• July 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

AUSSIE NATIONAL, ARESTADO NG BI

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 57-anyos na Australian national na may umiiral na deportation order sa Bacolod City.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhan na si Bradley Vincent Gould, na inaresto ng mga operatiba ng BI Regional Intelligence Operations Unit–Region VI sa Barangay Sum-ag, Bacolod City. Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), Naval Forces Central, at Philippine Air Force (PAF).

Ayon sa mga awtoridad, si Gould ay may umiiral nang warrant of deportation na inilabas ng Bureau of Immigration matapos siyang ireklamo dahil sa umano’y pangha-harass at psychological abuse. Natunton siya sa pamamagitan ng intelligence monitoring at inaresto matapos makumpirma ng mga operatiba ng BI ang kanyang pagkakakilanlan.

Isinailalim sa kustodiya ng Bureau of Immigration Warden Facility sa Muntinlupa City, kung saan siya mananatili habang hinihintay ang kanyang deportasyon. 

(Gene Adsuara)