• June 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 5th, 2026

PTFOMS, nabahala sa pasabog ni Sen. Rodante Marcoleta laban sa Media Workers

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa ipinahayag ni Senador Rodante Marcoleta na may mga miyembro ng media, partikular na ang nagko-cover sa Philippine Senate, ay “bayaran”.

Ang pahayag ng senador ay hindi lamang walang basehan kundi isang malaking banta sa seguridad at kaligtasan ng mga mamamahayag na ginagampanan lamang ang mahalagang papel sa demokrasya.

“Kayo pong mga participants sa media, na karamihan po sa inyo ay bayaran, sasabihin ko sa inyo ito, mayroon po bang nagsalita sa kanila?”ayon kay Marcoleta, tinukoy ang iba pang miyembro ng Senado.

Ang pahapyaw na pahayag ni Marcoleta ayon sa PTFOMS ay banta sa kredibilidad ng media at paglalantad sa mga ito sa potensiyal na kasiraan.

“Journalists have a duty to report accurately and impartially, and it is critical that public officials respect their role as watchdogs of accountability and truth,” ayon sa PTFOMS.

Si Senator Marcoleta, na ipinaglaban noon ang pananagutan ay dapat na sumunod sa mga mithiing ito sa pamamagitan ng paglabas at pagpapakita ng solidong ebidensiya o pagbawi sa kanyang naging komento at humingi ng paumanhin sa mga mamamahayag na binigyan niya ng maling akusasyon.

“Casting vague aspersions against the media doesn’t foster constructive dialogue. It threatens the very foundations of democratic processes by attempting to sway public opinion against those tasked with holding those in power to account,” ang sinabi pa rin ng PTFOMS.

Samantala, muli namang nanawagan ang PTFOMS na igalang ang mga mamamahayag at binigyang diin na ang kritisismo sa mga miyembro ng media gaya ng anumang public discourse, ay dapat na may kaakibat na ‘verifiable facts.

” Only then can we ensure a safe and thriving environment for press freedom, a cornerstone of our democratic society,” diing pahayag ng PTFOMS. ( DARIS JOSE)

Kina PBBM, Sotto, Erwin Tulfo, De Lima, Castro at iba pa…Ex-Marines, pinangalanan at ibinulgar na naghatid umano ng male-maletang pera 

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBINUNYAG ng 18 nagpakilalang dating Marines na naghatid umano sila ng male-maletang pera sa mga prominenteng opisyal ng gobyerno kabilang na kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Senador Vicente Sotto III, Sen. Erwin Tulfo at Mamamayang Liberal party-list Representative Leila de Lima, dating ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at iba pa.

Base sa joint affidavit ng 18 dating sundalo, na nagpakilalang mga tauhan o bagman ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, nagdeliver sila ng bilyun-bilyong pisong kickbacks mula sa mga flood control projects na nakasilid sa mga maleta, kung saan kada maleta naglalaman umano ng humigit-kumulang P48 milyon.

Sa Senate hearing sa flood control mess, isiniwalat ng isa sa ex-marines na si Johnny Buduan na noong 2022, naghatid sila ng limang maleta sa Ilocos Norte, na nakalaan umano para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa testigo, may mga maleta ring inihatid noong panahon ng kampanya (2022) na tinanggap umano ni Rep. Sandro Marcos habang si Zaldy Co ang kumuha ng litrato.

(Daris Jose)

PAHAYAG NI MARCOLETA, KINONDENA NG NPC

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KINONDENA ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang pahayag ni Senator Rodante Marcoleta sa kanyang opening statement sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Hunyo 4, 2026, na nagbigay ng impresyon na ang mga miyembro ng media ay “bayaran.”

Ayon kay NPC President Leonel “Boying” Abasola ang ganitong malawak at walang sapat na batayang pag-uugnay sa buong hanay ng mamamahayag ay hindi lamang nakasasakit sa propesyon kundi nakapagpapahina rin sa mahalagang papel ng malaya at responsableng pamamahayag sa isang demokratikong lipunan.

Ayon pa kay Abasola, sana kinamusta man lang ang Senate Media.

Aniya, libu-libong mamamahayag sa bansa ang araw-araw na nagsasakripisyo upang maghatid ng tama, balanse, at makabuluhang impormasyon sa publiko, kadalasan ay nalalagay pa sa panganib ang kanilang kaligtasan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Ang mga pahayag mula sa mga halal na opisyal, lalo na sa loob ng isang opisyal na pagdinig ng Senado, ay may bigat at impluwensiya sa pananaw ng publiko. Dahil dito, mahalagang maging responsable, makatotohanan, at patas ang mga ito upang hindi makalikha ng maling impresyon na maaaring magdulot ng higit pang pag-atake, paninira, o kawalan ng tiwala sa mga lehitimong institusyon ng media.

Naninindigan ang National Press Club of the Philippines sa pagtataguyod ng malayang pamamahayag, mataas na pamantayan ng propesyonalismo, at pananagutan sa hanay ng media.

Handa rin makibahagi ang NPC sa anumang makabuluhang talakayan ukol sa pagpapalakas ng etika at integridad sa pamamahayag, ngunit hindi maaaring palampasin ang mga pahayag na walang sapat na ebidensiya at naglalagay sa buong industriya sa isang negatibong pagtingin.

Nanawagan din ang NPC sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan na igalang ang mahalagang tungkulin ng media bilang tagapaghatid ng impormasyon at bantay ng demokrasya. Ang pagpuna ay bahagi ng isang malayang lipunan, ngunit ito ay dapat nakabatay sa katotohanan at hindi sa mga pangkalahatang akusasyon. 

(GENE ADSUARA)

160 panukalang batas, naipadala ng Kamara sa Senado

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga legislative accomplishments sa First Regular Session ng 20th Congress.

Sa closing speech bago ang adjournment ng sesyon, sinabi ni Dy na nananatiling nakatuon ang mga mambabatas sa pagbibigay ng reporma sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya, political at global sa bansa.

“Hinarap ng ating bansa ang samu’t saring hamon—ang krisis sa Middle East, mataas na presyo ng bilihin, usapin sa enerhiya, trabaho, edukasyon, kalusugan, at maging ang patuloy na hamon ng pagpapanumbalik ng tiwala sa ating mga institusyon. Ngunit sa gitna ng lahat ng ito, nanatiling klaro ang direksyon ng Kapulungan ng mga Kinatawan,” anang speaker.

“Mula sa unang araw ng sesyon, iisa ang ating naging direksyon: unahin ang interes ng sambayanang Pilipino. Pinili nating magtrabaho, magkaisa, at sama-sama nating isinulong ang kapakanan ng sambayanang Pilipino—ang pangunahing layunin ng ating Kapulungan.”

Bilang patunay, sinabi ni Dy na mahigit sa 160 panukala ang naisumite na sa senado habang kalahati o 26 ng 52 priority measures na inindorso ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang naaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa na naghihintay ng pinal na pag-apruba at bicameral deliberations.

Kabilang sa mga panukala na nabanggit ni Speaker ay ang National Land Use Act, Digital Payments Act, Department of Water Resources bill, strengthening of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), energy and education reforms, the KALINGA Act, Right to Information Act, Anti-Political Dynasty Act, Anti-Fake News and Disinformation Act, at panukalang magbibigay proteksyon sa mga bata mula sa online abuse and exploitation.

Patuloy pa rin aniya ang Kamara sa pagtalakay ng mga isyu na may kinalaman sa Universal Health Care, cybersecurity, anti-corruption measures, rice tariffication reforms at party-list reforms.

“Sa likod ng bawat panukalang batas na naipasa ng Kamara ay maraming Pilipinong umaasang gagaan ang kanilang buhay—sa hanay mga manggagawa na bumubuhay sa kanilang mga pamilya, ang ating masisipag na magsasaka at mangingisda, ang mga walang kapagurang guro, mga negosyanteng bumubuhay sa ating ekonomiya, mga kabataan na nagbibigay sa atin ng sigla, at ating mga minamahal na senior citizens na hinahangad ang mas maayos na kinabukasan,” dagdag nito.

(Vina de Guzman)

SENIOR CITIZENS PARTYLIST, UMALMA SA MARAHAS NA PAGDAKIP SA MATANDANG TSUPER

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MARIING binatikos ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes ang walang habas na pagkaka aresto ng isang pulis sa isang matandang driver makaraang kumalat sa online ang mainitang alitan sa kalsada kamakailan sa Taguig City. 

Ayon kay Ordanes, hindi nararapat maranasan ng isang senior citizen ang nangyaring marahas na pagdakip sa naturang 76-anyos na driver. 

“Paiimbestigahan ko yan, dapat managot yang pulis na yan. Napaka lupit ng ginawa nya sa matanda, hindi ko yan palalampasin,” saad ni Ordanes sa isang panayam.

Kasalukuyang inaalam at inaasahang ipatatawag ang naturang matanda upang makuhanan din ng salaysay at mabigyan ng karampatang tulong ng Senior Citizens Partylist kasunod ng naganap na minor collision sa nabanggit na lugar.

Nauna ng ipinatawag ng National Police Commission (Napolcom) ang dawit na pulis na si Rizal Police Corporal Simeon Suan na kumumpronta pa kay Napolcom vice chairperson / executive officer Rafael Vicente Calinisan habang nasa kalagitnaan ng press briefing.

“Dapat sa mga ganyang klase ng pulis tinatanggal sa serbisyo para di pamarisan ng iba,” dagdag pa ni Ordanes.

Nabatid na pansamantala munang tinanggal ang pulis sa serbisyo at isinailalim ito sa restrictive custody habang nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang Rizal Provincial Police Office 4A dulot ng aksidente. (PAUL JOHN REYES)

Mister, arestado sa drug bust sa Valenzuela

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang mister na sangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga nang maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Miyerkules ng madaling araw.

Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ang suspek na si alyas “Ronald”, 52, residente ng Brgy. Karuhatan.

Ayon kay P/Lt. Sherwin Dascil, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), ikinasa nila ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA makaraan ang natanggap na ulat hinggil sa pagkakasangkot umano nito sa pagbebenta ng illegal na droga.

Nang tanggapin umano ng suspek ang P8,500 marked money mula sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba dakong alas-3:45 ng madaling araw sa Sugar St., Brgy. Karuhatan.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill kasama ang walong pirasong P1,000 boodle money, coin purse at P200 cash.

Ani P/MSgt. Ana Liza Antonio, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

 (Richard Mesa)

Erice, bumoto ng NO sa ikatlo at huling pagbasa ng bersyon ng Kamara ng Anti-Political Dynasty Bill

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

MARIING bumoto ng ‘NO’ si Caloocan 2nd District Congressman Egay Erice sa ikatlo at huling pagbasa ng bersyon ng Kamara ng Anti-Political Dynasty Bill, na naglalarawan umano sa panukala bilang isang “fake reform” na nabigong itaguyod ang tunay na diwa at layunin ng Konstitusyon.

Sa kanyang paghahayag sa harap ng plenaryo, kinuwestiyon ni Cong. Erice ang pagiging lehitimo ng panukalang iniharap bilang anti-political dynasty legislation habang pinahihintulutan umano ang maraming miyembro ng iisang pamilya na magpatuloy sa pag-okupa ng mga posisyon sa gobyerno nang sabay-sabay o sunud-sunod.

“Hindi kailangan ng sambayanang Pilipino ang pekeng reporma. Ang kailangan nila ay isang batas na tunay na bubuwag sa konsentrasyon ng kapangyarihan at magbibigay ng patas na pagkakataon sa mga karapat-dapat na Pilipino,” ani Erice.

Binigyang-diin niya na ang Artikulo II, Seksyon 26 ng Konstitusyon ay malinaw na nagpapahayag ng patakaran ng Estado sa pagtiyak ng pantay na pag-access sa mga pagkakataon para sa serbisyo publiko at pagbabawal sa mga political dynasties na maaaring itakda ng batas. Ayon sa kanya, ang anumang batas na lumilikha lamang ng hitsura ng reporma habang pinapanatili ang parehong mga istrukturang pampulitika ay sumisira sa tiwala ng publiko.

Nagbabala pa si Erice na ang simbolikong batas o “compliance on paper” ay hindi sapat upang sagutin ang lumalaking pagkabigo ng mga mamamayan na humihiling ng pananagutan at tunay na mga reporma sa pulitika.

Ipinunto din niya na ang bersyon ng Senado ay nagpapataw ng mas tiyak na mga limitasyon kumpara sa bersyon ng Kamara, na binibigyang diin na ang mga reporma ay dapat magkaroon ng makabuluhang mga pamantayan at hindi lamang lumikha ng isang ilusyon ng pagkilos.

“Ang tunay na reporma ay hindi pakitang-tao. Hindi ito dapat maging panlilinlang sa mamamayan. Ang mga Pilipino ay nararapat sa isang batas na may tunay na ngipin, hindi isang legislative hoax na ipinapakitang pagbabago ngunit walang totoong epekto,” aniya.

Tinapos ni Cong. Erice ang kanyang pahayag sa isang matatag na paninindigan: “No to fake reform. No to deception. Tunay na pagbabago para sa sambayanang Pilipino.”. (Richard Mesa)

PDEA AT IBP-QC CHAPTER, LUMAGDA NG MOA PARA SA PAGPAPALAKAS NG LEGAL AID AT SERBISYO PUBLIKO

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PORMAL na nilagdaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) – Quezon City Chapter ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa isang seremonyal na paglagda na ginanap sa PDEA Main Conference Room, Quezon City noong Hunyo 1, 2026 upang lalong palakasin ang kooperasyon at pangako sa serbisyo publiko.

Ang kaganapan ay dinaluhan nina PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez; Attorney Rowell D. Ilagan, Pangulo ng IBP Quezon City Chapter; Attorney Jeffrey B. Constantino, Pangalawang Pangulo ng IBP Quezon City Chapter; Police Brigadier General Rolando F. Miranda (Ret.), Head Executive Assistant; Attorney Francis S. Del Valle, Direktor ng Legal and Prosecution Service; mga Direktor ng PDEA Service; at iba pang mga natatanging opisyal at tauhan mula sa parehong institusyon.

Binibigyang-diin ng MOA ang pangako na palakasin ang pag-access sa hustisya sa pamamagitan ng Administrative Matter No. 22-11-01-SC ng Korte Suprema, na kilala rin bilang Rules on Unified Legal Aid Service (ULAS), na nag-aatas sa mga abogado na magbigay ng pro bono legal na serbisyo para sa marginalized sector.

Sa pamamagitan ng partnership na ito, ang mga abogado ng PDEA, sa pakikipagtulungan ng IBP Quezon City Chapter, ay magbibigay ng pro bono legal assistance, konsultasyon, at representasyon sa mga indibidwal na nangangailangan ng legal guidance, kabilang ang mga kusang-loob na naghahanap ng drug rehabilitation. Kasama rin sa pakikipagtulungan ang pakikilahok sa mga legal aid mission, pagbisita sa mga rehabilitation center, mga caravan sa barangay, at mga information drive tungkol sa mga panganib ng ilegal na droga at sa mga probisyon ng Republic Act No. 9165.

Pinatitibay ng inisyatibong ito ang pangako ng PDEA sa isang nakabatay sa karapatan, makatao, at nakasentro sa mga tao sa kampanya nito laban sa ilegal na droga. Pinatitibay din nito ang mga pagsisikap ng ahensya sa pagpapahusay ng mga programa sa pakikipag-ugnayan sa komunidad, na magpapabuti sa tiwala ng publiko, at magsusulong ng mas malawak na pakikipagtulungan sa sektor ng batas sa pagsusulong ng mga pagsisikap sa edukasyon at rehabilitasyon.

Ipinahayag ng PDEA ang taos-pusong pasasalamat nito sa IBP Quezon City Chapter para sa napakahalagang suporta at pakikipagtulungan nito sa marangal na gawaing ito.

Sama-samang pinagtitibay ng PDEA at IBP Quezon City Chapter ang kanilang ibinahaging misyon na paglingkuran ang sambayanang Pilipino nang may pagbabantay, integridad, habag, at matibay na dedikasyon sa hustisya at kapakanan ng publiko tungo sa Bagong Pilipinas. 

(PAUL JOHN REYES)

SSS naglaan ng P6 bilyong dagdag pension

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

INIHAYAG ni Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer Robert Joseph M. de Claro, na naglaan sila ng P6 bilyon para dagdag pension ng nasa 4.1 milyong mga pensioner at mapunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at magkaroon nang higit na seguridad sa pananalapi.

Ayon kay de Claro, ang karagdagang benepisyo ay mula Hunyo hanggang Agosto 2026 upang matulungan ang mga pensioner na makayanan ang epekto ng inflation at tumataas na gastos sa enerhiya.

Aniya, ito ay suporta ni Department of Finance (DoF) Secretary at SSS Chairperson Frederick Go at bahagi ng ikalawang bugso ng Pension Reform Program (PRP) para sa mahigit 4.1 milyong pensioner.

Ang mga SSS pensioner na rehistrado hanggang Mayo 31, 2026 ay agad na nakakatanggap ng dagdag-pensyon simula pa nitong Lunes, Hunyo 1, 2026.

Samantala, ang mga magiging benepisyaryo mula Hunyo 1 hanggang Agosto 31, 2026 ay magsisimulang makatanggap nang mas mataas na pensyon sa Setyembre 1, 2026. Sa ilalim ng ikalawang yugto ng PRP, magkakaroon ng 10 porsiyentong dagdag sa buwanang pensyon ang mga retirement, at disability pensioner, habang 5 porsiyento naman ang dagdag para sa death at survivor pensioner.

Ads June 5, 2026

Posted on: June 5th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments