• October 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 21st, 2026

P542K kagamitan at huling isda, nasabat ng Maritime Police sa limang naarestong mangingisda 

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAHIGIT P540K halaga ng kagamitan at huling isda ang nasamsam sa limang mangingisda matapos maaktuhan ng mga operatiba ng Northern NCR Maritime Police Station na iligal na nangingisda sa katubigan na sakop ng Manila Bay sa isinagawang seaborne patrol operation.

Pasado alas-10:10 ng umaga ng Hulyo 16, 2026, nagsasagawa ng regular na seaborne patrol ang mga tauhan ng Northern NCR MARPSTA na nakatalaga sa MLET Baseco nang mamataan nila ang puting bangkang pangisda na may pangalang FBca ” ROCHELLE ” na iligal umanong nangingisda sa katubigan ng Manila Bay, humigit-kumulang 5.79 kilometro mula sa dalampasigan ng Baseco Beach Port Area, Maynila.

Nagpakilala ang mga operatiba bilang mga miyembro ng PNP Maritime Group at humingi ng pahintulot na makasakay sa bangka, na kusang-loob namang ipinagkaloob ng kapitan bago isinailalim sa beripikasyon ang kanilang mga dokumento at permit sa pangingisda.

Dito, napag-alaman na ang nasabing bangka ay isang small-scale fishing vessel, na ipinagbabawal na mangisda sa loob ng municipal waters ng Lungsod ng Maynila. Bukod dito, napatunayang gumagamit ito ng active fishing gear o trawl, na mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa umiiral na batas sa pangisdaan.

Dahil dito, inaresto ang mga sakay ng bangka na sina alyas Mario, alyas Rogelio at tatlo pang tripulante dahil sa paglabag sa Section 86 (Unauthorized Fishing) at Section 95 (Use of Active Gear in Municipal Waters, Bays and Other Fishery Management Areas) ng R.A 10654 bago ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon.

Kabilang sa mga nakumpiskang ebidensya ang nasabing bangka na nagkakahalaga ng ₱500,000, isang FUSO marine engine na nasa ₱20,000 ang halaga, 30 metrong trawl fishing net na nasa ₱20,000 ang halaga at 40 kilong alamang na may kabuuang halagang ₱2,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Northern NCR MARPSTA ang mga inaresto at mga nakumpiskang kagamitan habang inihahanda ang kaukulang dokumentasyon bago ito i-endorso sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Capital Region (BFAR-NCR) para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Ayon sa PNP Maritime Group, patuloy nilang pinapaigting ang pagpapatupad ng batas sa karagatan upang labanan ang iligal na pangingisda, pangalagaan ang yamang-dagat ng bansa, at tiyakin ang napapanatiling paggamit ng mga katubigan para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at ng mga susunod na henerasyon. 

(Richard Mesa)

₱31.95-M AYUDA, IPINAMAHAGI NG NHA SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG ODETTE SA CEBU

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben A. Tai, ng kabuuang ₱31.95-M halaga ng tulong pinansyal sa 3,195 pamilya na mga biktima ng bagyong Odette sa Cebu, dalawang seremonya na ginanap sa mga lungsod ng Talisay at Danao.

Ayon sa mensahe ni GM Tai, hangad ng cash aid mula sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) na mapagaan nito ang mga mga naging gastos sa pagsasaayos ng mga nasirang tahanan ng mga pamilya.   

“Sa direktiba ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., makakaasa po kayo na patuloy ang pagsisikap ng NHA na magpaabot ng tulong pinansyal sa bawat pamilyang naapektuhan ng sakuna at kalamidad upang magkaroon ang bawat isa ng ligtas at komportableng pamumuhay, maging ang pagkakataon na makabangon at makapagsimulang muli,” pahayag ni GM Tai. 

Ayon naman kina NHA Region VII Manager Engr. Hermes Jude G. Juntillo at Cebu District Officer-in-Charge Engr. Dante U. Estrobo, tumanggap ang bawat pamilya-benepisyaryo ng ₱10,000 sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya.

Sa kabuuang bilang ng mga pamilyang nakatanggap ng ayuda, 1,519 ang mula sa Talisay City habang 1,547 ang mula sa Danao City at 129 naman ang mula sa Carmen.

Sa pamamagitan ng EHAP, pinalawak ng NHA ang mga serbisyong pabahay nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal para sa mga biktima ng kalamidad, upang matulungan silang muling maitayo ang kanilang mga tahanan. Bukod sa bagyo, saklaw rin ng EHAP ang iba pang natural at man-made na mga sakuna tulad ng lindol, sunog, at pagbaha.

Samantala, dumalo rin sina Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas Jr. na kinatawan ni Brgy. Tabunok Captain Benjie Cabigas, Danao City Mayor Ramon D. Durano III, Talisay City Mayor Gerald Anthony Gullas Jr., at Municipality of Carmen Mayor Carlo T. Villamor upang ipakita ang kanilang suporta sa programa ng ahensya. (PAUL JOHN REYES)

SWS: Trust ni Pangulong Marcos, bumagsak sa 34%

Posted on: July 21st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BUMAGSAK sa 34% ang trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang nanatiling matatag sa 57% ang kay Bise Presidente Sara Duterte.

Sa pinakahuling survey na kinomisyon ng Stratbase Group at isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong ikalawang kwarter ng 2026, lumitaw na 34% lamang ng mga Pilipino ang nagsabing may “much trust” o malaking tiwala kay Marcos. Samantala, 45% ang may “little trust” at 19% ang “undecided.”

Ayon sa SWS, “The latest figures continue a downward trend from the President’s 64 percent trust rating in July 2024. Trust steadily declined throughout 2025, briefly recovering to 48 percent in June 2025 before falling again over the succeeding months to 34 percent in the latest survey.”

Sa kaparehong survey, 57% ng mga Pilipino ang nagsabing may “much trust” kay VP Duterte, hindi nagbago mula Marso 2026. Ngunit tumaas ng limang puntos ang may “little trust” sa kanya, mula 22% tungong 27%, habang 15% ang “undecided.”

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents, isang linggo bago ang ika-5 SONA ni Marcos sa Hulyo 27, 2026.

Ayon kay Stratbase Institute President Victor Andres “Dindo” Manhit, ang resulta ng naturang survey ay dapat magsilbing “wake-up call” para sa administrasyong Marcos.