SSS naglaan ng P6 bilyong dagdag pension
- Published on June 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
INIHAYAG ni Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer Robert Joseph M. de Claro, na naglaan sila ng P6 bilyon para dagdag pension ng nasa 4.1 milyong mga pensioner at mapunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at magkaroon nang higit na seguridad sa pananalapi.
Ayon kay de Claro, ang karagdagang benepisyo ay mula Hunyo hanggang Agosto 2026 upang matulungan ang mga pensioner na makayanan ang epekto ng inflation at tumataas na gastos sa enerhiya.
Aniya, ito ay suporta ni Department of Finance (DoF) Secretary at SSS Chairperson Frederick Go at bahagi ng ikalawang bugso ng Pension Reform Program (PRP) para sa mahigit 4.1 milyong pensioner.
Ang mga SSS pensioner na rehistrado hanggang Mayo 31, 2026 ay agad na nakakatanggap ng dagdag-pensyon simula pa nitong Lunes, Hunyo 1, 2026.
Samantala, ang mga magiging benepisyaryo mula Hunyo 1 hanggang Agosto 31, 2026 ay magsisimulang makatanggap nang mas mataas na pensyon sa Setyembre 1, 2026. Sa ilalim ng ikalawang yugto ng PRP, magkakaroon ng 10 porsiyentong dagdag sa buwanang pensyon ang mga retirement, at disability pensioner, habang 5 porsiyento naman ang dagdag para sa death at survivor pensioner.