang may kinalaman ito na ang matagal nang hinihintay na pagbabalik ni Kris.

Isang netizen rin ang nag-post tungkol sa tila pahapyaw sa pagbabalik ng Queen of All Media.

“Photo from Ms. Kris‘s longtime makeup artist RB Chanco. After everything Ms. Kris has been through with her health, seeing this behind the scenes photo is truly heartwarming. 

“Base sa caption ni RB with the letter ’K’ at sa production setup, mukhang malapit na talaga ang kanyang comeback. 

“Praying that she continues to get stronger every day. We can’t wait to see you back on our screens Ms. Kris,” sey ng naturang netizen.

Sana raw talk show o kaya podcast. O baka naman puwedeng I-revive ang “Kris TV”. 

May ilan naman nagkomento na sakaling magbabalik na si Kris, ingatan pa rin ang kalusugan nito para tuloy-tuloy na ang pagtatrabaho. 

Lumabas na noon na tila type na ni Kris na magbalik-TV, kaya naman may hinahanda nang show ang ABS-CBN.

At ngayong bumubuti nga ang kanyang kalagayan mula sa sangkaterbang sakit, pupuwede na talaga tayong umasa na sa mga darating na buwan ay baka tuluyan nang makabalik ng nag-iisang Kris Aquino.Ipagdasal natin ‘yan!   

Nakakapanghinayang dahil napakahusay na aktor…BARON, hinihikayat ng asawa na humanap ng sponsor para sa pagpapa-rehab (ni: REY PINEDA) 

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINUKING ni Jamie Evangelista, asawa ng magaling na aktor na si Baron Geisler na tila muli itong nagbabalik sa dati niyang bisyo.

Nagsimula ang isyu, ng mag-upload itong si Jamie sa kanyang Instagram account, na hinihikayat ang aktor na humanap ng sponsor para sa kanyang drug rehabilitation.     Sa kasalukuyan, burado na ang nasabing account. Dahil naisapubliko na, hindi maiiwasang pag-usapan ito. 

Nangangahulugan lang na hindi pa rin naaalis ang bisyo ni Baron, hanggang ngayon.     Diyos ko naman! Ilang beses na ba siyang napabalitang dinala siya sa rehabilitation facility.

Dagdag pa sa post ni Jamie, para raw mabigyang solusyon at mahanap ang root cause ng mga problema ni Baron.  Hindi na nadala si Baron sa kanyang mga pinagdaanan.  

Nakakapanghinayang lang kasi, dahil kahit sino ang tanungin mo sa showbiz kung sino ang mga magagaling umarte, isa si Baron sa mga mababanggit.  

Yun lang sana, malaking bagay yon na dapat alagaan ni Baron. 

Dahil din nga sa husay niya sa pag-arte kung kaya’t kahit papano di siya nawawalan ng proyekto.     

Madalas kasi siyang nasasangkot sa kung anu-anong isyu. Pati mga katrabaho niya nadadamay na yata.     

Ang tanong hanggang kailan magiging pasaway si Baron?At hanggang kailan siya makakayanang pagbigyan ng kanyang mga katrabaho?     

Sana lang hindi maging huli ang lahat. Dahil ang pagsisisi palaging nasa huli.     Sayang si Baron.  Kapag ‘di siya nagbago baka tumanda siyang walang pera at nag-iisa.

Sa naging panayam ni Charo ng Maddox Jewelry…LOTLOT, binalikan ang masakit na pangyayari nang ma-scam sa negosyo (ni: ROHN ROMULO) 

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI lang pagpapagawa ng kanyang mamahaling diamond ring ang naging dahilan ng pagbisita ni Lotlot De Leon sa Maddox Jewelry. 

Nauwi rin ang kanilang kuwentuhan ni Charo Cordial sa mga personal na karanasan ng aktres—mula sa pagiging anak ng Superstar na si Nora Aunor, mga negosyo niyang nalugi, hanggang sa kanyang buhay bilang ina ng apat na anak. 

Isa sa mga ipinagawa ni Lotlot ay ang kanyang eternity ring na natanggalan ng isang malaking diamond stone.

Ayon kay Charo, mahalagang regular na ipinapatingin ang mga alahas, lalo na ang mga may malalaking bato, upang matiyak na hindi lumuluwag ang mga prongs na humahawak dito.

Habang pinag-uusapan ang halaga ng mga alahas, napag-usapan din kung paano tumataas ang value ng natural diamonds sa paglipas ng panahon.

Ayon kay Charo, may mga alahas na nabili noon sa halagang daan-daang libong piso na umaabot na ngayon sa milyong halaga, dahilan kung bakit itinuturing din itong isang magandang investment. 

Ngunit naging emosyonal ang usapan nang ikuwento ni Lotlot ang isa sa pinakamalaking scam na naranasan niya sa negosyo.

Aniya, may negosyong bangus sila noon ng kanyang mga kaibigan nang makatanggap sila ng malaking order na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P80,000.

Dahil manager’s check ang ipinambayad at isang kilalang courier ang kumuha ng produkto, kampante silang ibinigay ang kanilang paninda.

Ngunit nang ideposito nila ang tseke sa bangko, doon nila nalaman na peke pala ito.

“Akala namin may pang-Pasko na kami. Pagdating sa bangko, fake pala ang manager’s check,” kuwento ni Lotlot.

Aminado siyang masakit ang naging karanasan dahil bukod sa nawala ang kanilang produkto, kinailangan pa nilang sagutin ang lahat ng naging gastos sa negosyo.

Dahil dito, sinabi niyang naging mas maingat na siya sa pagtanggap ng mga transaksiyon.

Napunta rin ang usapan sa pagiging anak nina Nora Aunor at Christopher De Leon.

Ayon kay Lotlot, lumaki siyang sanay na artista ang kanyang mga magulang kaya hindi niya ito itinuring na kakaibang bagay.

“Para sa akin, trabaho lang nila ‘yon. Hindi naman ako tinrato nang iba sa school dahil anak nila ako,” aniya. 

Ikinuwento rin ng aktres ang kanyang apat na anak at kung paano niya pinagsasabay ang trabaho, pamilya, at mga bagay na kanyang kinahihiligan gaya ng pagluluto.

Sa kabila ng iba’t ibang pagsubok na kanyang pinagdaanan, sinabi ni Lotlot na mas pinahahalagahan niya ngayon ang mga simpleng bagay sa buhay at ang mga aral na kanyang natutunan sa bawat karanasan.

Marami pang naging makukulay na kuwentuhan at personal na rebelasyon si Lotlot De Leon sa kanyang pagbisita sa Maddox Jewelry.

Para sa iba pang updates, maaaring sundan ang official Facebook, TikTok, at YouTube pages ng Maddox Jewelry.

Alex Eala, opisyal nang kasali sa main draw ng US Open 2026

Posted on: July 24th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

OPISYAL nang kasali ang Filipino tennis star na si Alex Eala sa main draw ng US Open kung saan ang kanyang ikalawang pagsali sa pangunahing torneo ng nasabing Grand Slam event.

Kasama ang pangalan ni Eala sa official entry list ng US Open na gaganapin mula Agosto 30 hanggang Setyembre 13, bilang bahagi ng kanyang ikaapat at huling Grand Slam main draw appearance ngayong season.

Ang 19-anyos na tennis standout, na kasalukuyang nasa No. 29 ranking ng Women’s Tennis Association (WTA), ay umaasang maipagpapatuloy ang kanyang magandang kampanya sa mga Grand Slam matapos ang matagumpay niyang laban sa Wimbledon.

Sa Wimbledon, umabot si Eala sa Round of 16 matapos talunin ang defending champion na si Iga Swiatek na maituturing bilang isang malaking tagumpay sa kanyang karera.