• October 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 20th, 2026

Plantsado na ang lahat…20K pulis ikakalat sa SONA ni PBBM

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ISANG linggo bago ang ika-5 o 2026 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na plantsado na ang kanilang pag­hahanda kabilang ang pagtatalaga ng mahigit 20,000 pulis sa Hulyo 27 sa Quezon City.

Sinabi ni NCRPO spokesperson PMaj Hazel Asilo, 100 porsyento nang handa ang nasa 20, 229 na pulis upang siguraduhin na magi­ging maayos at payapa ang SONA sa kabila ng inaasahang libu-libong katao, kabilang ang iba’t ibang cause-oriented groups.

Hindi bababa sa apat na grupo ang inaasahang magsasagawa ng demonstrasyon, batay sa grupong humingi ng permit sa Quezon City local government unit para sa rally sa paligid ng Kongreso bagamat hindi pa sila inisyuhan ng permit. Makikipagpulong din ang NCRPO sa mga grupo ng raliyista na planong magsagawa ng rally upang matukoy kung saan sila dapat na nakapuwesto. Nasa heightened alert status na ang NCRPO na nangangahulugan na suspendido pansamantala ang lahat ng leave at day-off ng mga pulis.

Pinaalalahanan naman ni PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr. ang lahat ng pulis na pairalin ang maximum tolereance at propes­yonalismo sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Ang SONA ay isinasagawa taun-taon tuwing huling Lunes ng Hulyo, kung saan inihaharap ng Pangulo ang kalagayan ng bansa, mga nagawa ng administrasyon, at mga prayo­ridad na panukalang nais nitong maisabatas. ( DARIS JOSE)

P60 price cap sa booking fees ng app-based taxis

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGTAKDA ng price cap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa booking o platform fees ng mga passenger taxis sa buong bansa, partikular sa Metro Manila.Ayon kay LTFRB chairman Vigor Mendoza, inaprubahan na ang Me­morandum Circular (MC) 2026-055 na magsisilbing gabay para sa mga taxi operators na gumagamit ng digital o online platforms.

Batay sa MC, pinapayagan ang mga taxi units na maningil ng hanggang 20% ng total approved rate o P60 kung alin man ang mas mababa.

“No additional booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge, or similarly denominated charge beyond the foregoing authorized amount shall be imposed or collected without prior approval from the Board,” nakasaad sa MC.

Binigyang-diin ng LTFRB na layunin ng hakbang na gawing iisa ang computation, disclosure, at collection ng booking fees upang matiyak ang transparency, maprotektahan ang riding public, at mapanatili ang patas at reasonable na singil sa transportasyon.

Dagdag pa sa MC, anumang operator, platform provider, o driver na lalabag sa probisyon ay maaaring patawan ng kaukulang administrative sanctions gaya ng multa, suspensyon, kanselasyon ng prangkisa o accreditation, at iba pang parusa alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon. (Daris Jose)

NEWS 5

BOC nagbabala vs ‘love scams’

NAGBABALA ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa “online lover parcel scam,” kung saan hinihingan ng bayad ang mga biktima para umano sa pagpapalabas ng regalong ipinadala ng mga nakilala lamang sa social media o online.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, walang opisyal o kawani ng BOC ang awtorisadong tumanggap ng bayad sa pamamagitan ng personal bank accounts, e-wallets, o money remittance services.

Hinimok ng BOC ang publiko na huwag basta magtiwala sa mga mensahe, tawag, o email mula sa mga nagpapakilalang taga-Customs at agad na beripikahin ang mga ito sa mga opisyal na tanggapan ng ahensiya.

Karaniwang nagsisimula ang modus sa pakikipagkilala sa social media o online dating platforms, kung saan nagpapadala umano ng regalo ang scammer bago hihingan ng bayad ang biktima upang mailabas ang umano’y parcel na naka-hold sa Customs.

Nagpaalala ang BOC na gumagamit ang mga scammer ng pekeng dokumento, tracking records, at fake websites upang magmukhang lehitimo ang panloloko, kaya’t pinayuhan ang publiko na ­maging mapanuri at huwag agad magpadala ng pera. 

( GENE ADSUARA)

LTFRB, NAGPATUPAD NG LIMITASYON SA BOOKING, PLATFORM FEES NG MGA TAXI NA GUMAGAMIT NG APP-BASED BOOKING SERVICES

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BILANG tugon sa lumalawak na paggamit ng digital platforms sa pampublikong transportasyon, nagpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng limitasyon sa maaaring singiling booking o platform fee ng mga taxi na gumagamit ng online o app-based booking services.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, bumuo ang Board ng Memorandum Circular (MC) No. 2026-055 bilang gabay sa mga taxi operator at digital booking platform providers. Inaprubahan na ang naturang circular at magkakabisa ito matapos mailathala sa isang pahayagang may pangkalahatang sirkulasyon.

Sa ilalim ng MC No. 2026-055, ang booking o platform fee ay hindi maaaring lumampas sa 20% ng kabuuang aprubadong pasahe o ₱60, alinman ang mas mababa.

Nilinaw ni Chairman Mendoza na ipatutupad ang itinakdang booking o platform fee sa lahat ng taxi na gumagamit ng online transport platforms. Inatasan din ang mga operator na malinaw na ipakita ang booking o platform fee sa fare computation, booking confirmation, at electronic receipt. Hindi rin maaaring maningil ng karagdagang booking fee, convenience fee, service fee, platform surcharge, o iba pang kahalintulad na bayarin nang walang paunang pag-apruba ng LTFRB.

Binuo ang MC matapos makatanggap ang LTFRB ng mga reklamo at katanungan hinggil sa iba’t ibang booking fees na sinisingil ng ilang taxi operator. Sa pagrepaso ng Board, napag-alamang ang tanging umiiral na kaugnay na polisiya ay ang MC No. 2025-058 para sa TNVS, na nagtatakda ng fixed pick-up fare.

Ayon sa LTFRB, ang kawalan ng malinaw na patakaran sa booking fees ng mga taxi ay nagdulot ng hindi pare-pareho at hindi awtorisadong paniningil, na nagiging sanhi ng kalituhan sa mga pasahero at hindi transparent na sistema ng pamasahe. Layunin ng MC No. 2026-055 na magtakda ng malinaw at pare-parehong panuntunan upang maprotektahan ang riding public at matiyak ang makatarungan at makatwirang singil sa transportasyon.

Saklaw ng naturang patakaran ang lahat ng taxi operators at taxi units na gumagamit ng digital o app-based platforms. 

Kabilang sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng MC No. 2026-055 ang:

* Paniningil ng hindi awtorisadong booking fee, platform fee, convenience fee, o iba pang kahalintulad na bayarin;

* Pagtatago o maling paglalahad ng mga singil sa pasahero;

* Dobleng paniningil o magkakapatong na booking-related charges;

* Paniningil ng bayaring wala sa aprubadong fare structure o electronic receipt; at

* Pagpapataw ng arbitraryo o dynamic booking charges nang walang paunang pag-apruba ng LTFRB.

Inaatasan din ang mga operator at platform providers na malinaw na ipakita ang lahat ng bahagi ng pasahe bago kumpirmahin ang booking, isama ang lahat ng awtorisadong singil sa electronic receipt o trip summary, at magpanatili ng talaan ng booking-related charges para sa audit, inspeksiyon, at pagsusumite ng mga ulat na maaaring hingin ng LTFRB.

Babala ng LTFRB, ang sinumang operator, platform provider, o driver na lalabag sa Circular ay maaaring patawan ng administratibong parusa, kabilang ang multa, suspensiyon o kanselasyon ng prangkisa o akreditasyon, at iba pang kaparusahan alinsunod sa umiiral na mga batas, alituntunin, at regulasyon. 

(PAUL JOHN REYES)

Tambay, arestado sa baril sa Caloocan

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KALABOSO ang 36-anyos na tambay nang pumalag sa mga pulis matapos maghasik ng sindak habang armado ng baril sa Caloocan City, Sabado ng umaga.

Hindi na nakapalag si alyas “Gabo” nang posasan ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili matapos masukol sa maikling habulan sa Grace Park West, Barangay 46 pasado alas-6 ng umaga.

Sa ulat, nagresponde sa lugar ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth nang matanggap ang tawag mula sa Unified 911 Hotline hinggil sa pagwawasiwas umano ng baril ng suspek habang pagala-gala at naghahanap ng makakaaway.

Nang sitahin ng mga pulis, pumalag at nagtatakbong palayo si alyas Gabo hanggang masukol sa maikling habulan at makumpiska ang hawak na hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala.

Sinabi ni Col. Goforth na sasampahan nila ng mga kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Alarm and Scandal ang suspek na nakapiit ngayon sa kanilang custodial facility. (Richard Mesa)

Tanod, 3 pa isinelda sa droga sa Valenzuela

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BAGSAK sa selda ang pitong individuals kabilang ang apat na hinihinalang drug personalities nang maaresto ng pulisya sa anti-criminality operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.

Alas-12:40 ng tanghali, nagsasagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 sa San Francisco St., Brgy., Karuhatan nang maaresto nila ang dalawang indibidwal habang nagsusugal umano ng ‘lucky 9’. Nakumpiska sa dalawa ang gamit na baraha, bet money at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Arche’”, 34.

Laglag din sa mga tauhan ng Police Sub-Station 6 ang dalawang lalaki matapos maaktuhan namang nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa C. Santiago St., Brgy. Dalandanan dakong alas-7:00 ng gabi. Nasamsam sa kanila ang P330 bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Aljon”, 34.

Nauna rito, alas-6:10 ng gabi nang mahuli sa akto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 7 ang 59-anyos na barangay watchman na si alyas “Rico” habang sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang unit ng Disiplina Village, sa Blk 10, Brgy., Bignay makaraang inguso sa pulisya ng 45-anyos na house maid.

Nakuha sa kanya ang isang plastic sachet na naglalaman ng suspected shabu, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng shabu at mga drug paraphernalia.

Sa Brgy., Ugong, naaresto ng mga tauhan ng Sub-Station 8 ang dalawang kelot habang nagsusugal din umano ng ‘cara y cruz’ sa Tatalon Street, bandang alas-9:40 ng umaga. Nakuha sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam umano kay alyas “Noel”, 29.

Nanawagan naman si Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa pulisya ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng maagap na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga taong may kahina-hinalang gawain. (Richard Mesa)

NPD, may tinutugis ng mga suspek sa pagpaslang sa vlogger sa Caloocan

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAY hinahanting ng mga suspek ang Northern Police District (NPD) sa nangyaring pamamaslang sa isang babaeng pro-administration vlogger sa Caloocan City.

Gayunman, nakiusap ang NPD na hindi muna sila magbibigay ng detalyadong impormasyon sa pagkakilanlan ng mga suspek habang patuloy pa silang nangangalap ng matibay na ebidensiyang mag-uugnay sa mga ito.

Ayon sa NPD, ibinatay ang pagkakakilanlan sa mga suspek matapos ang isinagawang forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa paligid ng Barangay 171 kung saan nangyari ang pamamaslang.

Lumutang ang posibilidad na madalas makita sa lugar ang mga suspek na posibleng naniirahan din sa naturang barangay o matagal na nilang tinitiktikan ang kilos ng mga biktima.

Tiniyak naman ng NPD na isasapubliko kaagad nila ang progreso ng kanilang imbestigasyon sa oras na maging beripikado na ang impormasyon.

Naunang bumuo si NPD Director P/BGen. Benliner Capili ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa masusi, mabilis, at epektibong imbestigasyon sa nangyaring pamamaslang sa babaeng pro-administration vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, 24, at malubhang pagkasugat ng kanyang live-in partner na nangyari sa kanilang tirahan sa Tierra Nova Subdivision Main, Brgy. 171, Biyernes ng madaling araw.

Mariin ding kinondena ng NPD ang nangyaring krimen at nagpaabot na rin ito ng taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya at mahal sa buhay ng biktima at kasama sila sa panalangin na agarang paggaling sa tinamong sugat ng kanyang kinakasama.

Nanawagan din ang NPD sa sinumang may impormasyon na may kaugnayan sa insidente na makipag-ugnayan sa Caloocan City Police Station, katapat ng pangakong lahat ng kanilang maibabahaging kaalaman ay ituturing na may pinakamataas na antas ng paglilihim. (Richard Mesa)

PILIPINA AT NIGERIAN NATIONAL ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA CAVITE, ₱3.4-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAARESTO ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office National Capital Region (PDEA RO-NCR), sa pamamagitan ng Southern District Office, sa pakikipagtulungan ng PDEA Cavite Provincial Office at ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) SOU 4A, ang isang Pilipina at isang Nigerian national at nakumpiska ang humigit-kumulang 500 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride, o mas kilala sa tawag na shabu, sa isang buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite.

Isinagawa ang operasyon bandang 2:42 ng madaling araw noong Hulyo 17, 2026, sa Bacoor Boulevard, Barangay Niog, Lungsod ng Bacoor.

Ang mga naarestong suspek ay isang 48-taong-gulang na negosyanteng Pilipina at isang 44-taong-gulang na negosyanteng Nigerian. Nahuli sila matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang undercover operative.

Narekober sa operasyon ang limang nakatali na transparent plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng isang asul na eco bag, na tinatayang aabot sa halagang ₱3.4-M.

Narekober din ang marked money na ginamit sa operasyon, dalawang mobile phone, identification card, ATM at cash card, isang GCash card, isang Palawan Suki card, at isang wallet.

Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Article II of Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (PAUL JOHN REYES)

DTI: Walang taas-presyo sa pangunahing bilihin

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ng Department of Trade and Industry (DTI) na wala pang inaasahang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan at basic commodities sa kasalukuyan, sa kabila ng tumitin­ding tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

“Wala pa namang humihingi ng price increase sa atin. So for now, there’s still no price increase,” pahayag ni Trade Secretary Cristina Roque sa isang ambush interview sa MSME Summit 2026 na pinangunahan ng GoNegosyo, katuwang ang DTI.

Ayon sa kalihim, wala pang manufacturers na naghahain ng petisyon para sa price adjustments. Naitanong ito dahil sa posibilidad ng pagtaas ng ­presyo ng langis at produktong petrolyo sa susunod na linggo na maaaring makaapekto sa presyo ng bilihin.

“It’s really best for us to just wait first,” dagdag ni Roque.

Valenzuela, ipinamahagi na ang maagang pamaskong bigas para kina Lolo’t, Lola 

Posted on: July 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian ang pamamahagi ng mga gift pack na tig-10 kilong bigas para sa 75,067 rehistradong senior citizens ng Valenzuela bilang bahagi ng programang “Pasko sa Hulyo para kay Lolo at Lola 2026.”

Ang “Pasko sa Hulyo” ay taunang programa ng lungsod na nagsimula noong 2017 na nagdadala ng maagang diwa ng Pasko para kina Lolo at Lola na nagsisilbing pagpapahayag ng pasasalamat at pagpapahalaga ng lungsod sa napakahalagang kontribusyon ng mga nakatatandang residente nito sa komunidad.

Ang bigas na ginamit sa programa ay kinuha mula sa Nagkakaisang Magsasaka ng Isabela Agriculture Cooperative ng Lalawigan ng Isabela, bilang paraan ng pagsuporta sa mga lokal na magsasaka sa Hilagang Luzon.

Ang pamamahagi ay isasagawa sa loob ng apat na araw, mula Hulyo 15 hanggang 18, na sumasaklaw sa 19 na barangay sa pamamagitan ng mga itinalagang lugar ng pamamahagi.

Ang mga senior citizen mula sa natitirang 14 barangay ay makukuha ang kanilang mga gift pack sa pamamagitan ng house-to-house na pamamahagi simula Hulyo 20 at tinitiyak din na ang mga benepisyaryong mahihirapang bumiyahe ay maayos pa rin makuha ang kanilang mga regalo.

Pinapayuhan ang mga benepisyaryo na kunin ang kanilang mga gift pack ayon sa iskedyul na nakasaad sa mga voucher na inihatid sa kanilang mga tahanan. Ipakita lang ng mga senior citizen ang kanilang OSCA ID at voucher sa oras ng pagkuha. Ang mga hindi makakakuha nang personal ng kanilang gift pack ay maaaring mag-atas ng kinatawan sa pamamagitan ng pagpapakita ng voucher at OSCA ID ng benepisyaryo, at valid ID ng kinatawan.

Sa pamamagitan ng “Pasko sa Hulyo para kay Lolo at Lola,” patuloy na kinikilala ng Pamahalaang Lungsod ang mahalagang papel ng mga senior citizen sa pamamagitan ng pagtiyak na makatatanggap sila ng makabuluhang tulong, habang isinusulong ang isang komunidad na mas mainam tirahan, mapagmalasakit, at inklusibo para sa bawat Pamilyang Valenzuelano. (Richard Mesa)