PTFOMS, nabahala sa pasabog ni Sen. Rodante Marcoleta laban sa Media Workers
- Published on June 5, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa ipinahayag ni Senador Rodante Marcoleta na may mga miyembro ng media, partikular na ang nagko-cover sa Philippine Senate, ay “bayaran”.
Ang pahayag ng senador ay hindi lamang walang basehan kundi isang malaking banta sa seguridad at kaligtasan ng mga mamamahayag na ginagampanan lamang ang mahalagang papel sa demokrasya.
“Kayo pong mga participants sa media, na karamihan po sa inyo ay bayaran, sasabihin ko sa inyo ito, mayroon po bang nagsalita sa kanila?”ayon kay Marcoleta, tinukoy ang iba pang miyembro ng Senado.
Ang pahapyaw na pahayag ni Marcoleta ayon sa PTFOMS ay banta sa kredibilidad ng media at paglalantad sa mga ito sa potensiyal na kasiraan.
“Journalists have a duty to report accurately and impartially, and it is critical that public officials respect their role as watchdogs of accountability and truth,” ayon sa PTFOMS.
Si Senator Marcoleta, na ipinaglaban noon ang pananagutan ay dapat na sumunod sa mga mithiing ito sa pamamagitan ng paglabas at pagpapakita ng solidong ebidensiya o pagbawi sa kanyang naging komento at humingi ng paumanhin sa mga mamamahayag na binigyan niya ng maling akusasyon.
“Casting vague aspersions against the media doesn’t foster constructive dialogue. It threatens the very foundations of democratic processes by attempting to sway public opinion against those tasked with holding those in power to account,” ang sinabi pa rin ng PTFOMS.
Samantala, muli namang nanawagan ang PTFOMS na igalang ang mga mamamahayag at binigyang diin na ang kritisismo sa mga miyembro ng media gaya ng anumang public discourse, ay dapat na may kaakibat na ‘verifiable facts.
” Only then can we ensure a safe and thriving environment for press freedom, a cornerstone of our democratic society,” diing pahayag ng PTFOMS. ( DARIS JOSE)