• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June, 2026

Dahil naniniwala na binabantayan at gina-guide siya…ANGELA, patuloy na kinakausap ang ina na ilang taon nang namayapa (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NOVEMBER 2020 nang pumanaw ang ina ni Angela Muji dahil sa sakit na kanser.

Kaya almost five years nang namayapa ang kanyang mommy Lanie, pero until now ay kinakausap ito ni Angela, lalo na kapag aalis siya ng bahay.

“Actually, she’s at home right now, her urn. Before I left, I kissed her urn and I said, ‘Wish me well, Mom.’

“I feel like she’s always watching me,” pahayag ng Viva female star.

Naniniwala si Angela na hanggang ngayon ay binabantayan at gina-guide pa rin siya ng kanyang ina, kaya naman sunud-sunod ang magagandang nangyayari sa kanyang showbiz career.

Isa nga sa latest na magandang biyaya kay Angela ay ang pagbibida niya sa Viva One series na “Dating Alys Perez” na ang streaming ay simula na sa June 12.

Bukod dito ay napapanood na rin ang Viva One Originals na “My CEO Thinks I’m A Robot” na sila ni Carlo Aquino ang mga lead stars.

Say ni Angela, “I am grateful po!

“Actually, lagi kong sinasabi na it doesn’t sink in, pero it never really does.

“I can’t fathom the idea that I will be the lead in the series, it is actually the second season.

“So I’m so grateful po sa Viva, to all the supporters and to God of course.

“For the longest time, I keep asking myself what does it get good, kasi sobrang dami kong pinagdaanan before.

“There were so many instances na I just almost gave up.

“But I still keep going because I always saw myself as an actress. This is my dream come true, and I am just so grateful for this moment.

“Sometimes, even I don’t believe myself, but then I remind myself na if isinugal ninyo lahat sa akin, bakit hindi ako sumugal sa sarili ko?“I just need to believe myself more.”

Tinatanaw ni Angela ang malaking utang na loob Viva at sa kanyang mga tagahanga.

“Thank you for seeing my potential and giving me countless opportunities that I never thought I would ever have na pangarap ko lang talaga, nagkatotoo.

“I will really keep doing my best in everything I do. I will keep believing in me because sana ito lang po ang simula ng career ko.

“I want this to be the beginning. I want more for myself.

“It might sound greedy pero it doesn’t hurt to dream big, di ba? Kung mangangarap ka lang, lakihan mo na,” pahayag pa ng ka-loveteam ni Rabin Angeles.

NPD, nakahanda na sa Balik-Eskwela at tag-ulan

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAKAHANDA ang Northern Police District (NPD), sa ilalim ng pamumuno ni Acting District Director P/BGen. Benliner Capili sa Balik-Eskwela upang matiyak ang ligtas, at maayos na pagbubukas ng mga klase para sa School Year 2026–2027 sa Hunyo 8, 2026.

Bilang suporta sa mga paaralan, nagpakalat na ang NPD ng mga security at traffic management para sa mga aktibidad ng Brigada Eskwela mula Hunyo 1 hanggang 5, 2026, upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng mga hakbangin sa pagiging handa sa lahat ng paaralan sa CaMaNaVa area.

Ani Gen. Capili, nasa 1,279 police personnel ang ipapakalat sa 287 pampubliko at pribadong paaralan. Bukod pa rito, 110 Police Assistance Desks (PADs) ang itatatag sa mga estratehikong lokasyon at mga pangunahing convergence area upang magbigay ng agarang tugon sa mga insidente at pampublikong alalahanin.

Ang panukalang ito ay naglalayong palakasin ang visibility ng pulisya sa loob at paligid ng mga paaralan, mga ruta ng transportasyon, at mga kalapit na komunidad upang hadlangan ang aktibidad ng kriminal at matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral, guro, magulang, at tauhan ng paaralan.

Kaugnay nito, nahahanda na rin ang NPD sa tag-ulan upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at katatagan ng mga tauhan nito at ng mga pinaglilingkuran komunidad bilang pangako ng Distrito sa epektibong pagbawas at pamamahala sa panganib sa sakuna, pati na rin ang patuloy na pagpapahusay ng mga kakayahan sa pagtugon sa emerhensiya.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay, koordinasyon sa mga katuwang na ahensya, at pinaigting na mga hakbangin sa paghahanda sa sakuna, layunin ng NPD na palakasin ang kahandaan nito sa pagtugon sa mga emerhensiya tulad ng pagbaha at iba pang kalamidad.

Binigyaang-diin ni P/BGen. Capili na nananatiling matatag ang NPD sa kanyang misyon na magbigay ng tumutugon, maaasahan, at nakatutok sa serbisyong pagpupulis, lalo na sa panahon ng krisis, bilang bahagi ng dedikasyon nito sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)

LALAKI INARESTO SA SEXTORTION

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ARESTADO sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation – Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) ang isang indibidwal dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, at kasong Grave Threats at Grave Coercion, na lahat ay may kaugnayan sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ang biktima, na dating kasintahan ng suspek, ay binantaan siya na ipakalat sa kanyang pamilya at mga kaibigan ang mga sensitibong bidyo niya kung hindi siya papayag na makipag-usap dito at makipagtalik.

Inutusan ng suspek ang biktima na makipagkita sa kanya noong gabi ng Hunyo 2, 2026, at tiniyak na buburahin niya ang mga sensitibong bidyo sa kanyang cellphone matapos silang magkita at matapos maibigay ng biktima ang hinihinging sekswal na pabor.

Batay sa impormasyong natanggap, nagsagawa ang NBI-HTRAD ng isang entrapment operation sa isang hotel sa Santa Cruz, Maynila, na nagresulta sa pag-aresto sa suspek at pagkakarekober ng mga kaugnay na ebidensya.

Ang suspek ay isinailalim sa inquest proceedings kaugnay ng mga paglabag sa mga umiiral na batas. (Gene Adsuara)

Kasama rin sa seryeng ‘You’re My Favorite Song’…GWEN, magpapa-sexy uli sa movie kasama sina KATYA, SHEREE at MAUI (ni: NONIE NICASIO) 

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAGIGING abala sa dalawang proyekto si Gwen Garci. 

Ito ang nalaman namin nang nakakuwentuhan namin siya recently, thru Facebook.

Unang project niya ay sa seryeng “You’re My Favorite Song” ng GMA-7 na pagbibidahan ng mga bagets. Then, ang isa pang pagkakaabalahan niya ay ang pelikulang “Milf” mula sa Viva,”Nagsimula na po akong mag-taping para sa ‘You’re My Favorite Song’ at mayroon pa pong movie, abangan po nila ito, ang title ay Milf,” reply niya sa amin. 

Ano ang role niya sa serye ng Kapuso network?

“Ang role ko rito, friend po ako ni Katya Santos. Ang gagampanan ko rito ay kikay na bubbly at komedyante,” pahayag ng aktres.

Okay ba sa kanya ang ganyang role, bubbly at komedyante?

Aniya, “Yes, okay lang po sa akin ang ganitong mga role, challenging ito para sa akin. Kasi, hindi ako talaga ganoon… tahimik po ako at soft spoken in real life.”

Sa pelikulang Milf naman na mula sa Viva, co-stars ni Gwen ang mga kasama niyang Viva Hot Babes na sina Sheree, Katya Santos, at Maui Taylor.  

Nagpatikim siya nang kaunting info hinggil sa bago nilang pelikula.Aniya, “parang ‘Sex In The City’ po itong movie namin, isa itong dark comedy.”

This month daw ang start ng shooting ng kanilang pelikula, nagpa-sexy ba siya ulit sa proyektong ito?

“Mayroon po silang aabangan sa movie na ito,” matipid at bitin na tugon pa ni Gwen.

CALOOCAN LGU, NAG-AALOK NG LIBRENG CHEMOTHERAPY SESSIONS, DIABETES MAINTENANCE MEDICINE 

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBIBIGAY ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng libreng chemotherapy sessions (infusion therapy) sa mga pasyente ng cancer at libreng maintenance na gamot na ibibigay buwan-buwan sa mga pasyente ng diabetes sa patuloy na pagsisikap nito na bigyang-priyoridad ang kalidad at accessible na pangangalagang pangkalusugan. 

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Prime Treatment Group (PTG), ang mga residente sa lahat ng edad na na-diagnose na may cancer ay maaaring sumailalim sa libreng chemotherapy sessions (infusion treatment) sa PTG Caloocan Chemotherapy Center, 2nd Floor, Ziti Center Caloocan, mula Lunes hanggang Sabado, 8:00 am hanggang 5:00 pm. 

Samantala, ang mga umiinom ng gamot para sa diabetes ay maaaring makakuha ng libreng maintenance na gamot sa alinmang health center sa Lungsod ng Caloocan. Ang gamot na ibinibigay sa bawat pasyente ay mabuti sa loob ng 30 araw at maaaring ibigay buwan-buwan. Bukod dito, maaari ding magbigay ng libreng insulin sa mga pasyente kung kinakailangan.

Sinabi ni Mayor Along Malapitan na nag-aalok din ang pamahalaang lungsod ng mga libreng konsultasyon sa lahat ng mga health center nito, katuwang ang PhilHealth. (Richard Mesa)

NHA, NAIPAMAHAGI NA ANG ₱63.9-M EHAP SA MGA BIKTIMA NG SUNOG SA PAROLA, TONDO

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAIPAMAHAGI na ng National Housing Authority (NHA) nitong Hunyo 03, 2026 ang tulong pinansyal para sa natitirang 1,133 pamilya-benepisyaryo na naapektuhan ng sunog sa Parola Compound, Tondo, Maynila noong Mayo 23, 2026. 

Sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA, ang bawat pamilyang nasunugan ay nakatanggap ng tig-₱30,000.00 upang masuportahan sila na makapagsimulang muli ng kanilang mga tahanan. Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang aktibidad katuwang si NHA NCR-West Sector Regional Manager Cromwell C. Teves. 

Ang aktibidad na ito ay nagsilbing huling bahagi ng distribusyon ng cash assistance mula sa EHAP para sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. 275, Zone 25, Parola Compound sa Tondo, Manila, partikular sa Gates 46, 52, 54, 56, and 58. Noong May 29, 2026, sinimulan ng NHA ang pamimigay ng ayuda para sa may 1,000 apektadong pamilya, na kung susumahin ay nagkakahalaga ng ₱63,990,000.

Ang pamamahagi ng tulong pinansyal na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mabigyan ng agarang tulong ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, at ang NHA ang naatasang magbigay ng mabilisang tulong pinansyal. Ginanap ang pamamahagi ng EHAP sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex (formerly Delpan Sports Complex).

Samantala, nagsagawa rin ng pamamahagi ng EHAP ang NHA NCR-North Sector Office sa pangunguna ni Officer-in-Charge Engr. Wenson O. Reyes, para sa 84 pamilya mula sa mga lungsod ng Valenzuela, Malabon, at Navotas, noong Hunyo 3-4, 2026. 

Ang EHAP ay isa sa mga pangunahing programa ng NHA na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad gaya ng sunog, baha, lindol at iba pa, upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan at makapagsimula ng bagong buhay at makapagtayo ng kanilang mga tahanan.

Ang NHA is isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). (PAUL JOHN REYES)

Inflation kumalma sa 6.8% noong Mayo

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KUMALMA ang inflation sa Pilipinas nitong May 2026 bunga nang bumagal na pagtaas na halaga ng petrolyo at halaga ng mga pagkain sa naturang period.

Sa press briefing sa QC, sinabi ni National Statistician at Philippine Statistics Authority (PSA) chief Claire Dennis Mapa na ang inflation o antas ng pagtaas ng halaga ng mga pagkain at serbisyo ay bahagyang bumaba sa 6.8% noong May 2026, mas mababa sa 7.2% inflation noong April 2026.

“Ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Mayo 2026 kumpara noong Abril 2026 ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng Transport na may 16.2% inflation rate,” ayon kay Mapa.

Nasa 21.4% ang Transport index noong Abril 2026. Ang Transport index ay may 70.3% na overall deceleration ng inflation rate sa bansa.

Sinabi ni Mapa na ang pagbaba sa Transport inflation ay dulot ng mabagal na pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.

Ang Food at Non-Alcoholic beverages ay nagdala rin ng pagbaba sa inflation rate habang ang Housing, Water, Electricity, Gas at iba pang Fuel index ay may mas mababang rate na 7.8%.

Ang galaw naman ng presyo sa tinaguariang “food basket” na karaniwang binibili ng mga pamilya ay bumaba sa 5.8%, gulay sa 6.2%, isda sa 8.8% at karne sa -2.5%.

Pilipinas, dapat bumalik sa ICC, panukala ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGHAIN ng panukala si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na humihikayat sa gobyerno ng Pilipinas na gumawa ng hakbang para makasali muli sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC). 

Sa House Resolution (HR) No. 1056, nanawagan ang mambabatas kay Pangulong Bongbong Marcos sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), na simulan ang proseso nang pagbabalik ng membership ng Pilipinas sa ICC na naaayon sa konstitusyon at batas.

“The re-accession of the Philippines to the Rome Statute of the ICC is vital to reaffirm the country’s commitment to justice and accountability and to strengthen the protection of human rights and the rule of law, aimed at deterring the commission of grave international crimes and restoring public trust in institutions of justice,” ani De Lima. “This will also reinforce the Philippines’ standing in the international community as a State that upholds its obligations under international law and defends the dignity of every human person,” she added. 

Ang ICC ay isang permanenteng international criminal tribunal na binuo upang mag-imbestiga at maghatol sa indibidwal na responsable sa mga seryosong krimen kabilang na ang genocide, crimes against humanity, war crimes, at crime of aggression. 

Ang Pilipinas ay naging State Party sa ICC noong 2011 sa ilalim ng administration ni dating Presidente Benigno S. Aquino III, kasunod na concurrence ng senado.

Noong 2018, iniutos ni dating Presidente Rodrigo Duterte ang pag-alis ng Pilipinas mula Rome Statute.

“The Philippine must rejoin the ICC as a reaffirmation of our commitment to the rule of law, justice and accountability. Kailangan nating patatagin ang mga mekanismo ng pagpapanagot sa mga pasimuno ng mga karumal-dumal na krimen, at tiyakin na makakamit ng mga biktima at ng kanilang pamilya ang hustisya,” pahayag ni De Lima. (Vina de Guzman)

Ads June 6, 2026

Posted on: June 6th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Kahit may mga kumukuwestiyon sa pagkatao nito…CRISTINE, maligaya talaga at handa nang pakasalan si GIO (ni: REY PINEDA) 

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MATAPOS ang highly publicized break up ni Cristine Reyes sa kanyang dating asawang si Ali Khatibi na isang MMA fighter, muling tumibok ang puso niya sa katauhan ng aktor na si Marco Gumabao. 

Sa kasamaang palad di rin ito nagtagal.

Sa kasalukuyan, muling pinaligaya ang paligid ni Cristine sa piling ng kanyang bagong pag-ibig – si Gio Tingson.

Sa mundong ating ginagalawan, hindi natin puwedeng makuha ang lahat. Siguradong merong matutuwa, meron din namang sabihin na nating naiinggit o kaya naman ay mga taong wala lang magawa – gusto lang makisawsaw.

Ayon kay Cristine maligaya raw siya sa piling ni Gio. Dati niya itong kaklase nung elementary days nila. 

Pero bakit marami ang kumukuwestiyon sa pagkatao ni Gio?

May mga nagsasabi kasi na wala naman daw itong regular job na masasabi.

Dahil diyan, inalam namin ang Linkedin Profile ni Gio.

Nagtapos si Gio AB Philosophy, minor in Development Management sa Ateneo De Manila University.  Since 2004, head siya ng Grab’s Public Affairs Relations.

Nung 2014-2016 naging chairperson naman siya ng National Youth Commission 

At nung 2018-2022 hinawakan naman niya ang Akbayan Citizen’s Action Party.

Bukod dito, siya rin ang Chief Political Officer ni Senator Bam Aquino mula nuong 2016-2018.

Naranasan din niyang maging associate lawyer sa isang law firm sa loob ng mahigit dalawang taon.

Hindi lamang daw smart si Gio pero artistic din.

Pinasok din niya ang arts and crafts, mula sa mural painting hanggang sa paggawa ng mga handmade soaps.

Mahilig din daw mag-travel itong si Gio.

So, ibig sabihin talagang wala nga siyang naging regular job.

Paano niya nagagawang mag-travel?

Baka naman marami na siyang naipon nung mga panahong konektado siya sa gobyerno.

Well… sa amin naman ay puro haka-haka lang. Hindi rin kami nakasisiguro.

At dahil may balitang engage na sina Cristine at Gio, wala naman sigurong masama kung mas gumastos itong si Cristine.

After all mahal naman niya si Gio.

Hindi ba?

***

SINO ang tinutukoy ng pambansang maritess na si Xian Gaza sa kanyang current upload sa Facebook?

Bukod kay Alex Ginzaga na talaga namang inilalantad at ipinagmamalaki ang kanyang baby bumps.

May isa pa raw buntis! 

Isang young star daw na napababalita rin na buntis at 9 weeks na.

Bigla raw itong lumipad papuntang ibang bansa. 

After ilang weeks, bumalik daw ito at flat na ulit ang tiyan.

Sino nga ba ang natsitsismis na buntis?

Ayaw naming maniwala sa mga bali-balita. 

Gusto namin talagang may konkretong ebidensiya.

Pero may mga humuhula na mahilig daw ang youngstar sa mga sports enthusiasts!

Well, kung totoo man ang balita. Ayaw lang siguro niyang masira ang kanyang promising career.

Sana nga lang konting ingat. Marami namang paraan para makaiwas!