• June 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Walang obstruction of justice sa pag-aresto kay Jinggoy Estrada-Malakanyang

SINABI ng Malakanyang na walang obstruction of justice sa panig ni Senate President Alan Peter Cayetano sa kabila ng tensyonadong sitwasyon sa pagitan nila ni Interior Secretary Jonvic Remulla habang isinisilbi ang arrest warrant laban kay Senator Jinggoy Estrada, araw ng Lunes.

Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro habang binigyang linaw na si Estrada ay inaresto ng mga awtoridad at hindi boluntaryong sumuko.

“Hindi naman siya obstruction of justice. ’Di naman niya itinago,” ang sinabi ni Castro na ang tinutukoy ay si Cayetano.

“Nagkataon lang pinipigilan niya dahil siguro iniisip niya, siya ang Senate President at nasa lugar siya, at ang sinasabi niya ay this is not for Senator Jinggoy, but for the institution,” aniya pa rin.

Nauna rito, naglabas ang Sandiganbayan 5th Division ng warrant of arrest laban kina Estrada , dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at tatlo pang iba kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Matapos ilabas ng Sandiganbayan 5th Division ang warrant of arrest laban kay Estrada at dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, nilinaw ni DILG Secretary Jonvic Remulla na inaresto at hindi sumuko si Sen. Estrada.

Sinabi ni Remulla na alas-3:30 ng hapon nang dumating siya sa Senado upang isilbi ang warrant of arrest sa senador.

Ayon sa kalihim, hindi naging mahirap ang pag-aresto kay Estrada dahil agad naman umano itong sumama sa mga awtoridad.

Pagkatapos nito, dinala ang senador sa tanggapan ng CIDG para sa tamang proseso at booking procedure.

Tungkol naman sa hiling ni Sen. Jinggoy na sumailalim sa operasyon dahil sa kanyang knee injury, sinabi ni Remulla na wala na ito sa kanyang kapangyarihan.

Ayon sa kalihim, ang Sandiganbayan na ang magdedesisyon kung papayagan ang naturang kahilingan. ( DARIS JOSE)