• July 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Halos 400 aplikante, natanggap agad sa trabaho sa Kalayaan Job Fair sa SM Valenzuela

AABOT sa halos 400 aplikante na naghahanap ng trabaho ang natanggap kaagad sa trabaho sa ginanap na Kalayaan Job Fair sa SM City Valenzuela na bahagi ng pagdiriwang ng ika-128-taon ng Araw ng Kalayaan.

Ang job fair ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) SM City Valenzuela at Valenzuela City Public Employment Service Office (PESO), katuwang ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng the Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, PhilHealth, Philippine Statistics Authority (PSA), at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Tumulong din sa kaganapan ang Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), para sa mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa, kabilang ang alok na orientation at kanilang certification.

Sumali naman sa job fair ang 31 kompanya na nag-alok ng 2,190 na iba’t ibang uri ng lokal at overseas na trabaho mula industriya ng retail, manufacturing, food service, construction, industrial services, administration, information technology, at business process outsourcing (BPO).

Umabot sa 1,130 mga aplikante na kinabibilangan ng mga nagtapos sa pag-aaral, mga first time job seekers, mga dating overseas Filipino Workers (OFWs), career shifters, at mga propesyunal, ang lumahok sa job fair kung saan 385 kaagad ang natanggap sa trabaho.

Nananatili namang nakatuon sa pagsuporta sa mga hakbangin sa paglikha ng trabaho ang SM Supermalls sa pamamagitan ng regular na pasasagawa ng job fair na makakatulong na i-konekta ang mga Pilipino sa mga potensyal na employer at magbubukas sa kanilang daan para sa pangmatagalang paglago ng kanilang pangarap. (Richard Mesa)