SENIOR CITIZENS PARTYLIST, UMALMA SA MARAHAS NA PAGDAKIP SA MATANDANG TSUPER
- Published on June 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
MARIING binatikos ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes ang walang habas na pagkaka aresto ng isang pulis sa isang matandang driver makaraang kumalat sa online ang mainitang alitan sa kalsada kamakailan sa Taguig City.
Ayon kay Ordanes, hindi nararapat maranasan ng isang senior citizen ang nangyaring marahas na pagdakip sa naturang 76-anyos na driver.
“Paiimbestigahan ko yan, dapat managot yang pulis na yan. Napaka lupit ng ginawa nya sa matanda, hindi ko yan palalampasin,” saad ni Ordanes sa isang panayam.
Kasalukuyang inaalam at inaasahang ipatatawag ang naturang matanda upang makuhanan din ng salaysay at mabigyan ng karampatang tulong ng Senior Citizens Partylist kasunod ng naganap na minor collision sa nabanggit na lugar.
Nauna ng ipinatawag ng National Police Commission (Napolcom) ang dawit na pulis na si Rizal Police Corporal Simeon Suan na kumumpronta pa kay Napolcom vice chairperson / executive officer Rafael Vicente Calinisan habang nasa kalagitnaan ng press briefing.
“Dapat sa mga ganyang klase ng pulis tinatanggal sa serbisyo para di pamarisan ng iba,” dagdag pa ni Ordanes.
Nabatid na pansamantala munang tinanggal ang pulis sa serbisyo at isinailalim ito sa restrictive custody habang nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang Rizal Provincial Police Office 4A dulot ng aksidente. (PAUL JOHN REYES)