• June 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

160 panukalang batas, naipadala ng Kamara sa Senado

INIHAYAG ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga legislative accomplishments sa First Regular Session ng 20th Congress.

Sa closing speech bago ang adjournment ng sesyon, sinabi ni Dy na nananatiling nakatuon ang mga mambabatas sa pagbibigay ng reporma sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya, political at global sa bansa.

“Hinarap ng ating bansa ang samu’t saring hamon—ang krisis sa Middle East, mataas na presyo ng bilihin, usapin sa enerhiya, trabaho, edukasyon, kalusugan, at maging ang patuloy na hamon ng pagpapanumbalik ng tiwala sa ating mga institusyon. Ngunit sa gitna ng lahat ng ito, nanatiling klaro ang direksyon ng Kapulungan ng mga Kinatawan,” anang speaker.

“Mula sa unang araw ng sesyon, iisa ang ating naging direksyon: unahin ang interes ng sambayanang Pilipino. Pinili nating magtrabaho, magkaisa, at sama-sama nating isinulong ang kapakanan ng sambayanang Pilipino—ang pangunahing layunin ng ating Kapulungan.”

Bilang patunay, sinabi ni Dy na mahigit sa 160 panukala ang naisumite na sa senado habang kalahati o 26 ng 52 priority measures na inindorso ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang naaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa na naghihintay ng pinal na pag-apruba at bicameral deliberations.

Kabilang sa mga panukala na nabanggit ni Speaker ay ang National Land Use Act, Digital Payments Act, Department of Water Resources bill, strengthening of the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), energy and education reforms, the KALINGA Act, Right to Information Act, Anti-Political Dynasty Act, Anti-Fake News and Disinformation Act, at panukalang magbibigay proteksyon sa mga bata mula sa online abuse and exploitation.

Patuloy pa rin aniya ang Kamara sa pagtalakay ng mga isyu na may kinalaman sa Universal Health Care, cybersecurity, anti-corruption measures, rice tariffication reforms at party-list reforms.

“Sa likod ng bawat panukalang batas na naipasa ng Kamara ay maraming Pilipinong umaasang gagaan ang kanilang buhay—sa hanay mga manggagawa na bumubuhay sa kanilang mga pamilya, ang ating masisipag na magsasaka at mangingisda, ang mga walang kapagurang guro, mga negosyanteng bumubuhay sa ating ekonomiya, mga kabataan na nagbibigay sa atin ng sigla, at ating mga minamahal na senior citizens na hinahangad ang mas maayos na kinabukasan,” dagdag nito.

(Vina de Guzman)