NHA, NAIPAMAHAGI NA ANG ₱63.9-M EHAP SA MGA BIKTIMA NG SUNOG SA PAROLA, TONDO
- Published on June 6, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAIPAMAHAGI na ng National Housing Authority (NHA) nitong Hunyo 03, 2026 ang tulong pinansyal para sa natitirang 1,133 pamilya-benepisyaryo na naapektuhan ng sunog sa Parola Compound, Tondo, Maynila noong Mayo 23, 2026.
Sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA, ang bawat pamilyang nasunugan ay nakatanggap ng tig-₱30,000.00 upang masuportahan sila na makapagsimulang muli ng kanilang mga tahanan. Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Assistant General Manager Alvin S. Feliciano ang aktibidad katuwang si NHA NCR-West Sector Regional Manager Cromwell C. Teves.
Ang aktibidad na ito ay nagsilbing huling bahagi ng distribusyon ng cash assistance mula sa EHAP para sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. 275, Zone 25, Parola Compound sa Tondo, Manila, partikular sa Gates 46, 52, 54, 56, and 58. Noong May 29, 2026, sinimulan ng NHA ang pamimigay ng ayuda para sa may 1,000 apektadong pamilya, na kung susumahin ay nagkakahalaga ng ₱63,990,000.
Ang pamamahagi ng tulong pinansyal na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mabigyan ng agarang tulong ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, at ang NHA ang naatasang magbigay ng mabilisang tulong pinansyal. Ginanap ang pamamahagi ng EHAP sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex (formerly Delpan Sports Complex).
Samantala, nagsagawa rin ng pamamahagi ng EHAP ang NHA NCR-North Sector Office sa pangunguna ni Officer-in-Charge Engr. Wenson O. Reyes, para sa 84 pamilya mula sa mga lungsod ng Valenzuela, Malabon, at Navotas, noong Hunyo 3-4, 2026.
Ang EHAP ay isa sa mga pangunahing programa ng NHA na naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad gaya ng sunog, baha, lindol at iba pa, upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan at makapagsimula ng bagong buhay at makapagtayo ng kanilang mga tahanan.
Ang NHA is isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD). (PAUL JOHN REYES)