• July 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 21st, 2026

Ads July 21, 2026

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Pagtawag ng Tsina na unggoy sa mga Pinoy, hindi nagustuhan ni PBBM- Malakanyang

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI tanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ng sambayanang Filipino ang AI-generated video ng Chinese state media outlet na China Daily na naglalarawan sa mga Filipino bilang mga unggoy.

“Lahat ng Pilipino, hindi na natin kailangang makita kung anong reaksiyon ng Pangulo dahil kahit sinuman sa Pilipino, hindi magiging maganda ang pagtanggap, hindi matatanggap iyong ganoong paglalarawan sa mga Pilipino na bilang unggoy,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Siguro mayroon lang tayong ilang opisyal na tanggap na sila’y unggoy pero ang Pangulo ay hindi,” diing pahayag ni Castro. Hindi naman nito pinangalanan kung sino ang mga opisyal na kanyang tinukoy na ang paglalarawan sa mga Filipino ay unggoy.

Nauna rito, tinawag naman ng of Foreign Affairs (DFA) ang video na “racist,” “mapanlait” at “dehumanizing.”

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na napanood na ni Pangulong Marcos ang AI-generated video ng China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy.

“Opo, napanood niya po ‘to at nag-report naman din po ang… si Secretary Tess Lazaro, si Secretary Gibo Teodoro at nakita na po natin kung ano pong mensahe ng mga ahensiya at ito po ay sinusuportahan po ng Pangulo,” aniya pa rin.

Samantala, sa panawagan naman ni Senator Risa Hontiveros sa Malakanyang na ipatawag si Ambassador to the Philippines Jing Quan para sa bagay na ito.

“Ah, ang ano po natin ay gumagawa na rin po ng aksiyon, si Secretary Tess Lazaro patungkol po diyan. Kung ano po ang balak ng Senado, nasa kanila po ‘yan at mandato rin naman po nila na alamin ang mga pangyayaring ito at para maipakita rin sa ating mga kababayan na kinukondena natin ang anumang pagmamaliit sa mga kapwa nating Pilipino,” ang tinuran ni Castro.

At nang tanungin si Castro kung may balak ba ang Pangulo na ipatawag ang Chinese Ambassador, ang naging tugon ni Castro ay “Si Secretary Tess Lazaro na po ‘yan.” ( DARIS JOSE)

Pulis Opisyal, Ginawaran ng Karangalan Dahil sa Katapatan at Natatanging Serbisyo

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MALABON CITY — Sa kabila ng mga hamon sa pagpapatupad ng batas, pinatunayan ni Police Captain Marcelo Bombita-Agarin na ang tunay na kapangyarihan ng isang pulis ay nagmumula sa integridad at tapat na

paglilingkod. Taliwas sa iba, hinding-hindi pinanaig ni PCapt. Agarin ang pang-aabuso sa tungkulin. Sa halip, nanatili siyang isang huwarang alagad ng batas sa pamamagitan ng maayos na pakikisalamuha sa publiko at epektibong pamamalakad sa kanyang Area of Responsibility (AOR).

Dahil dito, nananatiling tahimik, ligtas, at payapa ang nasasakupan ng Police Sub-Station 6 (Tañong) sa Malabon City sa ilalim ng kanyang pamumuno.Bago ang kanyang pagkakatalaga sa Metro Manila, si PCapt. Agarin ay isang biterano ng Special Action Force (SAF) na nadestino sa iba’t ibang mapanghamong lugar sa Mindanao sa loob ng limang taon at kalahati. 

Nagsilbi siya bilang Platoon Leader sa Parang, Maguindanao at Tawi-Tawi, at naging Company Commander din ng 1402nd Company sa Jolo, Sulu. Matapos nito, itinalaga naman siya bilang Chief of Police sa Looc, Sulu.Noong Oktubre 16, 2025, opisyal siyang nagbalik sa National Capital Region Police Office (NCRPO). Agad siyang nagsilbi bilang Chief ng Operation Section mula Disyembre hanggang Marso bago tuluyang humawak ng sariling sub-station.

Bilang pagkilala sa kanyang natatanging kontribusyon sa seguridad ng Malabon, ginawaran kamakailan si PCapt. Agarin ng tatlong plake ng pagkilala (Recognition at Commendation) sa ilalim ng Tañong Police Sub-Station 6. Ang mga parangal na ito ay patunay ng kanyang tapang at dedikasyon sa matagumpay na pag-aresto sa isang mapanganib na suspek na nahulihan ng iligal na armas. 

Ang kanyang kuwento ay isang patunay na may mga pulis pa ring handang magsakripisyo para sa kapayapaan ng komunidad nang may tapang at dangal.

(Sonny Asignacion)

Testimonya ng NBI chief, magsisilbing ‘finale’ ng Article IV presentation

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG ng House prosecution na ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang inaasahang magsisilbing ‘finale’ ng kanilang presentasyon sa 4th article of impeachment kaugnay sa pagbabanta umano ni Vice President Sara Duterte kina President Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“So ito po ‘yung magiging finale nitong Article IV, ang presentasyon ng House prosecution panel kay Director Matibag at ang pagbibigay po niya ng information, facts surrounding this preliminary investigation conducted by the NBI,” pahayag ni Adiong sa isang press briefing.

Sinabi naman ni Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., legal spokesperson at counsel para sa House prosecutors, na ang testimonya ni Matibag ay hindi lamang magpapatunay sa testimonya ng dalawang unang saksi, NBI Special Agent John Mark Calilung at Regional Director Jeremy Lotoc, kundi magbibigay ng bagong impormasyon sa impeachment court.

“What I can tell you is that aside from corroborating the testimony given by our two witnesses, he will be giving new important information,” ani Tolosa. 

“And I can also assure you that you wouldn’t want to miss his testimony tomorrow.”

Naiprisinta ng prosekusyon si Calilung, kaugnay sa digital evidence mula sa Nov. 23, 2024 press conference ni Duterte at ni Lotoc, na tumestigao sa ginawang imbestigasyon ng NBI at rekomendasyon nang paghahain ng criminal charges laban sa VP.

(VINA de GUZMAN)

“Walang maiiwan sa pag-unlad ”-House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ITO ang naging pahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na pinatitibay ang pangako ng House of Representatives na magbalangkas ng mga batas na nagbibigay oportunidad sa bawat Pilipino at pagtibayin ang lokal na komunidad. 

“As Congress resumes its work, we carry with us a simple commitment: No province should be left behind. No community should be overlooked. And every Filipino—especially our kababayan in Mindanao—deserves the opportunity to succeed,” sinabi ni Dy sa isang mensahe sa pagdiriwang ng 60th Foundation Anniversary ng South Cotabato at 27th T’nalak Festival nitong Sabado.

Inihalintulad ni Dy ang makulay na T’nalak Festival sa sama-samang pagsisikap ng mga Pilipino upang mapagbuklod ang komunidad kahit magkakaiba ang kultura at tradisyon.

“Every great community is woven together by people who choose unity over division; who choose service over self-interest; and who believe that our diversity is our greatest strength. Progress is never woven by one person. It is woven by an entire community. At ang paghahabi ng kinabukasang iyon ay hindi natatapos sa isang pagdiriwang,” sinabi ni Dy sa kanyang mensahe na binasa ni Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez.

Inihayag ni Dy ang ilan sa mga naipasa na panukala na sinusuportahan ang mga hakbang sa ikabubuti ng edukasyon at nutrisyon bago nagsara ang First Regular Session ng 20th Congress, kabilang ang expansion ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Program, pagpapatibay ng Last Mile Schools Program, at ang panukalang National Nutrition Program para mapalawig ang school-based feeding at iba pang nutrition interventions sa mga bata.

“Laws matter. But what matters even more is whether people actually feel the difference. Because the true measure of every law is not what is written on paper—it is what changes in people’s lives,” sinabi ni Dy. 

Sa nakatakdang pagbubukas ng Second Regular Session ng Kamara sa July 27, sinabi ni Dy na naka-focus ang mga mambabatas sa pagbabalangkas ng mga batas na tutugon sa pangangailan ng mamamayan.

 “Patuloy naming pakikinggan ang tinig ng ating mga lokal na pamahalaan at ng ating mga mamamayan upang matiyak na ang bawat batas na aming ipinapasa ay tumutugon sa tunay ninyong pangangailangan at sa mga hamong kinakaharap ng inyong mga komunidad,” sinabi ni Dy. (VINA de GUZMAN)

AUSSIE NATIONAL, ARESTADO NG BI

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 57-anyos na Australian national na may umiiral na deportation order sa Bacolod City.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhan na si Bradley Vincent Gould, na inaresto ng mga operatiba ng BI Regional Intelligence Operations Unit–Region VI sa Barangay Sum-ag, Bacolod City. Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), Naval Forces Central, at Philippine Air Force (PAF).

Ayon sa mga awtoridad, si Gould ay may umiiral nang warrant of deportation na inilabas ng Bureau of Immigration matapos siyang ireklamo dahil sa umano’y pangha-harass at psychological abuse. Natunton siya sa pamamagitan ng intelligence monitoring at inaresto matapos makumpirma ng mga operatiba ng BI ang kanyang pagkakakilanlan.

Isinailalim sa kustodiya ng Bureau of Immigration Warden Facility sa Muntinlupa City, kung saan siya mananatili habang hinihintay ang kanyang deportasyon. 

(Gene Adsuara)

Fogging operation kontra dengue sa mga paaralan sa Caloocan, pinaigting

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KONTRA DENGUE! Para maprotektahan ang mga batang mag-aaral sa banta ng dengue, ipinag-utos ni Mayor Along Malapitan sa Caloocan City Environmental Management Department ng fogging operations sa iba’t ibang paaralan sa lungsod. Muli rin siyang nagpapaalala sa lahat na makiisa sa pag-iwas sa nasabing sakit sa pamamagitan ng paglilinis ng mga kapaligiran, lalo na ng mga nakaimbak na tubig na maaaring pamugaran ng lamok. (Richard Mesa)

P542K kagamitan at huling isda, nasabat ng Maritime Police sa limang naarestong mangingisda 

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT P540K halaga ng kagamitan at huling isda ang nasamsam sa limang mangingisda matapos maaktuhan ng mga operatiba ng Northern NCR Maritime Police Station na iligal na nangingisda sa katubigan na sakop ng Manila Bay sa isinagawang seaborne patrol operation.

Pasado alas-10:10 ng umaga ng Hulyo 16, 2026, nagsasagawa ng regular na seaborne patrol ang mga tauhan ng Northern NCR MARPSTA na nakatalaga sa MLET Baseco nang mamataan nila ang puting bangkang pangisda na may pangalang FBca ” ROCHELLE ” na iligal umanong nangingisda sa katubigan ng Manila Bay, humigit-kumulang 5.79 kilometro mula sa dalampasigan ng Baseco Beach Port Area, Maynila.

Nagpakilala ang mga operatiba bilang mga miyembro ng PNP Maritime Group at humingi ng pahintulot na makasakay sa bangka, na kusang-loob namang ipinagkaloob ng kapitan bago isinailalim sa beripikasyon ang kanilang mga dokumento at permit sa pangingisda.

Dito, napag-alaman na ang nasabing bangka ay isang small-scale fishing vessel, na ipinagbabawal na mangisda sa loob ng municipal waters ng Lungsod ng Maynila. Bukod dito, napatunayang gumagamit ito ng active fishing gear o trawl, na mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa umiiral na batas sa pangisdaan.

Dahil dito, inaresto ang mga sakay ng bangka na sina alyas Mario, alyas Rogelio at tatlo pang tripulante dahil sa paglabag sa Section 86 (Unauthorized Fishing) at Section 95 (Use of Active Gear in Municipal Waters, Bays and Other Fishery Management Areas) ng R.A 10654 bago ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.

Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang nasabing bangka na nagkakahalaga ng ₱500,000, isang FUSO marine engine na nasa ₱20,000 ang halaga, 30 metrong trawl fishing net na nasa ₱20,000 ang halaga at 40 kilong alamang na may kabuuang halagang ₱2,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Northern NCR MARPSTA ang mga inaresto at mga nakumpiskang kagamitan habang inihahanda ang kaukulang dokumentasyon bago ito i-endorso sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Capital Region (BFAR-NCR) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon sa PNP Maritime Group, patuloy nilang pinapaigting ang pagpapatupad ng batas sa karagatan upang labanan ang iligal na pangingisda, pangalagaan ang yamang-dagat ng bansa, at tiyakin ang napapanatiling paggamit ng mga katubigan para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. 

(Richard Mesa)

₱31.95-M AYUDA, IPINAMAHAGI NG NHA SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG ODETTE SA CEBU

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben A. Tai, ng kabuuang ₱31.95-M halaga ng tulong pinansyal sa 3,195 pamilya na mga biktima ng bagyong Odette sa Cebu, dalawang seremonya na ginanap sa mga lungsod ng Talisay at Danao.

Ayon sa mensahe ni GM Tai, hangad ng cash aid mula sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) na mapagaan nito ang mga mga naging gastos sa pagsasaayos ng mga nasirang tahanan ng mga pamilya.   

“Sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., makakaasa po kayo na patuloy ang pagsisikap ng NHA na magpaabot ng tulong pinansyal sa bawat pamilyang naapektuhan ng sakuna at kalamidad upang magkaroon ang bawat isa ng ligtas at komportableng pamumuhay, maging ang pagkakataon na makabangon at makapagsimulang muli,” pahayag ni GM Tai. 

Ayon naman kina NHA Region VII Manager Engr. Hermes Jude G. Juntillo at Cebu District Officer-in-Charge Engr. Dante U. Estrobo, tumanggap ang bawat pamilya-benepisyaryo ng ₱10,000 sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya.

Sa kabuuang bilang ng mga pamilyang nakatanggap ng ayuda, 1,519 ang mula sa Talisay City habang 1,547 ang mula sa Danao City at 129 naman ang mula sa Carmen.

Sa pamamagitan ng EHAP, pinalawak ng NHA ang mga serbisyong pabahay nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga biktima ng kalamidad, upang matulungan silang muling maitayo ang kanilang mga tahanan. Bukod sa bagyo, saklaw rin ng EHAP ang iba pang natural at man-made na mga sakuna tulad ng lindol, sunog, at pagbaha.

Samantala, dumalo rin sina Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas Jr. na kinatawan ni Brgy. Tabunok Captain Benjie Cabigas, Danao City Mayor Ramon D. Durano III, Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas Jr., at Municipality of Carmen Mayor Carlo T. Villamor upang ipakita ang kanilang suporta sa programa ng ahensya. (PAUL JOHN REYES)

SWS: Trust ni Pangulong Marcos, bumagsak sa 34%

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUMAGSAK sa 34% ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang nanatiling matatag sa 57% ang kay Bise Presidente Sara Duterte.

Sa pinakahuling survey na kinomisyon ng Stratbase Group at isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong ikalawang kwarter ng 2026, lumitaw na 34% lamang ng mga Pilipino ang nagsabing may “much trust” o malaking tiwala kay Marcos. Samantala, 45% ang may “little trust” at 19% ang “undecided.”

Ayon sa SWS, “The latest figures continue a downward trend from the President’s 64 percent trust rating in July 2024. Trust steadily declined throughout 2025, briefly recovering to 48 percent in June 2025 before falling again over the succeeding months to 34 percent in the latest survey.”

Sa kaparehong survey, 57% ng mga Pilipino ang nagsabing may “much trust” kay VP Duterte, hindi nagbago mula Marso 2026. Ngunit tumaas ng limang puntos ang may “little trust” sa kanya, mula 22% tungong 27%, habang 15% ang “undecided.”

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents, isang linggo bago ang ika-5 SONA ni Marcos sa Hulyo 27, 2026.

Ayon kay Stratbase Institute President Victor Andres “Dindo” Manhit, ang resulta ng naturang survey ay dapat magsilbing “wake-up call” para sa administrasyong Marcos.