• July 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, NAGBABALA SA LAHAT NG OPERATOR VS DIRTY PUVs

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa lahat ng operator ng mga pampasaherong sasakyan na tiyaking malinis at maayos ang kanilang mga unit o mahaharap sa kaukulang parusa.

Nag-ugat ang babala matapos maglabas ng show cause order (SCO) ang ahensya laban sa isang taxi operator na nahuling nagpapatakbo ng maruming sasakyan sa Intramuros, Maynila.

Personal na nag-commute si LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II noong Hunyo 11 upang suriin ang kalagayan ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila, kung saan kanyang nakita ang taxi na may plakang AAO 8576 sa Intramuros. 

“Paalala sa mga operator at driver na ang prangkisa o awtoridad na mag-operate ay isang pribilehiyo na may kaakibat na responsibilidad. Kabilang dito ang pagtiyak na ligtas at malinis ang bawat unit,” ani Chairman Vigor.

Dagdag pa niya, hindi lamang paglabag sa mga patakaran ang pagpapabiyahe ng maruming sasakyan kundi kawalan din ng paggalang sa mga pasahero.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga commuter.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang operator na magsumite ng notaryadong paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang prangkisa dahil sa paglabag.

Pinadadala rin ang naturang taxi sa LTFRB Central Office para sa inspeksyon sa Hunyo 15, habang nakatakda ang pagdinig ng kaso sa Hunyo 30.

Binigyang-diin ni Chairman Vigor na ang hindi pagsunod sa SCO ay maaaring magresulta sa pagdedesisyon ng LTFRB batay sa mga ebidensyang hawak nito, bukod pa sa multang ₱5,000. (PAUL JOHN REYES)