• October 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 15th, 2026

Alex Eala, makakaharap si Donna Vekic sa Berlin Open Round of 32

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MAKAKAHARAP ng Filipina tennis star na si Alex Eala ang beteranang Croatian na si Donna Vekic sa Round of 32 ng Berlin Open ngayong linggo.

Si Eala ay isang wildcard entry sa WTA 500 tournament at patuloy na inaasahan sa kanyang kampanya sa grass-court season.

Matatandaang nabulsa ng Pinay tennis star ang panalo sa Birmingham Open kamakailan, bago siya natalo sa second round laban sa rising American player na si Iva Jovic.

May bentahe si Eala sa kanilang unang pagkikita noong ASB Classic, kung saan tinalo niya si Vekic sa matinding three-set match, 4–6, 6–4, 6–4.

Samantala, si Vekic ay isang experienced na manlalaro sa WTA circuit na may malalaking karanasan sa mga Grand Slam. Kilala siya bilang 2024 Paris Olympics silver medalist at dating Wimbledon semifinalist, at nagkaroon din ng malalim na runs sa Australian Open at US Open.

Inaasahang magiging dikit at mataas ang kalidad ng laban dahil parehong may momentum at malakas na performance ang dalawang players sa kasalukuyang grass-court season.

Gilas Pilipinas Boys, pinataob ang Thailand sa SEABA Qualifiers

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAKITANG gilas ang Gilas Pilipinas Boys sa fourth-quarter rally upang pataubin ang host country na Thailand, 85-70, at kumpletuhin ang kanilang kampanya sa FIBA U18 Asia Cup SEABA Qualifiers nitong Linggo.Balitang Pilipinas

Bagama’t nasayang ng mga Pilipino ang maagang double-digit na bentahe, nakabawi sila sa last quarter ng laro upang patahimikin ang home crowd at tapusin ang torneo nang walang talo.

Sa kabila ng pagkatalo, nakasiguro na rin ang Thailand ng puwesto sa FIBA U18 Asia Cup na gaganapin sa Agosto, kasama ang Pilipinas bilang mga kinatawan ng rehiyon.

Maagang nakapagtayo ng 13 points na lamang ang Gilas Boys, ngunit nabawasan ito sa third quarter nang magpakitang gilas si Peerakan Wilairoj ng Thailand. Sa kanyang magkakasunod na three-point shots, naibaba niya ang lamang ng Pilipinas sa isang puntos, 51-50.

Gayunpaman, pinangunahan ni Chog Moral ang isang 12-7 run upang muling makalayo ang Gilas at tapusin ang ikatlong yugto na may anim na puntos na bentahe, 63-57.

Tuluyang nakalamang ang Pilipinas sa fourth quarter sa pangunguna ni Patrick Pasinos, na nagtala ng anim na sunod na points upang itaas ang kalamangan sa 74-63. Sinelyuhan niya ang panalo sa isang step-back three-pointer na nagpalobo sa iskor sa 81-65 may 57 segundo na lamang sa laro.

Pinangunahan naman ni Joaquin Tovera ang Gilas Boys sa opensa matapos umiskor ng 21 points. Nag-ambag naman sina Pasinos at Ethan Aguas ng tig-13 points, habang nagtala si Moral ng 10 points, pitong rebounds, pitong assists, at tatlong steals.

Sa panig ng Thailand, nanguna si Lorenzo Ravazzini sa kanyang double-double na 15 points at 15 rebounds. Nagdagdag naman sina Phurich Benjaariyakul at Ronnie Allsopp ng tig-13 points.

Gas pump attendant na inakusahang gumahasa sa anak sa Valenzuela, isinelda

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HIMAS-REHAS ang 31-anyos na gas pump attendant na inakusahang gumahasa umano sa kanyang menor-de-edad na anak nang makorner ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.

Sa ulat ng tanggapan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, noong Hunyo 11, 2026, nang maglabas ang Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 270 ng warrant of arrest laban sa akusado na residente ng Brgy. Gen. T De Leon para sa kasong Rape at Sexual Assault in relation to R.A. 7610.

Nang makakuha ng kopya ng nasabing warrant ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3, kaagad ikinasa nina PCpl John Melo De Paz, PCpl Inglis Balagtas, PCpl Ledrick Bacuran, Pat Robert Regalado at Pat Ian Christian Orosco sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado ang operation laban sa akusado.

Hindi na nakapalag ang akusado nang damputin sa bisa ng nasabing arrest warrant makaraang masukol ng mga tauhan ng SS3 dakong alas-10:10 ng gabi sa harap ng isang convenience store sa Gen.T. De Leon Road, Brgy. Gen. T. De Leon.

Ayon sa pulisya, nangyari ang panghahalay umano sa biktima ngayon taon habang walang piyansang inirekomenda ang hukuman sa akusado para sa kasong Rape, samantalang naglaan naman ng P200,000 piyansa para sa kasong Sexual Assault. 

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang Valenzuela City Police Station sa kanilang pinaigting na operation laban sa mga wanted na indibidwal na pinaghahanap ng batas para makamit ang inaasam na hustisya ng mga biktima. (Richard Mesa)

LTFRB, NAGBABALA SA LAHAT NG OPERATOR VS DIRTY PUVs

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa lahat ng operator ng mga pampasaherong sasakyan na tiyaking malinis at maayos ang kanilang mga unit o mahaharap sa kaukulang parusa.

Nag-ugat ang babala matapos maglabas ng show cause order (SCO) ang ahensya laban sa isang taxi operator na nahuling nagpapatakbo ng maruming sasakyan sa Intramuros, Maynila.

Personal na nag-commute si LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II noong Hunyo 11 upang suriin ang kalagayan ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila, kung saan kanyang nakita ang taxi na may plakang AAO 8576 sa Intramuros. 

“Paalala sa mga operator at driver na ang prangkisa o awtoridad na mag-operate ay isang pribilehiyo na may kaakibat na responsibilidad. Kabilang dito ang pagtiyak na ligtas at malinis ang bawat unit,” ani Chairman Vigor.

Dagdag pa niya, hindi lamang paglabag sa mga patakaran ang pagpapabiyahe ng maruming sasakyan kundi kawalan din ng paggalang sa mga pasahero.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga commuter.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na magsumite ng notaryadong paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang prangkisa dahil sa paglabag.

Pinadadala rin ang naturang taxi sa LTFRB Central Office para sa inspeksyon sa Hunyo 15, habang nakatakda ang pagdinig ng kaso sa Hunyo 30.

Binigyang-diin ni Chairman Vigor na ang hindi pagsunod sa SCO ay maaaring magresulta sa pagdedesisyon ng LTFRB batay sa mga ebidensyang hawak nito, bukod pa sa multang ₱5,000. (PAUL JOHN REYES)

PNP iimbestigahan na-hack na website ng Senado

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIIMBESTGAHAN na ng Philippine National Police (PNP) ang pag-hack sa website ng Senado upang matukoy at mapanagot ang mga responsable sa insidente.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na suriin kung paano napasok ng mga hacker ang website at tukuyin ang digital footprints ng mga nasa likod ng pag-atake.

Bagama’t walang nakompromisong sensitibo o kumpidensyal na impormasyon, nananatiling seryosong paglabag sa seguridad ang pag-atake sa isang mahalagang in­stitusyon ng pamahalaan.

Makikipagtulungan ang ACG sa Senado at iba pang kaukulang ahensiya ng gobyerno upang masuri ang insidente, mapreserba ang digital evidence, mapalakas ang cybersecurity measures, at matukoy at maaresto ang mga responsable sa hindi awtorisadong pagbabago sa website.

Nadiskubre ang insidente noong Hunyo 11, nang mabago ang laman ng website ng Senado. Inako ng grupong “Nullsec Philippines” ang responsibilidad sa pag-atake.

Samantala, inangkin ng mga hacker sa social media na isinagawa nila ang pag-atake bilang protesta laban sa umano’y korapsyon at pamamayani ng mga political dynasty.

Halos 400 aplikante, natanggap agad sa trabaho sa Kalayaan Job Fair sa SM Valenzuela

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

AABOT sa halos 400 aplikante na naghahanap ng trabaho ang natanggap kaagad sa trabaho sa ginanap na Kalayaan Job Fair sa SM City Valenzuela na bahagi ng pagdiriwang ng ika-128-taon ng Araw ng Kalayaan.

Ang job fair ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) SM City Valenzuela at Valenzuela City Public Employment Service Office (PESO), katuwang ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng the Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, PhilHealth, Philippine Statistics Authority (PSA), at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Tumulong din sa kaganapan ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), para sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa, kabilang ang alok na orientation at kanilang certification.

Sumali naman sa job fair ang 31 kompanya na nag-alok ng 2,190 na iba’t ibang uri ng lokal at overseas na trabaho mula industriya ng retail, manufacturing, food service, construction, industrial services, administration, information technology, at business process outsourcing (BPO).

Umabot sa 1,130 mga aplikante na kinabibilangan ng mga nagtapos sa pag-aaral, mga first time job seekers, mga dating overseas Filipino Workers (OFWs), career shifters, at mga propesyunal, ang lumahok sa job fair kung saan 385 kaagad ang natanggap sa trabaho.

Nananatili namang nakatuon sa pagsuporta sa mga hakbangin sa paglikha ng trabaho ang SM Supermalls sa pamamagitan ng regular na pasasagawa ng job fair na makakatulong na i-konekta ang mga Pilipino sa mga potensyal na employer at magbubukas sa kanilang daan para sa pangmatagalang paglago ng kanilang pangarap. (Richard Mesa)

800 driver’s license pinawalang bisa, sinuspinde ng LTO

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINUSPINDE at ipinawalang bisa ng Land Transportation Office (LTO) ang higit sa 800 driver’s licenses mula Oktubre hanggang Hunyo ngayong taon.

Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, sa naturang bilang, nasa 434 driver’s licenses ang na-revoke at nasa 396 ang suspendido.

Aniya, ang hakbang ay bahagi ng kampanya ng LTO na madisiplina at mawalis ang mga pasaway na driver at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Sinabi ni Lacanilao na sa 434 na-revoked na mga driver’s license, 325 dito ay kanselado ang lisensiya ng dalawang taon, 15 hanggang apat na taon at 94 driver’s ay tuluyan nang binawian ng lisensiya.

Sa 396 na suspendido ang lisensiya, 23 dito ay may isang buwang suspension, 290 tatlong buwan, 7 ay 6 na buwan, at 75 ay may isang taong hindi magagamit ang lisensiya. Muling nanawagan sa mga motorista ang LTO na palagiang maging disiplinado habang nasa kalsada at sundin ang batas trapiko upang hindi mabawian ng lisensiya ng ahensiya. ( Daris Jose)

PBBM, hindi papayag na mawala sa Pilipinas ang kontrol sa Bajo de Masinloc 

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

HINDI papayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mawala sa PIlipinas ang kontrol sa Bajo de Masinloc sa gitna ng mga alalahanin ukol sa pagpapadala ng Tsina ng floating structures sa pinagtatalunang bahura.

“Hindi po hahayaan ng Pangulo na mangyari po iyan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang hingan ng komento ukol sa pangamba ng publiko sa posibilidad na mabura o mawala sa Pilipinas ang kontrol sa Bajo de Masinloc o mas kilala rin bilang Scarborough Shoal, 

“Alam po natin ano ang totoong stance ng Pangulo pagdating sa interes ng mga Pilipino at interes natin dito sa ating West Philippine Sea,” aniya pa rin.

Aniya pa, batid naman ng Pangulo ang mga nangyayari, at nananatili aniyang malinaw ang paninindigan ng Pangulo na unahin ang paggamit ng diplomatiko at legal na hakbang sa pagharap sa ganitong klaseng sitwasyon.

Sinabi pa rin ni Castro na nakapaghain na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa floating movable platforms na ipinadala ng Tsina sa Bajo de Masinloc.

“So, tuloy pa rin po ang ating paninindigan kung ano ang ating karapatan at ano ang dapat nating ipaglaban,” ang winika nito.

Nauna rito, naghain ng Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China dahil sa nakitang floating platform sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.

Ayon sa Deparment of Foreign Affairs (DFA), na kanilang ginawa lamang ang nararapat sa pamamagitan ng paghahain ng diplomatic protest.

Hindi na ibinahagi pa ng DFA ang ilang mga detalye sa pagiging confidential ng mga ito.

Sinabi naman ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Rear Admiral Jay Tarriela, na ang mga floating platform ay unang nadiskubre sa pamamagitan ng satellite imagery and maritime domain awareness operations na kanilang isinagawa noong Mayo.

Dagdag pa nito na mayroong nasa 30 square meters ang deck area at tinatayang mayroong laki ito ng lima hanggang pitong metro ang haba ng mga ito.

Nakita umano ang ilang mga Chinese sa platform noong Mayo 30.

Noong Mayo 31 din ang nasabing platform ay mas lumalim pa sa Bajo de Masinloc na ito ay tinutulungan umano ng barko ng China. 

(Daris Jose)

Sakaling ipatawag ito ni PBBM…Villanueva dadalo sa special session

Posted on: June 15th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TINIYAK ni Sen. Joel Villanueva na dadalo siya sa isang special session sakaling ipatawag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sa isang mensahe sa video na ipinalabas sa misa ng Jesus is Lord (JIL) Church, kinilala ni Villanueva na ang kasalukuyang alitan sa pamumuno sa Senado ay lubos na nakaapekto sa institusyon. Panahon na aniya para isantabi ang anumang pagkakaiba sa politika para sa sambayanang Pilipino.

Sa kanyang mensahe sa kongregasyon ng JIL, binigyang-diin din ni Villanueva ang pangangailangang tiyakin na ang mga kawani ng Senado ay hindi “naiipit sa gitna ng labanan.”

“The Senate staff should not be caught in the middle of the fight. Hindi pwedeng puro away na lang. Bilang mga lingkod bayan po dapat nating gawin,” patuloy na gumagana ang bawat isa sa atin. Lalo na ang Senado para po sa ating mga kababayan,” ani Villanueva.

“Sa pagkakataon po na magkaroon ng special session tutuparin po natin ang ating sagradong tungkulin sa ilalim ng ating Saligang batas,” dagdag ni Villanueva.

Nauna nang iginiit ng kampo ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang pagdaraos ng special session kasunod ng pagkabigo ng Mataas na Kapulungan na ayusin ang alitan sa liderato bago ito mag-adjourn sine die noong Hunyo 6.

Ngunit bago mag-adjourn ang Senado, 12 senador ang naghalal kay Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at kalaunan ay itinalaga siya bilang Acting Senate President, isang hakbang na kinilala ng Malacañang at ng House of Representatives. ( DARIS JOSE)

https://share.google/93GoYfRf5vMIId3w1

SUBHEADLINE 

800 driver’s license pinawalang bisa, sinuspinde ng LTO

SINUSPINDE at ipinawalang bisa ng Land Transportation Office (LTO) ang higit sa 800 driver’s licenses mula Oktubre hanggang Hunyo ngayong taon.

Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, sa naturang bilang, nasa 434 driver’s licenses ang na-revoke at nasa 396 ang suspendido.

Aniya, ang hakbang ay bahagi ng kampanya ng LTO na madisiplina at mawalis ang mga pasaway na driver at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.

Sinabi ni Lacanilao na sa 434 na-revoked na mga driver’s license, 325 dito ay kanselado ang lisensiya ng dalawang taon, 15 hanggang apat na taon at 94 driver’s ay tuluyan nang binawian ng lisensiya.

Sa 396 na suspendido ang lisensiya, 23 dito ay may isang buwang suspension, 290 tatlong buwan, 7 ay 6 na buwan, at 75 ay may isang taong hindi magagamit ang lisensiya. Muling nanawagan sa mga motorista ang LTO na palagiang maging disiplinado habang nasa kalsada at sundin ang batas trapiko upang hindi mabawian ng lisensiya ng ahensiya. ( Daris Jose)