• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 3rd, 2026

Umabot sa mahigit 4,000 runners ang sumali:ALDEN at BARBIE, pinangunahan ang kauna-unahang ‘Sparkle Run’ (ni: ROMMEL GONZALES) 

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IBA rin ang disiplina sa katawan ng karamihan sa mga artists ng Sparkle GMA Artist Center.

Kahit busy sila sa mga ganap sa kani-kanilang showbiz career ay kineri nila na gumising ng pagkaaga-aga para sumali sa kauna-unahang Sparkle Run.

Kaya naman hindi nakakagulat na ang mga sumali, bukod sa mga artista ay members ng media, executives at empleyado ng GMA at mga fans ay umabot sa mahigit 4,000 runners.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend ay sinabing sanib-puwersa sa event ang Sparkle GMA Artist Center, City of Manila at Runrio.

Ilan sa mga lumahok ay sina Alden Richards, Barbie Forteza, David Licauco, Kim Ji Soo, Sofia Pablo, Mikee Quintos, Allen Ansay, Royce Cabrera, ang GMA News reporters at anchors na sina Raffy Tima, Mariz Umali, at Aubrey Carampel.

“Ano siya e, it’s very grounding and parang it’s also my escape from reality and time to think, time to be with myself, ‘yung walang ibang iniisip, yung distance mo lang, yung pace mo lang, yung kakainin mo lang after,” pahayag ni Barbie.

“Ngayon marami nang factors tayo sa buhay na minsan nagiging distracted tayo in our everyday life but I think fitness must not be compromised,” saad naman ni Alden.

Nag-share naman ang ibang Sparkle Stars ng kanilang basic necessities sa kanilang pagtakbo.

“I just wanna listen to music… I usually listen to mga motivational stuff,” sabi ni David.

“Gusto ko ng mga EDM, para upper,” kuwento naman ni Martin Del Rosario.

“Maybe upbeat music so I can run faster,” ani Kim Ji Soo.

“Hindi mawawala yung water. Tubig talaga,” sabi ni Allen.

“Cap. Kasi bukang liwayway na mamaya. Like madilim pa now pero later, tirik na yung araw,” sabi ni Lexi Gonzales.

“Lippie. Kasi siyempre we’re running, di ba? Dapat fresh pa rin,” sabi ni Cheska Fausto.

“Para yung lips namin hindi magda-dry,” pagsegundo ni Charlie Fleming.

“Cellphone and car keys para after the run, pwede akong mag-selfie,” sabi ni Gil Cuerva.

“Actually, I have here a bag. Kung umaraw na meron tayong sunglasses, tapos meron tayong energy gel,” sabi ni Anthony Rosaldo.

“Handheld fan. Kasi hiluhin talaga ako sa init,” sabi naman ni Sofia Pablo.

Dumating rin para makisaya sina Gabbi Garcia, Max Collins, Josh Ford, Will Ashley, AC Martinez at Dingdong Dantes.

“Congratulations sa first ever Sparkle Run. Ang saya talaga just bringing everybody together, lahat ng mga Kapuso artists natin. Sama-sama para sa isang healthy activity.

“The best,” sabi ni Dingdong.

Ayon naman sa pahayag ni First Vice President for Sparkle GMA Artist Center Joy Marcelo…

“Ang dami sa kanila na iyon na talaga ‘yung ginagawa. Every weekend, halos like sila Barbie, every weekend iyan nagdyu-join ng run.

“So why not do one of our own? It’s for awakening them, the other artists also, pati yung mga netizens na maging health conscious, running is a way of life.”

Kahit maraming naiwan sa kanilang mag-ina:RUFA MAE, malungkot na nag-birthday dahil ‘di na nila kapiling si TREVOR  (ni: PETER LEDESMA) 

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

BIRTHDAY ni Rufa Mae Quinto last May 28. 

At malungkot ang sikat na komedyana  at ngayong taon ay hindi na nila kapiling ng daughter na si Athena ang mister na si Trevor Magallanes na isang police officer sa San Francisco, California na namatay September last year. 

And considered na married pa rin si Rufa Mae kay Trevor dahil sa hindi siya pumayag sa hiling nitong divorce. 

Kaya lahat ng naiwang ni Trevor ay mapupunta kay Rufa Mae at anak na si Athena. 

At ang mga ay ang pension, benefit plan, medical care, education & training at housing loan. 

Mapupunta rin sa mag-ina ni Trevor ang naiwan nitong savings sa banko. 

***

BAGO pa mag-pandemic 

ay mabenta na talaga ang high-dose Vitamin C na MEGA-C ng friend naming businesswoman na si Madame Yvonne Benavidez. 

At naging selling like hotcakes talaga ito sa mga leading drug stores including Mercury Drug Store and Southstsar Drug, etc during Pandemic. Ang problema maling tao pala ang mga pinagkatiwalaan ni Madame Yvonne. Sa madaling salita ay niloko siya ng mga ito sa pera at kita ng negosyo niyang ito. Kaya’t mag-isang ginagapang na mapaangat ui ang kanyang MEGA-C. Nangangailangan siya ng partners o mga investor. At hindi talo ang mga mag-i-invest dahil sikat at kilala na ang MEGA-C na in’endorse pa noon ni Asia’s King Of Talk” Boy Abunda.  

Surviving si Madame Yvonne, with her three sons at ito ay dahil sa pagkapit niya lagi sa Diyos.

Sobrang saya pa naman na siya ang 5KM fastest celebrity runner:ROYCE, ninakawan ng damit, basang towel, car keys at finisher medal  (ni: ROHN ROMULO)

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

ANG saya-saya pa naman ng Kapuso hunk actor na si Royce Cabrera pagkatapos niyang mag-participate sa Sparkle Run 2026 ng GMA, Sabado ng umaga, May 30, 2026.

Na kung saan sinabi nito na ito ang first official run, 5km finisher at nakatsamba raw dahil naging fastest celebrity runner pa sa naturang category.Pero ang sumunod niyang post ay isang malungkot na pangyayari na kung saan nanakaw ang bag sa pinag-iwanan nila ng gamit.

Kaya feeling ni Royce, tinarget talaga siya ng magnanakaw dahil pinili lamang nito ang mga gamit mula sa kanyang bag.Sa paniwala ng kanyang AWARENESS POST…“Akala ko hindi ito mangyayari sakin pero naranasan ko. Nanakawan ako ng bag during our event.

“Hindi ko inaasahan dahil naging abala kami sa event at naging kampante nako na ligtas na ang gamit ko dahil kasama nito ang iba pang gamit ng mga kasamahan ko.” Pagbabahagi pa ng aktor, “pero sapat na pala ang ilang minutong pagka-busy para manakawan o mawalan ng gamit.

“Pero isang bagay ang sigurado ako—hindi aksidente ang nangyari dahil sa lahat ng pwede mawala bukod tanging gamit ko lang talaga ang pinili mong kunin.” 

Pagpapatuloy pa ng aktor, “Buti na lang at nasa bag ang Airpods ko kaya mabilis ko agad na-track ang kinaroroonan nito.

“From Quirino Grandstand napunta ng Circuit Makati.

“Pinuntahan namin ito kasama ng dalawang pulis at isang marshall.

“Sa ilang beses naming pag-iikot tila ba nawalan nako ng pag-asa mahanap pa at nag-aya nalang umuwi na.

“Palabas na kami ng mall ng bigla nalang namin nakita ang bag ko sa poste kung saan malapit na naka-park ang mobil.

“Nakalapag at bukas lahat ng zipper. Agad ko itong kinuha.”Pagdedetalye pa ni Royce, “At ito ang mga nawala: car keys, damit and towel na basa ng pawis, 5k run finisher medal, case ng AirPods.”

Pagtataka pa niya, “hindi ko maalis ang hindi mabahala sa mga bagay na pinili mong kunin. Hindi dahil sa halaga ng mga ito, kundi dahil nakakapagtaka kung bakit iyon mismo ang mga naging target mong kunin.

“Hindi ko alam kung ano talaga ang pakay mo pero kung sino ka man, sana tigilan mo na ang ganyang modus. Gusto kong intindihan kung bakit mo yun nagawa pero sigurado ako na doble ang bad karma na balik sayo sa ganyang klaseng gawain.” 

Babala pa niya ang magnanakaw, “Patuloy ko pa rin ito gagawan ng aksyon. Plano ko mag-file ng police report at magpa-check ng cctv within the vicinity.Panghuli sa post niya, “PS: Gusto ko naman magpasalamat sa mga masigasig na pulis ng Station 5. Na sina PAT Lisbo at PAT Endaya at sa isa sa mga marshall ng event na si Kuya Jun sa pagsama sakin sa paghahanap. Sobrang appreciated ko ang time and effort niyo.

“Stay safe, everyone. God Bless!”

Malakanyang, ikinalungkot ang posibleng epekto ng Senate ‘drama’ sa mga priority bills ni PBBM

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na posibleng magkaroon ng epekto sa pagpapasa ng mga priority measures ng administrasyong Marcos Jr., ang weeks-long altercations sa Senado bago ang sine die adjournment ng first regular session ng 20th Congress ngayong linggo.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang publiko ang magdurusa kung magpapatuloy ang Senate drama at magkakaroon ng balakid sa pagpapasa ng mga priority bills.

“Sa ngayon alam naman po natin kung ano ‘yung priority bills—hindi lang dalawa, hindi lang isa, hindi lang tatlo. Marami po. Pero kung ganito po nangyayari sa Senado, mahihirapan po talaga…hindi lamang ang Pangulo, kung hindi ang taumbayan,” ang sinabi ni Castro.

“Apektado ang taumbayan dito. Pati po ang ekonomiya ay maapektuhan sa ingay at gulo sa Senado,” aniya pa rin.

Matatandaang, inaprubahan ni Pangulong Marcos Jr. ang 21 priority legislative measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa ikatlong LEDAC Full Meeting ng 20th Congress na target maipasa bago matapos ang Hunyo.

Ayon sa Malakanyang, layunin ng mga panukala na pagaanin ang gastusin ng mamamayan at palakasin ang transparency, child protection, at pananagutan sa pamahalaan.

Kabilang sa mga prayoridad ang Travel Tax Abolition, Expanded Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act of 2026, mga panukala laban sa fake news at digital disinformation, at ang BARMM Elections bill upang matiyak ang maayos at kredibleng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kasama rin sa itinulak ng Pangulo ang Anti-Political Dynasty Law, CADENA Act, Independent People’s Commission Act, at Party-List System Reform Act bilang bahagi ng reporma sa sistema ng pamahalaan.

Siniguro ng Pangulo na ang mga panukalang ito ay may malinaw na epekto at direktang pakinabang sa mga mamamayan.  

(Daris Jose)

Walang obstruction of justice sa pag-aresto kay Jinggoy Estrada-Malakanyang

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

SINABI ng Malakanyang na walang obstruction of justice sa panig ni Senate President Alan Peter Cayetano sa kabila ng tensyonadong sitwasyon sa pagitan nila ni Interior Secretary Jonvic Remulla habang isinisilbi ang arrest warrant laban kay Senator Jinggoy Estrada, araw ng Lunes.

Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro habang binigyang linaw na si Estrada ay inaresto ng mga awtoridad at hindi boluntaryong sumuko.

“Hindi naman siya obstruction of justice. ’Di naman niya itinago,” ang sinabi ni Castro na ang tinutukoy ay si Cayetano.

“Nagkataon lang pinipigilan niya dahil siguro iniisip niya, siya ang Senate President at nasa lugar siya, at ang sinasabi niya ay this is not for Senator Jinggoy, but for the institution,” aniya pa rin.

Nauna rito, naglabas ang Sandiganbayan 5th Division ng warrant of arrest laban kina Estrada , dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at tatlo pang iba kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Matapos ilabas ng Sandiganbayan 5th Division ang warrant of arrest laban kay Estrada at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, nilinaw ni DILG Secretary Jonvic Remulla na inaresto at hindi sumuko si Sen. Estrada.

Sinabi ni Remulla na alas-3:30 ng hapon nang dumating siya sa Senado upang isilbi ang warrant of arrest sa senador.

Ayon sa kalihim, hindi naging mahirap ang pag-aresto kay Estrada dahil agad naman umano itong sumama sa mga awtoridad.

Pagkatapos nito, dinala ang senador sa tanggapan ng CIDG para sa tamang proseso at booking procedure.

Tungkol naman sa hiling ni Sen. Jinggoy na sumailalim sa operasyon dahil sa kanyang knee injury, sinabi ni Remulla na wala na ito sa kanyang kapangyarihan.

Ayon sa kalihim, ang Sandiganbayan na ang magdedesisyon kung papayagan ang naturang kahilingan. ( DARIS JOSE)

PBBM sa DepEd: Tiyakin na tuloy- tuloy ang pag-aaral ng mga bata

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

PINAYUHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Education (DepEd) na maghanda ng sapat para sa pagbubukas ng School Year 2026-2027 upang masiguro na ang pag-aaral ng mga bata ay magpapatuloy at iwasan ang anumang mga hindi kinakailangang pagkagambala.

Sinabi ito ng Pangulo sa isang ambush interview matapos pangunahan ang National Capital Region Brigada Eskwela Kick-Off 2026 sa Kapitbahayan Elementary School sa Navotas City.

“DepEd knows perfectly well what to do. Hindi na natin sila kailangan sila turuan … We’re just improving the facilities,” ang winika ng Pangulo nang tanungin para sa kanyang marching orders sa departamento, isinasaalang-alang na nagsimula na ang Habagat season.

“Kung may instruction man ako, tiyakin nila na handa sila sa pagbukas ng eskwela, ng klase para naman hindi nabibitin ang mga bata. Tuloy tuloy ang kanilang pag-aaral,” ayon sa Pangulo.

Sa kabilang dako, ang Brigada Eskwela ngayong taon ay isinagawa sa buong bansa mula June 1 hanggang 5, bilang paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa June 8. 

( Daris Jose)

Tulong-kabuhayan, gawing permanente suhestiyon ng mambabatas 

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

NAIS ng isang mambabatas na gawing permanente at palawakin ang programang pangkabuhayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mas maraming mahihirap na pamilya ang magkaroon ng pagkakataon ng pangmatagalang pagkakakitaan.

Nakapaloob ito sa inihaing House Bill No. 9456 o ang “Sustainable Livelihood Program Institutionalization and Expansion Act,” ni Nueva Vizcaya Lone District Rep. Timothy Joseph “Tim” Cayton.

Ayon kay Cayton, mahalagang matiyak na ang mga programang tumutulong sa mga Pilipinong mahihirap ay hindi nakadepende sa pagbabago ng administrasyon o sa taunang paglalaan ng pondo.

Sa ilalim ng panukala, gagawing permanente sa batas ang Sustainable Livelihood Program at palalawakin ang saklaw nito upang maisama hindi lamang ang mga benepisyaryo ng 4Ps kundi pati ang iba pang kuwalipikadong mahihirap na pamilya.

Binigyang-diin nito na mahalaga ang programang ito lalo na sa mga lalawigang agrikultural tulad ng Nueva Vizcaya kung saan maraming pamilya ang umaasa sa maliit na kita mula sa pagsasaka at iba pang kabuhayan.

“Hindi sapat na makaligtas lamang sa kahirapan. Ang layunin natin ay mabigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng pagkakataong umasenso, magkaroon ng dignidad sa trabaho, at magkaroon ng mas magandang kinabukasan,” dagdag niya.

Sa pamamagitan ng panukalang ito, inaasahang mas mapapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na maghatid ng pangmatagalang solusyon laban sa kahirapan at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga mahihirap na Pilipino sa buong bansa.

(Vina de Guzman)

Tugon ng kampo ni VP Sara ukol sa impeachment complaints, umani ng batikos

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

UMANI ng pagbatikos mula sa ilang mambabatas ang naging tugon ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment complaints laban sa kanya na nasa senado.

Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, binobola lang umano ng kampo ni VP Sara ang taumbayan noong sinabi nilang sa Senado sila sasagot.

“Pareho lang sila ni Bato, takot harapin ang pananagutan. Palibhasa takot mabuko,” pahayag ni Cendaña.

Tanong naman ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno, “kung walang itinatago, bakit ayaw ng trial?

Malinaw aniya sa Konstitusyon na ang Senado ang may solong kapangyarihan na dinggin at desisyunan ang lahat ng kaso ng impeachment.

“Ibig sabihin, hindi puwedeng hatol muna bago trial. Kung nais malaman ang katotohanan, dapat munang marinig ang mga testigo at masuri ang lahat ng ebidensya sa isang bukas at patas na pagdinig.

Sundin ang Konstitusyon. Sundin ang due process. Walang special treatment sa mata ng batas,” anang mambabatas.

Pahayag naman ni House impeachment spokesperson at Kabataan Rep. Atty. Renee Co na inilalayo umano ng vp ang usapin.

“Una sa lahat, hindi nilitis si VP Sara sa House. Gaya ng pagkakaiba sa pagharap sa piskal at korte, magkaiba ang trial sa probable cause hearings. Hindi puwedeng isantabi na lang ang ebidensya nang hindi pinapasadahan ito. Kung may sagot sila sa ebidensya, iharap nila sa paglilitis. It is her Constitutional duty to see the process through. The people want and deserve accountability. Gusto na nilang matuloy ang hearing na ito at malaman kung totoo ang mga alegasyon. Hindi uubra na sabihin niya sa Senado na huwag nang mag-trial at dismiss na agad ang kaso,” ani Co.

Pinaalalahanan naman ng mambabatas ang publiko na patuloy na maging mapagbantay.

Nitong Lunes (Hunyo 1), pormal nang naghain ang kampo ni VP Sara ng kaniyang sagot sa Senado bago ang itinakdang deadline.

(Vina de Guzman)

3 wanted persons, laglag sa selda

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

TATLONG wanted persons kabilang ang Top Most Wanted Person ng Northern Police District (NPD) ang nabitag sa manhunt operation na isinagawa ng NPD units at police stations sa loob ng 24-oras sa CaMaNaVa area.

Sa ulat ng tanggapan ni NPD Acting Director P/BGen. Beliner Capili, kabilang sa mga naarestong akusado ang 43-anyos na mister na residente ng Brgy., Canumay West, Valenzuela City at nakatala bilang No. 7 sa Top Ten Most Wanted Person ng NPD.

Isinagawa ng pinagsamang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS), Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Valenzuela City Police, at NDIT, RIU-NCR, IG ang manhunt operation laban sa akusado na nakatala din bilang No. 7 TMWP sa Valenzuela Police.

Ang akusado ay inaresto ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 172, Valenzuela City para sa service of sentence dahil sa kasong paglabag sa Section 10(a) ng R.A 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).

Sa pamamagitan ng Six-Point Strategic Program nito, pinatitibay ng NPD ang pangako nitong pangalagaan ang mga komunidad, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at paghahatid ng maagap, mahusay, at maaasahang serbisyo ng pulisya sa publiko. 

(Richard Mesa)

LTO CHIEF, AGARANG IPINAG-UTOS ANG PAGPAPALABAS NG SUBPOENA LABAN SA MOTOVLOGGER NA GUMAWA NG PEKENG SCO PARA SA CONTENT

Posted on: June 3rd, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

IPINAG-UTOS ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang agarang pag-isyu ng subpoena laban sa isang motorcycle vlogger na umano’y gumawa ng Show Cause Order (SCO) ng ahensiya na walang pahintulot at maaaring magbigay ng maling impresyon na ito ay isang opisyal na kautusan ng LTO.

Batay sa impormasyon na natanggap ng LTO, isang viral post sa Facebook page na “Luciver” ang naglalaman ng isang umano’y SCO at iba pang kaugnay na nilalaman na nagmumukhang opisyal na inilabas ng ahensiya. Dahil dito, agad na nagsagawa ng kaukulang aksyon ang LTO upang beripikahin ang pangyayari at tiyaking mapangalagaan ang integridad ng mga opisyal na dokumento at proseso ng ahensiya.

Sa inilabas na subpoena, inaatasan ang naturang vlogger na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) sa LTO Central Office para sa isang clarificatory conference upang magpaliwanag kaugnay ng nasabing post.

Ayon kay Assistant Secretary Lacanilao, mahalagang mapanagot ang sinumang mapapatunayang gumagamit o nagpapakalat ng mga dokumentong maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko at makasira sa kredibilidad ng mga opisyal na proseso ng gobyerno.

“Ang paggawa o pagpapakalat ng pekeng dokumento na nagpapanggap na opisyal na inilabas ng LTO ay isang seryosong usapin. Hindi natin hinahayaang magamit ang pangalan at awtoridad ng ahensya para sa pansariling interes o para lamang sa content. Hindi kukunsintihin ng LTO ang anumang gawain na nagdudulot ng kalituhan o maling impormasyon sa publiko. Mahalaga na mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga dokumento at proseso ng ating ahensiya,” pahayag ni Lacanilao.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng LTO ang publiko na tiyaking mula lamang sa mga opisyal na plataporma at tanggapan ng ahensiya ang kanilang pagbabatayan ng impormasyon upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita at mga mapanlinlang na nilalaman. (PAUL JOHN REYES