Sakaling ipatawag ito ni PBBM…Villanueva dadalo sa special session
- Published on June 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
TINIYAK ni Sen. Joel Villanueva na dadalo siya sa isang special session sakaling ipatawag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa isang mensahe sa video na ipinalabas sa misa ng Jesus is Lord (JIL) Church, kinilala ni Villanueva na ang kasalukuyang alitan sa pamumuno sa Senado ay lubos na nakaapekto sa institusyon. Panahon na aniya para isantabi ang anumang pagkakaiba sa politika para sa sambayanang Pilipino.
Sa kanyang mensahe sa kongregasyon ng JIL, binigyang-diin din ni Villanueva ang pangangailangang tiyakin na ang mga kawani ng Senado ay hindi “naiipit sa gitna ng labanan.”
“The Senate staff should not be caught in the middle of the fight. Hindi pwedeng puro away na lang. Bilang mga lingkod bayan po dapat nating gawin,” patuloy na gumagana ang bawat isa sa atin. Lalo na ang Senado para po sa ating mga kababayan,” ani Villanueva.
“Sa pagkakataon po na magkaroon ng special session tutuparin po natin ang ating sagradong tungkulin sa ilalim ng ating Saligang batas,” dagdag ni Villanueva.
Nauna nang iginiit ng kampo ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang pagdaraos ng special session kasunod ng pagkabigo ng Mataas na Kapulungan na ayusin ang alitan sa liderato bago ito mag-adjourn sine die noong Hunyo 6.
Ngunit bago mag-adjourn ang Senado, 12 senador ang naghalal kay Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at kalaunan ay itinalaga siya bilang Acting Senate President, isang hakbang na kinilala ng Malacañang at ng House of Representatives. ( DARIS JOSE)
SUBHEADLINE
800 driver’s license pinawalang bisa, sinuspinde ng LTO
SINUSPINDE at ipinawalang bisa ng Land Transportation Office (LTO) ang higit sa 800 driver’s licenses mula Oktubre hanggang Hunyo ngayong taon.
Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, sa naturang bilang, nasa 434 driver’s licenses ang na-revoke at nasa 396 ang suspendido.
Aniya, ang hakbang ay bahagi ng kampanya ng LTO na madisiplina at mawalis ang mga pasaway na driver at matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.
Sinabi ni Lacanilao na sa 434 na-revoked na mga driver’s license, 325 dito ay kanselado ang lisensiya ng dalawang taon, 15 hanggang apat na taon at 94 driver’s ay tuluyan nang binawian ng lisensiya.
Sa 396 na suspendido ang lisensiya, 23 dito ay may isang buwang suspension, 290 tatlong buwan, 7 ay 6 na buwan, at 75 ay may isang taong hindi magagamit ang lisensiya. Muling nanawagan sa mga motorista ang LTO na palagiang maging disiplinado habang nasa kalsada at sundin ang batas trapiko upang hindi mabawian ng lisensiya ng ahensiya. ( Daris Jose)