• July 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gas pump attendant na inakusahang gumahasa sa anak sa Valenzuela, isinelda

HIMAS-REHAS ang 31-anyos na gas pump attendant na inakusahang gumahasa umano sa kanyang menor-de-edad na anak nang makorner ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.

Sa ulat ng tanggapan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, noong Hunyo 11, 2026, nang maglabas ang Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 270 ng warrant of arrest laban sa akusado na residente ng Brgy. Gen. T De Leon para sa kasong Rape at Sexual Assault in relation to R.A. 7610.

Nang makakuha ng kopya ng nasabing warrant ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3, kaagad ikinasa nina PCpl John Melo De Paz, PCpl Inglis Balagtas, PCpl Ledrick Bacuran, Pat Robert Regalado at Pat Ian Christian Orosco sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado ang operation laban sa akusado.

Hindi na nakapalag ang akusado nang damputin sa bisa ng nasabing arrest warrant makaraang masukol ng mga tauhan ng SS3 dakong alas-10:10 ng gabi sa harap ng isang convenience store sa Gen.T. De Leon Road, Brgy. Gen. T. De Leon.

Ayon sa pulisya, nangyari ang panghahalay umano sa biktima ngayon taon habang walang piyansang inirekomenda ang hukuman sa akusado para sa kasong Rape, samantalang naglaan naman ng P200,000 piyansa para sa kasong Sexual Assault. 

Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang Valenzuela City Police Station sa kanilang pinaigting na operation laban sa mga wanted na indibidwal na pinaghahanap ng batas para makamit ang inaasam na hustisya ng mga biktima. (Richard Mesa)